
Malagim ang hinaharap ng Pilipinas kung mananalo ang paksyong Duterte-Marcos sa Halalan 2022. Kailangang magkaisa ang sambayanang Pilipino para pigilang muling maghari ang dinastiya ng mga kurakot na tirano at diktador.
Napatunayan sa mala-sirkus na pagpapalit-palit ng kandidato kung gaano kadesperado ang paksyong Duterte-Marcos na manatili sa kapangyarihan para protektahan ang kani-kanilang interes at ganansya.
Si Pangulong Duterte, gustong titiyakin na makapagpanalo ng kandidatong pinakama-asahan at pinakamatapat sa kanya. Inaasahan niya ang anak na si Mayor Sara Duterte at alalay na si Senador Bong Go para isalba siya sa nakaambang patung-patong na kaso ng paglabag sa karapatang pantao, korupsyon at pagbebenta ng soberanya ng bansa.
Si Bongbong Marcos, hindi isusuko ang pagkakataong maluklok bilang presidente. Bahagi ito ng dekada nang pagtatangka ng kanilang pamilya na baluktutin ang kasaysayan, makabalik sa kapangyarihan, makalusot sa mga kaso ng pandarambong at maitakas ang pamilya mula sa burak na pinagtapunan sa kanila ng sambayanan.
Kahit tila sila-sila mismo ay nag-aagawan sa pwesto, nagkakasundo naman silang ipagpatuloy ang tiranikong paghahari na sa nakaraang limang taon ay nagpahirap, nagnakaw, at nandahas sa mga Pilipino.
Sa gitna ng drama, brasuhan at mga paandar ng paksyong Duterte-Marcos, isang bagay ang malinaw: wala sa layunin nila na tugunan ang pagkalugmok ng bayan sa krisis pang-ekonomiya at kalusugan.
Palalalain lang ng pananatili ni Duterte at pagpapanumbalik ng mga Marcos ang kawalang trabaho, pagtaas ng presyo, korupsiyon sa gobyerno, paglabag sa karapatang pantao at pagbenta ng soberanya at teritoryo ng Pilipinas sa mga dayuhan.
Nakakatakot na pangitain na sa huling survey ng Social Weather Stations, nangunguna pa rin si Bongbong Marcos sa pagkapangulo. Pangalawa naman si Sara Duterte kay Tito Sotto sa pagka-pangalawang pangulo.
Ngayon higit na kailangang buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng sambayanan, ng mga partido at kandidatong oposisyon, mga makabayang organisasyon, at iba’t ibang sektoral na alyansa at grupo para biguin ang paksyong Duterte-Marcos.
Kailangan nilang magkaisang pigilan ang paggamit ni Duterte sa trilyong pondo ng bayan para sa eleksiyon. Maari rin silang magtulungan para ilantad ang pandaraya ni Duterte sa halalan sa pamamagitan ng pag-udyok nito sa mga niluklok na mga opisyal ng Comelec, pagbigay ng kontrata sa kanyang mga kroni at paggamit ng pwersa ng militar at kapulisan para tiyakin ang panalo sa halalan.
Kailangan nilang magtulungan na iwasto ang mga pambabaluktot sa kasaysayan at ilantad ang lagim ng Batas Militar at pagkulimbat ng pamilya Marcos sa kaban ng bayan. Sama-samang himukin ang mga kabataan at mamamayan na labanan ang anumang pagtatangka na ibalik ang lagim ng diktadura sa ilalim ng sabwatang Duterte-Marcos.
Kung nagagawang magkaisa ng mga kampon ng kadiliman para makapaghari at isulong ang kanilang interes, higit na dapat magsama-sama ang mga mamamayan para matupad ang kanilang layunin sa Halalang 2022: ang wakasan ang rehimeng Duterte at maisulong ang makabayang pagbabago para sa sambayanang Pilipino.