Pangulo ng unyon sa HSBC sinibak dahil sa outsourcing?
Tuluyang tinanggal ng manedsment ng Hongkong Shanghai Banking Corporation (HSBC) ang tagapangulo ng unyon sa bangkong ito na Hongkong Bank Independent Labor Union (HBILU), matapos ilagay sa 30 araw na preventive suspension.

Tuluyang tinanggal ng manedsment ng Hongkong Shanghai Banking Corporation (HSBC) ang tagapangulo ng unyon sa bangkong ito na Hongkong Bank Independent Labor Union (HBILU), matapos ilagay sa 30 araw na preventive suspension.
Ngunit sabi ng mga opisyal at miyembro ng unyon, hindi makatarungan ang pagtanggal sa kanilang pangulo.
Sinabi ni Kristel Esteban, pangalawang tagapangulo ng HBILU, na walang batayan ang akusasyon ng manedsment laban kay Raymund Acena (pangulo ng unyon).
“Ginawa na lang ng paraan ng manedsment na tanggalin ang aming pangulo,” ani Esteban sa Pinoy Weekly. Inaakusahan ng manedsment na ipinapagamit ni Acena ang kanyang corporate email account sa sekretarya ng unyon.
Ayon pa kay Esteban, hindi nila itinago sa manedsment na ginagamit ng unyon ang email account ng pangulo bilang daluyan ng komunikasyon sa pagitan ng mga miyembro at ng liderato ng unyon.
“Hindi namin itinago iyon. Sinabi namin sa manedsment iyon (paggamit ng email) at dating kalakaran na ginagamit ng unyon ang email (address) ng aming presidente bago pa ang termino ni Mr. Acena,” sabi ni Esteban.
Malaki ang hinala ng mga miyembro at empleyado ng HSBC na ang epektibong pamumuno niya sa unyon at ang aktibong paglaban ng unyon sa Project Green ng HSBC ang dahilan pagtanggal kay Acena.
Ang Project Green ay iskemang outsourcing ng manedsment ng bangko. Sa ilalim ng iskemang ito, plano ng HSBC na i-outsource sa third party provider ang 450 job functions na posibleng magtanggal sa mahigit 300 manggagawa ng bangko o 45 porsiyento sa kabuuang empleyado nito. Ayon sa unyon, 90 empleyado na ang nagbitiw dahil sa iskemang ito at 169 ang lumipat sa third party provider na HSBC Data Processing Philippines.
Sinabi rin ni Esteban na ang terminasyon o pagtanggal sa kanilang presidente ay itinaon sa nalalapit na panahon ng collective bargaining agreement (CBA) ng unyon at ng manedsment.
Ayon pa sa grupo, sinusuportahan din ng manedsment ang pagbubuo ng hiwalay na unyon upang hamunin ang HBILU sa Certification Election. Sabi ng mga miyembro ng HBILU, pagwasak sa kanilang unyon ang ginagawa ng manedsment ng HSBC
“Sinasabi ng manedsment na may batayan ang kanilang pagtanggal. Pero ito’y malinaw na pagmamaniobra upang pahinain ang baragining panel ng unyon sa nalalapit na CBA. Gayundin, (nais nila) ang paglikha ng paborableng kondisyon para sa malawakang outsourcing at pigilan ang pag-unlad at paglakas ng unyon at para mahati ang mga miyembro nito,” pahayag ng HBILU.
Sinuportahan ng anim na unyon mula sa Banking and Financial Unions Against BSP Circular 268 (BFU Against BSP Circ. 268), ang panawagan ng mga empleyado ng HSBC na maibalik si Acena sa trabaho gayundin ang pagtutol sa outsourcing hindi lamang sa HSBC.
“Ang terminasyon ni Mr. Acena ay hindi makatarungan at punung-punong rin ito ng pampulitikang harassment at union-busting. Malinaw na ang intesiyon nito’y para pahinain ang pagtutol ng mga empleyado sa iskemang outsourcing na ipinapatupad ng kompanya sa pamamagitan ng pag-alis sa lider ng HBILU at pagpapakalat ng takot sa iba pang empleyado,” pahayag ng BFU Against BSP Circ. 268, na binasa ni Resty Figueroa, pangulo ng Planters Development Employees Union.
Panawagan din ng grupo na agad ibasura ang BSP Circular 268, na ginagawang lisensiya ng mga bangko upang alisin ang mga regular na manggagawa at pumasok sa iskemang outsourcing.
Kasama sa kumondena sa pagtanggal kay Acena ang Citibank Employees Union, RCBC Employees Association, PNB Employees Association, Hongkong Bank Independent Labor Union (HSBC Union), Planters Development Bank Employees Association at Bank of America Employees Association.