Pagkatalo ng US sa Afghanistan


Minarkahan ng pagkubkob ng Taliban sa Kabul ang pagkatalo ng US sa 20 taon ng gerang agresyon nito sa Afghanistan.

Tuluyan nang nabawi ng Taliban ang pampulitikang kapang-yarihan sa Afghanistan mula sa mananakop na puwersa ng Estados Unidos (US) at sa iniluklok nitong brutal at korap na pamahalaan.

Matapos ang isang linggong opensiba, nakubkob ng Taliban ang Kabul nang halos walang paglaban mula sa puwersang panseguridad ng Afghanistan. Tumakas naman papuntang Oman, Jordan si Afghan President Ashraf Ghani at iba pang opisyal ng pamahalaan. Sinimulan na rin ang pagtatayo ng isang bagong pamahalaan na anila’y magiging mapayapa at inklusibo sa pamumuno ng Taliban.

Nabawi ng Taliban ang Kabul ilang linggo matapos ipatupad ni US Pres. Joseph Biden ang pagpapauwi ng mga tropang militar nito sa Afghanistan na nakatakdang matapos bago ang Setyembre 2021.

Ang giyerang agresyon laban sa Afghanistan ang pinakamahabang giyerang inilunsad ng US laban sa isang bansa. Gumastos na ang US ng kabuuang $1 Trilyon para sa giyerang ito mula Setyembre 2001.

Sa kanyang artikulo sa New Left Review, sinabi ng manunulat at aktibistang Briton na si Tariq Ali na ang pagbagsak ng Kabul sa kamay ng Taliban ay isang mayor na pampulitika at pangideolohiyang pagkatalo ng “Imperyo ng Amerika”.

“Ang mga siksikang helikopter na lulan ang mga tauhan ng US Embassy papuntang Kabul Airport ay nagpapaala-ala sa mga eksena sa Saigon (Vietnam)– ngayon ay Ho Chi Minh City – noong April 1975,” ani Ali.

Dagdag pa ni Ali, inatras ng US ang puwersa nito sa Afghanistan nang hindi natutupad ang naunang ipinangakong kalayaan, demokrasya, pantay na karapatan sa kababaihan at pagdurog sa Taliban.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) na ipinamalas ng pagbagsak ng Kabul na bigo ang pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig na magdulot ng totoong kapayapaan, pag-unlad at demokrasya sa Afghanistan sa kabila ng paglulunsad ng US ng pinakamahabang gerang agresyon nito laban sa isang bansa.

“Ang pagkatalo ng US sa Afghanistan ay nagpapaalala sa makasaysayang pagkatalo sa Vietnam at Iraq, at nagpapakita kung paanong ang panggigiyera at pag-okupa ng isang imperyalistang kapangyarihan laban sa isang soberanyang bansa ay nagdudulot lang ng paglaban ng mamamayan, na may kakayanang manalo,” sabi ng ILPS.

Hindi biglaan ang pagbabalik sa kapangyarihan ng Taliban. Pebrero 2020 pa lang, pirmado na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Taliban at rehimeng Ghani. Pinangasiwaan mismo ng US ang pakikipagnegosasyon sa Taliban sa tinawag na Doha Peace Process, kasama ang Tsina, India at Pakistan.

“Alam ng panseguridad na establisimyento ng Amerika na bigo ang pananakop: na hindi nila kayang supilin ang Taliban kahit gaano man sila katagal manatili,” ani Ali.

Sa ulat ng The Washington Post noong 2019, na nakilala bilang “The Afghanistan Papers”, inamin mismo ng mga heneral na nagpapatakbo ng gera sa Afghanistan ang kanilang kabiguan.

“Wala kaming punda-mental na pagkaunawa sa Afghanistan – hindi namin alam ang aming ginagawa,” pag-amin ni US Gen. Douglas Lute, “Afghan war czar” sa ilalim ni US Pres. George W. Bush at Barack Obama.

Para sa Communist (Maoist) Party of Afghanistan, ang mabilis na pagkapanalo ng Taliban ay naging posible din dahil sa kabulukan ng “papet” na rehimen. Hindi umano lehitimo ang rehimeng Ghani dahil ito ay nagsisilbi lang sa interes ng imperyalistang okupasyon. Wala din umano itong lehitimasiya kahit sa mata ng sarili nitong mga sundalo.

Ayon pa sa C(M)PA, bigo din umano ang mga diplomatikong pagsisikap ng US sa negosasyon sa Doha dahil “pinalakas lang umano nito ang prestihiyo ng Taliban, binigyan ito ng internasyunal na daluyan, at krisis ng pagkalehitimo ng papet na rehimen sa Kabul.”

Kinabukasan sa Taliban

Sa kabila ng inanunsiyo ng Taliban na pagtatayo nito ng bagong pamahalaan na “inklusibo” at “Islamiko”, may pangamba na magbalik din ang malupit pamumuno nito na magpapatindi pa sa panunupil sa mga kababaihan at mga minorya.

Ayon sa ILPS, kung babatayan umano ang rekord ng Taliban ay hindi ito aasahang “mamuno na may pagpapahalaga sa interes ng mamamayan ng Afghanistan para sa tunay na kalayaan, demokrasya, pagrespeto sa karapatang pantao, at makamamamayang kaunlaran.”

“Kinamumuhian ng mga mamamayan ang Taliban. Kaya naman, marami ang gustong makawala sa kanilang awtoridad. Ang reaksiyonaryong katangian ng Taliban ay lalong maghihiwalay sa masa at magtutulak sa kanilang tutulan at labanan ang mga reaksiyonaryo at kontra-mamamayang patakaran nito,” sabi ng C(M)PA.

Sabi naman ni Ali na sa pagkatalo ng US at pag-atras ng North Atlantic Treaty Organization (NATO), pangunahing dayuhang kapangyarihang may impluwensiya ngayon sa Afghanistan ang Tsina, Russia, Iran at Pakistan.

Ibinulgar din ni Ali na nauna nang dumalaw sa Tsina ang matataas na opisyal ng Taliban at nangakong hindi nila ipapagamit ang Afghanistan bilang lunsaran ng mga atake sa ibang bansa. Napag-usapan din umano ang ilang kasunduan sa kalakalan at ekonomiya.

“Sa pag-atras at paghina ng impluwensya ng imperyalistang Amerikano sa rehiyon, ang bagong rehimen ay magiging mas malapit at sunud-sunuran sa imperyalistang Ruso at sosyal-imperyalistang Tsina,” ayon sa C(M)PA.

Umaasa ang ILPS na umusbong at sumulong ang isang anti-imperyalista at demokratikong kilusan ng mamamayan sa Afghanistan.

“Ang pag-asa ng mga mamamayan ng daigdig ay nakataya sa mga mamamayan ng Afghanistan, sa kanilang pagkakaisa, pagkilos at paglaban,” pahayag nito.

Itinuring namang hamon ng C(M)PA ang pagbabalik kapangyarihan ng Taliban para magsikap na gampanan ang tungkulin nitong palakasin ang rebolusyonaryong kilusan sa Afghanistan at makapaglatag ng rebolusyonaryong alternatibo.