Obrero sa kompanya ng kapeng herbal, di pinasasahod?
Inireklamo ng mga manggagawa ng isang pabrika ng kilalang kapeng herbal na hindi umano sila pinasasahod ng manedsment ng kompanya.

Inireklamo ng mga manggagawa ng isang pabrika ng kilalang kapeng herbal na hindi umano sila pinasasahod ng manedsment ng kompanya.
Inirereklamo nila ang Glomar Herbal Philippines sa Taytay, Rizal, na hindi umano nagpasahod sa 46 manggagawa mula Enero ngayong taon at hindi rin nagpapapasok sa kanilang mga trabaho.
Sinabi ni Francis Martinez, pangulo ng Pinag-isang Lakas ng Manggagawa sa Glomar Herbal Philippines Corporation (Piglas-GHPC), na karamihan din sa manggagawa ang wala sa minimum na sahod na itinakda na P337 para sa rehiyong IV-A.
“Marami pa rin sa mga kasamahan ko ang underwage: nasa pagitan ng P250-P290 lang ang sahod,” ani Martinez.
Sinabi pa niya na kahit dati’y lagi umanong wala sa oras o delayed ang kanilang mga sahod ng ilang linggo. “Lingguhan dapat ang sahod namin, pero laging inaabot ng dalawa o tatlong linggo bago kami pasahurin,” aniya.
Bunsod nito, kinasuhan ng mga manggagawa ang manedsment sa National Labor Relations Commision nitong Pebrero. Pero sa halip na ayusin, lalo umano silang ginipit dahil hindi na sila pinapapasok.

Mula Enero, dalawang beses lamang pinapapasok si Martinez at ang ilan sa mga kasamahan niya’y on-call na lamang.
“Sa tantiya namin, ’yung pagsampa namin ng reklamo (sa NLRC) ang dahilan ng di maayos na pakikitungo sa amin,” sabi pa niya.
“Karapatan naman namin na makuha ang tamang sahod,” ani Martinez, patungkol sa isinampang kaso sa NLRC.
Ikinuwento ni Gina Salangsang, isa rin sa mga manggagawang hindi na pinasahod at hindi na rin pinapasok, na tila pinag-initan siya ng may-ari ng pabrika.
“Pumasok ako ng Lunes, habang nag-e-encode ako ng mga sachet. Dumating ang amo namin at tinanong kung ano ang ginagawa ko,” aniya. Sinagot umano ng maayos ni Salangsang ang amo, ngunit binagsakan siya nito ng pinto at kinabukasa’y hindi na pinapasok.
Ani Salangsang, P210 lamang ang kanyang sinsahod at lagi pa itong naantala. “Paano namin kami mabubuhay kung ganyan,” aniya.
Bukod sa mababa at naantalang pasahod, hindi rin umano alam ng mga manggagawa kung mayroon silang benepisyo tulad ng SSS at Philhealth. “Kinakaltasan kami ng SSS, Philhealth pati nga Pagibig, pero di namin alam kung naire-remit nga. Hanggang ngayon nga di ko alam ang Philhealth number ko,” dagdag pa ni Salangsang.
Kamakailan lamang, nakipagdiyalogo ang mga manggagawa sa manedsment ng Glomar upang hilingin na ibigay ang kanilang sahod at ilinaw ang kalagayan ng mga manggagawa.
Iginiit nilang dapat na magkaroon ng memorandum hinggil sa naantalang pasahod at sa kalagayan nila kung sila ba ay manggagawa pa rin ng kompanya.
Ngunit sinabi ng isa sa mga opsiyal ng kompanya na ibibigay lamang ang kanilang sahod kung ibabalik ng mga manggagawa ang ang kanilang company ID. Katwiran umano ng manedsment na papalitan ng bagong ID, ngunit hindi pa rin ibinigay ang kanilang sahod.
Nababahala ang mga manggagawa na unti-unti silang pinapalitan ng kontraktuwal ng manedsment.
“Hindi kami papayag na isuko (namin) ang ID namin. Katibayan namin ito na manggagawa pa rin kami ng Glomar,” giit ni Martinez.
Sa kasalukuyan, nasa NLRC pa rin ang kaso ng mga manggagawa laban sa kompanya.
Kinasuhan nila ito ng: hindi pagbibigay ng tamang pasahod, non-payment of benefits (13th month pay, holiday pay), kawalan ng payslip, illegal deduction, non-payment of vacation and sick leave, at non-payment of wage.