‘Dep’t of Housing mas malupit sa bagyong Gener’
Malupit pa kaysa sa pananalasa ng bagyong Gener ang maidudulot ng pagtatatag ng isang Department of Housing and Urban Development (DHUD) sa mga mamamayang Pilipino

Mas malupit pa sa bagyong Gener ang pananalasa ng isang Department of Housing and Urban Development (DHUD) sa karapatan ng mga mamamayan sa abot-kamay at disenteng pabahay.
Ito ang sinabi ng mga empleyado ng National Housing Authority (NHA), sa pamumuno ng Consolidated Union of Employees-NHA (CUE-NHA), sa pagpasa sa Senado ng panukalang batas na Senate Bill 3199 na naglalayong magtatag ng isang DHUD.
Sinabi ni Rosalinda Nartates, pangulo ng CUE-NHA, na wawakasan ng isang DHUD ang anumang natitirang pondo at serbisyo ng gobyerno na nakalaan sa serbisyong pabahay.
Sa ilalim umano ng SB 3199, isesentro sa DHUD ang lahat ng serbisyong pabahay ng gobyerno. Ibig sabihin nito, ayon sa CUE-NHA, ang pagkaltas ng pondo sa naturang serbisyo. Samantala, paiigtingin ang pagpasok ng pribadong sektor sa serbisyong pabahay, tulad ng pagtayo at pagpapatakbo ng relocation sites, at pagsasapribado ng pampublikong mga lupain at kahit mga lupaing agrikultural na hawak ng gobyerno.
Matagal nang itinutulak ng noo’y administrasyong Arroyo at ngayo’y administrasyong Aquino ang naturang panukalang batas, ayon pa kay Nartates.
“Naging priority legislation ang (pagtatatag ng) DHUD magmula noong ika-siyam na Kongreso at tanging protesta ng mga kawani at mamamayan ang nakapagpigil dito,” aniya.
Sinabi ng mga kritiko ng SB 3199 na sinusunod lamang ng administrasyong Aquino ang imposisyon ng Asian Development Bank at iba pang pandaigdigang institusyong pampinansiya na ituon ang DHUD sa pagtataguyod ng isang sektor ng pabahay na market-oriented at profit-led. Itinigil na ni Pangulong Aquino ang anumang pagpapanggap at lantarang sumusunod na siya sa mga dikta ng mga institusyong ito,” sabi pa ni Nartates.
Isang masamang epekto rin umano ng pagtatag ng DHUD ang panganib sa trabaho ng 5,000 kawani sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na may kaugnayan sa pabahay.