Coco Martin humingi ng dispensa, nangakong tutulong sa adbokasiya ng kababaihan
Personal na humingi ng dispensa ang sikat na aktor si Coco Martin sa kababaihan dahil sa paglahok niya sa isang fashion show na The Naked Truth ng kompanyang Bench na kinatampukan ng isang nakatali babae na parang alagang hayop. Sa isang pulong na dinaluhan ng mga kinatawan ng mga grupong pangkababaihan tulad ng Gabriela, Philippine […]

Personal na humingi ng dispensa ang sikat na aktor si Coco Martin sa kababaihan dahil sa paglahok niya sa isang fashion show na The Naked Truth ng kompanyang Bench na kinatampukan ng isang nakatali babae na parang alagang hayop.
Sa isang pulong na dinaluhan ng mga kinatawan ng mga grupong pangkababaihan tulad ng Gabriela, Philippine Commission on Women (PCW), United Nation Development Fund for Women at iba pa, inihayag ni Martin ang kanyang saloobin hinggil sa kontrobersiya.
“Sorry po. Sana mapatawad niyo ako,” sabi ni Martin.
Ipinaliwanag niya na nagkulang siya at may napabayaan siyang aspekto bilang isang tao nang gampanan niya ang isang segment sa kontroberisyal na fashion show. Aminado rin siya na naapektuhan siya ng idinulot na kontrobersiya dahil sa n nakaligtaan niyang may mga taong maaari niyang maapakan tulad ng kanyang nanay at kapatid na babae.
Sinabi pa ni Martin na kadalasang hindi siya naapektuhan ng anumang intriga sa industriya ng pelikula o entertainment. Ngunit sa pagkakataong ito, malaki ang nagging epekto sa kanya ng backlash bunga ng pagmodelo niya sa naturang fashion show na kinatampukan ng imaheng “kontra-kababaihan”.
“Hindi ko nakita na mas malalim ang epekto nito at mayroon na akong naapakang mga tao. Kaya humihingi po ako ng dispensa sa aking pagkakamali,” aniya.
Inilinaw din niya na malaki ang kanyang responsabilidad bilang isang artista sa mga taong nanonood at sa kanyang mga tagahanga.
Hinangaan naman ng mga lider-kababaihan ang pagpapaumanhin sa publiko ni Martin at sinabing hindi nila puntirya si Martin kundi ang kompanya at advertising agency. Malinaw daw na diskriminasyon at pagpapababa sa dignidad ng kababaihan ang konsepto ng bahaging iyun ng nasabing fashion show.
“Hindi si Coco ang may malaking pagkakamali. Hindi siya mainly responsible sa nangyari,” pahayag ni Liza Maza, chair emeritus ng Gabriela. Sabi ni Maza na dapat kondenahin ang mga kompanyang gumagamit ng kababaihan para ibenta ang kanilang mga produkto at serbisyo para kumita at hindi si Martin.
“Si Coco ang umako ng mga pagkakamali ng kompanya at mga nagpakulo ng show,” sabi ni Maza. Sinabi rin niya na isang larawan ng pagiging responsableng artista ang ginawang paghingi ng paumanhin sa publiko ni Martin.
Bukas-palad namang tinanggap ng Gabriela ang paumanhin at pagpapakumababa ni Martin sa kabila nang maliit lamang ang kanyang pananagutan sa naturang kontrobersiya.
Ayon nga sa tagapangulo ng Gabriela at Gabriela Rep. Emmi de Jesus, maaaring maging daan ang nangyaring kontroberisya kay Martin na higpitan pa ang pagpapatupad sa mga batas na nagtataguyod sa karapatan ng kababaihan.
Dapat din daw na magkaroon ng sensitibidad para sa isyu ng kababaihan at responsabilidad sa lipunan ang mga korporasyon at negosyong naglalako ng kanilang mga produkto at serbisyo.
Sa kabila kasi ng pagkakaroon ng Magna Carta for Women, hindi pa rin naitataas ang pagtingin sa kababaihan. Nananitili pa rin ang diskriminasyon at komodipikasyon sa mga kababaihan. Kaya’t hindi pa rin lusot ang kompanyang Bench sa pagkondena ng grupo kahit pa nagpaumanhin na si Martin.
“Sa simula pa lang, nakapokus ang mga pahayag namin sa paggamit ng Bench sa kababaihan sa kontrobersiya para lamang kumita,” sabi ni De Jesus. “Dapat silang magkaroon ng discernment, ang mali ay mali.”
Aminado naman ang PCW na may kulang sa Implementing Rules and Regulations ang Magna Carta for Women. Hindi raw nakasama sa batas ang mga katulad na fashion show at ibang pang palabas sa tanghalan sa ginagarantiyahang proteksiyon sa batas ng kababaihan. At sinabing maaari pang baguhin at idagdag ang nasabing mga palabas.

Ngunit para kay Lorna Kapunan, tumatayong abogado ni Martin, hindi lang kababaihan ang dapat na mabigyan ng pansin sa anumang pagbabago sa batas. Dapat daw na bigyan-pansin din ang mga artista (kababaihan man o lalaki at maging mga miyembro ng LGBT), at mabigyan ng proteksiyon.
“Kabuhayan ng mga artista ‘yan. Kapag sinabing ganito ang gawin mo, kahit ayaw nila, susunod sila,” ani Kapunan. Dapat daw na ilagay sa batas na karapatan ng mga artista na tumanggi.
“Hindi sila dapat kasuhan ng breach of contract kapag tumanggi sila sa ipinipagawa sa kanila, na sa tingin nila ay demeaning and discriminatory,”aniya.
Nagpasalamat si Martin sa bukas na pagtanggap ng kababaihan sa kanyang paghingi ng dispensa at nangakong tutulong sa kampanya para wakasan ang karahasan at diskriminasyon sa kababaihan.
Sa pribadong pag-uusap ni Martin at ng Gabriela, sumang-ayon ang aktor sa imbitasyon para sa okasyon ng paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women 0 Idevaw at ang taunang One Billion Rising Global Campaign.
“Maaaring maging si Matt Damon siya ng Pilipinas kung totohanin niya ang kanyang pangakong tumulong,” ani De Jesus.
Kilalang artista sa Hollywood si Damon, at kilala rin sa mga adbokasiya tulad ng pagkakaroon ng malinis na tubig, para sa kalikasan at edukasyong pampubliko.
Panawagan ng Gabriela sa mga artista na mas kilalanin at pag-aralan ang mga papel na kanilang ginagampanan at tanggihan ang anumang makikita nilang pagyurak sa pagkatao ng kababaihan.
“Mayroon kayong karapatan na maninidigan para sa karapatan ng kababaihan at sa karapatan ng bawat tao. Dahil popular kayo at iniidolo ng publiko, dapat kayong maging mulat na may responsabilidad kayo sa lipunan, hindi lamang sa salita, kundi sa gawa. Inaasahan namin na makakasama namin si Coco Martin sa aming laban,” pahayag ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.