Boyfriend ni Toni Gonzaga, humabol sa 2012 Reel Gate International Film Festival
Kapana-panabik ang bawat segundo ng pagbuo ng 2012 Reel Gate International Film Festival na inorganisa ng kontrobersyal at nakakaintrigang Fil-Briton filmmaker na si Jowee Morel. Sa dinami-dami ng direktor sa pelikula ngayon, kailangang ipresenta at ipaliwanag na si Jowee ay ang lumikha ng mga kontrobersyal at nakakaintriga ring mga obra tulad ng “Moma” na tungkol […]

Kapana-panabik ang bawat segundo ng pagbuo ng 2012 Reel Gate International Film Festival na inorganisa ng kontrobersyal at nakakaintrigang Fil-Briton filmmaker na si Jowee Morel.
Sa dinami-dami ng direktor sa pelikula ngayon, kailangang ipresenta at ipaliwanag na si Jowee ay ang lumikha ng mga kontrobersyal at nakakaintriga ring mga obra tulad ng “Moma” na tungkol sa katomboyan; “Ec2luv” na hinggil sa makabagong pag-ibig ng mga kabataan; “Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies)” na tumatalakay sa pag-iibigan ng mga baklang may asawang babae; “Mona Singapore Escort” na nagbigay-buhay sa isang Pinay na escort service sa Singapore; “When a Gay Man Loves” na mala-dokyumentaryong obra tungkol sa kabadingan sa Pilipinas; “Latak (Residue)” na isang pagtatampok sa pelikula ng mga nakatagong lihim ng isang ehekutibo sa advertising; “Moving Dreams” na pagtitipun-tipon ng mga nakaraang kaganapan sa likod ng kamera ng mga naunang pagsasapelikula ni Morel; “HiStory” na dokyu sa HIV-AIDS sa Indonesia; “Strictly Confidential” na dokyumentary at dramatisasyon ng sekswal na pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki at kung paano maaaring magdulot ito ng sakit at ang katatapos lang na pelikula tungkol sa Overseas Filipino Worker na “Leona Calderon” na pinangungunahan ng maalamat na si Pilar Pilapil at ng premyadong British at Hollywood na aktres na si Virginia McKenna.
Sagsagan na si Jowee sa preparasyon ng Reel Gate sa London kung saan iniipon na niya ang lahat ng mga materyal na may kaugnayan sa pelikulang ipapalabas sa pestibal bagamat hindi lang ito ang dapat asikasuhin dahil masalimuot ang pagtatatag ng isang pandaigdig na parada ng mga pelikula.
Karamihan sa mga obrang kasali ay mga panooring Filipino at British.
Siyam lang ang puwestong pupunuin ng RGIFF sa mga pelikulang lubusang tapos o full-length kaya nang dumagsa ang pagpapadala ng mga gaya nito ay namili nang masinsinan at masinsin si Morel at ang bumubuo ng komite ng pagpili.
Sobra nga ang mga lahok—personal mang ipinadala o inimbitahan—sa hindi pa opisyal na talaan noon gaya ng “Biyaheng Lupa” ni Armando Lao; “Bisperas” ni Jeffrey Jeturian; “Manila Kingpin The Asiong Salonga Story” ng Scenema Concept International; “Rindido” ni Noriel Jarito; “Road to Amaptuan” ni Jigz Recto; “Tanglaw” ni Neal “Buboy” Tan; “Tsardyer” at “Bangka ha ut sin duwah sapah (The Boat Between Two Rivers)” parehong idinirek at pag-aari ni Sigfreid Barros-Sanchez; “MNL 143” ni Emerson Reyes; “Ang Babae sa Septic Tank” ni Chris Martinez; “Rosario” ni Albert Martinez (pero walang sagot sa aming Facebook message si Joan Cabaldo-Bañaga nang hilingin namin ang pelikula at sa katuusan ay hingin ang kopya nito) at “Thelma” ni Paul Soriano.
Pero nakahabol ang “Thelma” dahil handa na ito sa mga teknikal na pangangailangan ng pestibal kaya nakipag-ugnayan agad kami sa mga prodyuser ng proyekto.
May medyo katagalan kung tumugon si Soriano sa mga mensahe sa email o sa text pero sa takdang pagsasara ng dedlayn ay humabol ang anak ng direktor ding si Jeric Soriano na samakatuwid ay apo ni Nestor de Villa.
Pinangungunahan ni Maja Salvador ang pelikula tungkol sa isang runner o sprinter na halaw sa kasaysayan sa palakasan ni Elma Muros.
Sa paggawa ng pelikula, inspirasyon ni Soriano ang kanyang kasintahang si Toni Gonzaga na bigay-todo rin ang suporta sa pelikula kahit noong ginagawa pa lang ito mga dalawang taon na ang nakakaraan.
Sa panahon ngang niyayari ni Paul ang pelikula Paul ay lalo pang sumidhi ang pag-iibigan nila Toni.
Walang puwang ang selos o duda sa puso at isip ni Gonzaga dahil tulad niya ay maganda at batambata pa rin si Maja.
Nagwawagi pa hanggang ngayon ang obra sa iba’t ibang panig ng daigdig sa mga international film festival kaya naman nananalangin si Toni na maging maganda ang resulta ng pagpapalabas ng “Thelma” sa London.
Masaya si Jowee dahil kumpleto na ang talaan ng mga pelikulang kanyang ipapalabas kabilang ang maiikling pelikula mula sa Pilipinas at United Kingdom.
Namamag-asa si Morel na kumita ang mga pelikulang kasama sa pestibal para naman makabawi kahit na konti ang puhunan na ibinuhos ng bawat produksyon sa mga ito.
Ito ay para makagawa muli ng pelikula ang mga kasangkot na filmmaker nang dahil sa may bayad o may tiket ang bawat manonood.
“Gusto ko talagang kumita ang mga producer dahil baka madala sila sa paggawa ng pelikula. Sana, makatulong ako sa kanila dahil ito rin ang predicament ko as a producer. Wala ring entry fee o courier fee ang pagsali sa Reel Gate. Hindi pa lang kami makapagbibigay ng libreng airfare sa mga guest dahil wala pa kaming budget para rito.
“Later siguro pag nag-expand na kami sa ibang bansa at kumikita na ang festival. Kung nagkakaisa, makakamtan ang mga layunin,” wika ni Jowee na hindi titigil hanggang hindi umuunlad ang lokal na industriya ng pelikula.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng pestibal ang Terrence Higgins Trust, isang foundation na nagtataguyod sa mga may karamdaman ng HIV/AIDS sa London; Pilar V. Pilapil Foundation, Inc., isang pribadong organisasyon na tumutulong pagpapalaganap ng Kristiyanong mga kahalagahan ng buhay; Ilayang Ilog Association, isang grupo na nangangalaga sa kapakanan ng mga bakla sa Pilipinas at Positive Action Foundation, isang non-government organization o NGO na nagpapatupad ng mga kampanya para sa tamang kaalaman sa HIV/AIDS.
Samantala, itinalaga naman ni Morel bilang Festival Organizer at Director ng Reel Gate ang aktres at General Manager ng Health Ventures, Inc., ang gumagawa ng bitaminang Mega C, na si Yvonne Benavidez, kilala rin sa tawag na Tita Mega C, bilang Ambassador of Charity ng pagdiriwang.