Mga protesta kontra presensiyang militar ng US sa bansa isinagawa, EDCA kinuwestiyon sa Korte Suprema
Nagsasampa ng petisyon ang koalisyong Makabayan, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at iba pang progresibong grupo sa Korte Suprema laban sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos (US). Ito ang pangalawang batch na nagsumite ng petisyon sa Kataas-taasang Hukuman para kuwestiyunin ang legalidad ng EDCA. Naunang nagsumite noong nakaraang araw […]

Nagsasampa ng petisyon ang koalisyong Makabayan, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at iba pang progresibong grupo sa Korte Suprema laban sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos (US).
Ito ang pangalawang batch na nagsumite ng petisyon sa Kataas-taasang Hukuman para kuwestiyunin ang legalidad ng EDCA. Naunang nagsumite noong nakaraang araw sina dating Sen. Rene Saguisag at Wigberto Tanada.
Kabilang sa nakiisa ang mga grupong makakalikasan sa pangunguna ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE).

Kasama rin sa mga petisyuner sina Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, Bayan Muna Reps. Carlos Zarate at Neri Colmenares, Gabriela Reps. Luz Ilagan at Emmi de Jesus, ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Anakpawis Rep. Fernando Hicap, at Kabataan Rep. Terry Ridon.
Lumagda rin sa petisyon sina National Artist for Literature Bienvenido Lumbera, direktor sa pelikula na si Joel Lamangan, aktibistang kontra-baseng militar na si Renato Constantino Jr., dating mga mambabatas na sina Satur Ocampo at Liza Maza, Roger Soluta ng Kilusang Mayo Uno at Rafael Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
“Ang teksto at subteksto ng petisyong ito ay bukas na nakadirekta sa pangangayupapa ng gobyerno ng Pilipinas sa lantaran at direktang pagsisinungaling nito na mahigit isang siglo nang inilalako ng mga interes sa US. Nakabatay ang mga argumento sa reyalidad ng pagyurak sa soberanya (ng bansa) at pagpapailalim ng interes-publiko ng Pilipinas,” ayon sa mga petisyuner, sa wikang Ingles.
(I-download at basahin ang petisyon ng Bayan, Makabayan, atbp. kontra sa EDCA.)
Pagkuwestiyon sa lansangan
Samantala, nagsagawa naman ng lightning rally ang militanteng kabataan ng League of Filipino Students (LFS) at iba pang grupo sa harap ng embahada ng US sa Manila para igiit ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng US at Pilipinas.
Ginunita ng LFS ang ika-15 taong anibersaryo ng paglagda ng VFA.
Nagprotesta rin ang organisasyong pangkababaihan na Gabriela sa harap ng bulwagan ng Senado para igiit ang pagbasura sa EDCA at pag-imbestiga ng Mataas na Kapulungan sa kuwestiyonable umanong paglagda rito ng ehekutibo.
“Pinalalakas ng EDCA ang pagiging de facto na US military base ng Pilipinas, na may estratehikong halaga para sa presensiyang militar ng US at pagpapakita ng kapangyarihan sa rehiyon ng Asya-Pasipiko. Kung kaya nalalagay ang mga mamamayang Pilipino sa mapanganib na posisyon na makaladkad sa mga giyera ng US, at sa mga giyera kasama ang pagsasamantala sa kababaihan at mga bata,” sabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Sinabi ni Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay ng Kalikasan PNE, na naniniwala sila na malinaw na labag sa karapatan ng mga mamamayang Pilipino sa malusog at balanseng ekolohiya at pambansang patrimonya ang EDCA.
Maaari rin aniyang maging simula ang EDCA ng malawakang kontaminasyon ng nakalalasong kemikal at pagkasira ng kalikasan dahil hinahayaan nitong magbase ang mga sundalong Amerikano, maglagak ng kagamitang pandigma at posibleng paglunsad ng armas nukleyar sa loob ng teritroyo ng Pilipinas.
Kabilang sa batayan ng pagtutol ng grupo sa EDCA ay ang hindi pagbanggit ng mga nakalipas na krimen at paglabag ng tropang Amerikano sa kalikasan, tulad ng pagsadsad ng USS Guardian sa Tubbataha,o ang pagtapon ng nakakalasong kemikal ng isang US Navy contractor sa Subic Bay.
Balik-tanaw sa VFA
Binalikan naman ng militanteng kabataan ang 15-taon ng VFA para patunayang walang napala ang mga mamamayang Pilipino sa presensiyang militar ng mga Amerikano sa bansa.
“Sa mahigit isang dekada sa ilalim ng VFA, hindi kailanman naging bisita ang mga Amerikanong sundalo. Sila ay mga mananakop,” ani Charlotte Velasco, tagapagsalita ng LFS. Aniya, mula 2002, permanenteng nanatili ng Amerika ang presensya ng 600 tropa nito sa bansa at nagtalaga ng ‘no-Filipino zones‘ sa bansa sa ilalim ng Joint Special Operations Task Force-Philippines, Cooperative Security Locations, at Forward Operating Sites.
Ayon kay Velasco, kabaligtaran sa pagiging benepisyaryo nito sa bansa, nagbigay daan ang VFA sa mas maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Kabilang dito ang pagpatay umano kay Ahbam Juhurin noong 2012; ang panggagahasa kay Nicole noong 2005; ang pamamaril kay Buyong-Buyong Isnijal sa Basilan; ang masaker sa tatlong sibilyang Moro sa Tawi-Tawi; ang panghaharas sa anim ng mamamahayag noong 2010; at ang pamamaslang umano kay Arside Baharon sa Zamboanga City.
“Ang higit na nakagagalit ay ang pagiging papet ng rehimeng Aquino na nais palawakin pa ang sakop at limitasyon ng VFA sa pagpirma kamakailan sa EDCA,” ayon kay Velasco.
Nakakadagdag sa tensiyon
Ayon kay Velasco, hindi makakatulong ang US sa tensiyon sa China na nagaganap ngayon kaugnay ng pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea.
“Ang alyansang para sa agresyong militar ng Amerika ay bahagi ng strategic pivot to Asia ng US, at gayundin ang EDCA. Ang sandatahang lakas ng US, barkong pandigma, at iba pa ay dadalhin dito hindi para sa proteksiyon ng bansa kundi para sa pananatili ng Amerika sa ekonomiya ng mga bansa,” dagdag ni Velasco.
Sinabi pa niya na nakikita pa nga ng US ang China bilang military partner at hindi isang banta sa kanilang seguridad.
“Dapat mahiya si Aquino sa kanyang desperasadong ginagawa para makuha ang loob ng kanyang takaw-gerang dayuhang amo. Dama ng kabataan ang kasinungalingan sa sinasabi niyang inclusive growth noong World Economic Forum. Walang magiging himala para sa mga Pilipino kung hindi natin ibabasura ang mga kasunduan gaya ng EDCA,” pagtatapos ni Velasco.
Ulat nina Soliman A. Santos at Pher Pasion