Sikretong kasunduan sa lupa ng RP at Bahrain ibinunyag
Ibinunyag ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang isang umano’y sikretong kasunduan ng Pilipinas at Bahrain hinggil sa paggamit ng lupa sa bansa para sa produksiyon ng Basmati rice, isang espesyal na uri ng bigas, na iluluwas sa Bahrain. Sa isang joint press statement, sinabi ni […]
Ibinunyag ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang isang umano’y sikretong kasunduan ng Pilipinas at Bahrain hinggil sa paggamit ng lupa sa bansa para sa produksiyon ng Basmati rice, isang espesyal na uri ng bigas, na iluluwas sa Bahrain.
Sa isang joint press statement, sinabi ni Fernando Hicap, tagapangulo ng Pamalakaya, at Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP, na pinirmahan ang kasunduan nang bumisita sa Pilipinas noong Mayo 2008 si Hassan Fakhro, trade minister ng Bahrain.
“Habang walang sariling lupa ang 70% ng mga Pilipinong magsasaka, pumapasok si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa mga sikreto, ilegal, at imoral na kasunduan sa Bahrain na ibebenta sa murang halaga ang mga lupaing agrikultural ng bansa sa mga dayuhang mamumuhunan,” sabi ni Ramos.
Inireklamo ng KMP ang umano’y pagtatago ng gobyernong Arroyo sa mga detalye ng nasabing kasunduan.
Naiulat ang pahayag ni Fakhro na papasok sa bansa ang ilang mga kompanya sa Bahrain para mamuhunan sa rice production at livestock processing, ayon kay Ramos.
Bukod sa Pilipinas, interesado rin ang General Trading and Food Processing Company, isa sa pinakamalaking public trading corporation a Bahrain, sa paggamit ng mga lupain sa Australia, India, at Sudan. Noong 2007, nagtayo ito ng $2.7 milyong joint food processing venture kasama ang Qatar Company for Meat and Livestock Trading.
Ayon sa mga grupo, nakatakda ang gobyerno na magbenta o magpaupa ng 1.5 milyong ektarya ng lupaing agrikultural sa mga bansang mayroong bilateral trade agreements sa Malakanyang.
Samantala, nanawagan ang Pamalakaya sa Kongreso na imbestigahan ang nauna nang naibulgar na kasunduan ng gobyerno sa kompanyang Hapon na Pacific Bio-Fields Holding Plc. at lokal na subsidaryo nito hinggil sa pagtatanim ng bio-fuel sa 400,000 ektaryang lupain sa Hilagang Luzon.
Tinatawag ito ng militanteng mga grupo na “pinakamalaking pagbebenta ng pambansang patrimonya” sa nakaraang mga taon.
Sa ilalim ng 25-taong kasunduan sa Department of Environment and Natural Resources at Philippine Coconut Authority, 60% ng bio-fuel ang mapupunta sa gobyerno ng Pilipinas habang 40% naman ang mapupunta sa kompanya para ibenta sa mga konsyumer sa Japan.
Nauna nang kinuwestiyon ng KMP at Pamalakaya ang pormal na panghihikayat ng European Union sa gobyerno ng Pilipinas na alisin ang probisyon sa Konstitusyong 1987 na nagbabawal sa dayuhang pagmamay-ari ng lupa.
“Hindi ibinebenta ang bansang ito. [Dapat] naka-reserba ang mga lupain dito para sa pampublikong pagmamay-ari at kapakanan ng bawat Pilipino,” sabi ng mga grupo.