Bindikasyon ng “MNL 143” ni Emerson Reyes
Bukod sa pagpapalabas sa Edinburgh International Film Festival, nauna nang itinanghal sa isang eksklusibong eksibisyon sa Cultural Center of the Philippines para sa mga piling-piling manonood ang kontrobersyal na pelikulang “MNL 143” ni Emerson Reyes dahil ayon nga sa peryodistang pangkulturang si Ibarra Mateo ay para naman may konsuwelo na napanood muna sa Pilipinas ang […]

Bukod sa pagpapalabas sa Edinburgh International Film Festival, nauna nang itinanghal sa isang eksklusibong eksibisyon sa Cultural Center of the Philippines para sa mga piling-piling manonood ang kontrobersyal na pelikulang “MNL 143” ni Emerson Reyes dahil ayon nga sa peryodistang pangkulturang si Ibarra Mateo ay para naman may konsuwelo na napanood muna sa Pilipinas ang obra bago ito dalhin sa ibang bansa lalo na sa Edinburgh kung saan umani ito ng mga papuri mula sa mga manonood at sa mga kritiko.
Pero noong Sabado lang, sa University of the Philippines Film Institute Cine Adarna, napatunayan muli ng pelikula na mangingibabaw ito at makakahakot ng mga tagapanood.
Malaki ang nagawa ng kontrobersyang tinanggihan ng 2012 Cinemalaya Independent Film Festival ang lahok na ito na opisyal na ngang napili sa kategorya ng New Breed Category ng taunang pestibal dahil sa hindi naibigan ng Monitoring Group sa pangunguna ni Robbie Tan, ang prodyuser ng hindi na aktibo ngayong Seiko Films, ang napili ng produksyon, ng prodyuser nito na si Nestor Abrogena at ng direktor, lalo na, ang mga bituin na sina Alan Paule at Joy Viado na maging bida sa obra.
***
Sina Alan at Joy kasi ang gusto ni Emerson na lumabas para sa mga pangunahing tauhan sa istorya dahil bagay na bagay ang mga ito sa mga aktor na ito.
Kakambal sa kalayaan ni Reyes sa pamamahayag at paggawa ng sining ng pelikula ang pagpili sa kung sino ang gaganap sa kanyang mga karakter.
Ang nais ni Robbie sana ay sina Francine Prieto at Victor Neri ang magbida sa pelikula ni Emerson, isang bagay na tinutulan ng direktor at ng prodyuser.
Pero binigyan naman sila ng Cinemalaya ng tsansa na mabigyang-katarungan sina Paule at Viado kung gagawa si Emerson ng ilang eksena na nagtatampok sa dalawang bituin para mapatunayan na para sa mga ito ang mga papel.
Ang sabi ng Cinemalaya ay hindi umabot sa takdang oras ng palugit ang pagsusumite ng ilang tagpong kinunan pero ang sabi naman ng isa sa mga bida ng pelikula ay nagawa ang ilang eksena pero hindi na tinanggap ng Monitoring Group.
***
Nang dahil dito ay naghalo ang balat sa tinalupan.
Pinanindigan nina Emerson at Nestor ang pagbabasura ng Cinemalaya sa kanilang proyekto at nanawagan sa madla at sa kalakhang showbiz na ipaglalaban nila ang kanilang karapatan at hindi titigil hanggang hindi napapatunayang tama ang kanilang produksyon.
Bagamat sinabi ni Reyes sa kanyang paunang salita bago maghawi ang tabi ng Cine Adarna noong Sabado na hindi naman nila sinasadya na ipalabas ang kanilang produkto ng abante para makipagtagisan sa Cinemalaya pero ano pa nga ba ang silbi ng pagpapamarali na itanghal ang pelikula ilang araw bago ang pormal na pagbubukas ng ika-8 Cinemalaya sa CCP?
***
May patama man o wala sa Cinemalaya, ang mahalaga ay naipalabas ang pelikula at napatunayan na inabangan ito ng publiko.
Marunong ding magtinda ng mga kulturang produkto ang mga kasangkot sa produksyon dahil ang mga tao ay maghahangad na masagot ang kanilang mga tanong kung bakit kailangang supilin ito ng Cinemalaya.
Kaya nga humugos ang mga manonood na kalimitan ay mga bagets at kasama sa henerasyon na tinatawag na X—mga estudyante, mahiligin sa pelikula, mga aktibistang pangkultura, mga artista, mga tagalikha ng sining ng pelikula at marami pang nag-usyoso sa proyekto.
Ang haba ng pila ng “MNL 143” nina Alan at Joy sampu ng mga kasamahan nilang aktor at aktres tulad nina Earl Ignacio, Perry Escaño, Chanel Latorre, Cherry Cornell, Sigfried Barros-Sanchez, Roeder Camañag at napakarami pang ibang independiyenteng bituin.
Sa punto man lang na ito ay naipamukha nina Emerson at Nestor na hahalina ang kanilang pelikula.
At ito ay dahil sa alingasngas na nalikha ng pagdiskuwalipika rito.
Pero pabalat pa lang ito dahil ang nilalaman o lamang-loob ng obra ay uuriratin pa bagamat may pangako ito at simple lang ang banat sa sistema ng magulong buhay sa Maynila na umaapekto sa mga personal na retositos ng mga pang-araw-araw na Juan at Juana ng siyudad na ito.