Pluma at Papel

Tiyo Sam


(Tula — tugon sa panawagan ni Pia Montalban para sa taludturan ng LRP) naglumot na ang mga dekada, tiyo sam pero hayok ka pa rin sa laman ipinapatay sa congo si patrice lumumba ibinilanggo si nelson mandela para masipsip mo suso ng aprika! kinubabawan mo ang puklo ng cuba kaya nag-alipato mahabang tabako supa-supa ni […]

(Tula — tugon sa panawagan ni Pia Montalban para sa taludturan ng LRP)

naglumot na ang mga dekada, tiyo sam
pero hayok ka pa rin sa laman
ipinapatay sa congo si patrice lumumba
ibinilanggo si nelson mandela
para masipsip mo suso ng aprika!
kinubabawan mo ang puklo ng cuba
kaya nag-alipato mahabang tabako
supa-supa ni fidel castro
bumalikwas ang mga cienfuegos
pati si che guevara taga-argentina
pinaglagablab apoy ng paglaya
mulang sta. clara hanggang sa havana
tinadyakan kang parang asong-gala
pero operation mongoose
di makataong embargo
sa cuba’y iyong iginapos
nagmumulto tuloy sa amerika latina
simon bolivar, jose marti, at kauri nila.

sinlinaw ng kristal, tiyo sam, sa aking gunita
walang habas mong panggagahasa
sa angking alindog ng maraming bansa
nananambitan tuloy sa kanyang libingan
kaluluwa ni ho chi minh ng vietnam
iyong nilaklak dugo ng korea
dibdib ngayo’y hati sa dalawa
isang saddam hussein iyong ibinagsak
bagong babylonia ganap nilamutak
tahimik na libya ay iyong ginulo
hanggang si qaddafi’y mabura sa mundo
para puklong malangis ng libya
makalantari mo ngayon sa tuwi-tuwina!
ano pa, tiyo sam, ang pinakahahangad?
singit ng seychelles, yemen at chad
utong ng albania, laos at grenada
puklo ng thailand, timor at angola
bibig ng malaysia saka indonesia
hangad dalirutin at piga-pigain
sa udyok ng libog ng imperyalista!

o, tiyo sam, kailan magwawakas
iyong pagkahayok sa laman ng iba
makahindot ka lang sa tuwi-tuwina?
kinalantari mo’t nilaspag noon pa
pinakasisinta kong la tierra pobreza
hinubarang ganap laya’y kinadena.
guardia de honor nitong aking bansa
ginawang lahat de susing manyika
kinasabuwat mo sa mga pakana
upang suso’t puklo nitong aking sinta
iyong magahasang walang patumangga
mga kapatid ko’y kalansay ng dusa
kinabukasan ko’y burak ang kapara
pero, tiyo sam, iyong isaisip
mayroon ding di umiidlip
mga bonifacio’y ganap babalikwas
hahawak ng tabak
panggagahasa mo’y sadyang wawakasan
taling tanikala sa leeg ng madla
lubos lalagutin, puputul-putulin
at itatanghal ang layang maningning!