Manggagawa ng Coca-Cola sa Laguna, nagwelga
Nagwelga ang mahigit 300 manggagawa ng dalawang planta ng Coca-Cola sa Sta. Rosa, Laguna. Kasama ang mga forklift operator, driver, hauler at picker, ikinandado ng mga manggagawa at hinarangan ang apat na gate ng Coca-Cola Bottlers Philippines, Inc. Panawagan nila: kaseguruhan sa trabaho, sahod at pagkilala sa itinayo nilang unyon. Inihayag ng Pagakakaisa ng Manggagawa […]

Nagwelga ang mahigit 300 manggagawa ng dalawang planta ng Coca-Cola sa Sta. Rosa, Laguna.
Kasama ang mga forklift operator, driver, hauler at picker, ikinandado ng mga manggagawa at hinarangan ang apat na gate ng Coca-Cola Bottlers Philippines, Inc. Panawagan nila: kaseguruhan sa trabaho, sahod at pagkilala sa itinayo nilang unyon.
Inihayag ng Pagakakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik), panrehiyong balangay ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na nagsampa na ng notice of strike noong Marso 22, 2013 ang Unyon ng mga Manggagawang Driver, Forklift Operator, at Picker sa Sta. Rosa CCBPI-Independent laban sa kompanya dahil sa unfair labor practice.
Dagdag pa ng grupo, hindi rin kinilala ng kompanya ang unyon kahit nakasumite ito ng Petition for Certification Election at pinaboran ng Department of Labor and Employement (DOLE-IV A).
Idineklara ng DOLE na regular ang mahigit 400 manggagawang nasa ilalim ng Red Agency (logistic subsidiary ng Coca-Cola Bottlers Philippines Inc.), kasabay ng desisyong maglunsad din ng certification election.
Pero taliwas sa desisyon, tumindi ang panggigipit sa mga kasapi at opisyales ng unyon. Binaliktad din daw ng DOLE ang naunang desisyon nito hinggil sa PCE.
“Malinaw sa naging desisyon ng DOLE-BLR IV-A na ang 430 manggagawa sa ilalim ng Red System ay regular na mga empleyado ng Coca-Cola, at marapat lamang na pahintulutang magkaroon ng CE para sa pagtatayo ng kanilang unyon,” ani Hermie Marasigan, tagapangulo ng Pamantik.
Sinabi pa ni Marasigan na ang pagkakaroon ng CE ang inaasahan ng mga manggagawa para sa mabungang collective bargaining agreement. “Muli na namang ipinakita ng DOLE ang kawalang-hiyaan nito at pagiging tuta ng mga kapitalista sa panahong mayroong labor dispute,” aniya.
Ayon pa sa grupo, tanging ang planta ng Coca-Cola sa Sta. Rosa ang walang nakatayong unyon.
“Simple lang ang hinihiling ng mga manggagawang nakawelga: nakabubuhay na sahod, benepisyo, at regular na empleyo kapalit ng kanilang pagpapagal sa multinasyunal na kompanyang humuhuthot ng bilyun-bilyong piso mula sa lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino araw-araw,” ani Marasigan.
Bidyo hinggil sa laban ng mga manggagawa sa Coca-Cola, mula sa Mayday Multimedia: