Tanggol-katutubo, absuwelto sa frustrated murder


Inaprubahan ng korte sa Aparri ang demurrer to evidence o pagtutol sa katibayan ng tanggol-katutubong si Myrna Cruz-Abraham na epektibong nagbasura sa gawa-gawang kasong frustrated murder.

Inaprubahan ng korte sa Aparri ang demurrer to evidence o pagtutol sa katibayan ng tanggol-katutubong si Myrna Cruz-Abraham na epektibong nagbasura sa gawa-gawang kasong frustrated murder nitong Ago. 4.

Ang demurrer to evidence ay isang mosyong maaaring ihain ng nasasakdal sa korte para igiit na hindi sapat ang ebidensiya ng prosekusyon laban sa kanya.

Sa limang pahinang desisyon ni Judge Conrado Tabaco ng Aparri Regional Trial Court Branch 9, hindi umano sapat ang katibayan na sangkot si Cruz-Abraham sa isang ambus noong Mar. 6, 2007 sa Sta. Teresita, Cagayan kung saan nasugatan ang isang punong barangay at isang pulis.

“Itinanggi mismo ng mga testigo ang pagkakakilala sa akusado o pagbibigay ng pangalan ng akusado bilang isa sa mga salarin sa ipinaparatang na krimeng ginawa,” sabi ng huwes sa kanyang desisyon sa wikang Ingles.

Inaresto si Cruz-Abraham, edad 70, noong Ene. 27 habang namimili sa grocery kasama ang kanyang anak na babae sa San Rafael, Bulacan. Ito ang ikalawang beses na inaresto siya. Noong Peb. 5, nakapagpiyansa siya para sa kanyang pansamantalang kalayaan habang dinidinig ang kaso.

Una na siyang inaresto noong Marso 2010 sa mga imbentong paratang na pagpatay at paglabag sa election gun ban. Ibinasura ng korte ang mga kaso noong Disyembre 2010 dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Malugod namang tinanggap ng mga grupong pangkarapatang pantao ang pagpapawalang-sala kay Cruz-Abraham.

“Unang-una pa lang, maraming ‘di pagtutugma ang mga alegasyon ng mga ‘di umano’y nagdemanda at hindi na dapat isinampa pa ng piskalya ang kaso sa korte na nagresulta sa pag-aresto at pagdetine kay Cruz-Abraham,” pahayag ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto sa wikang Ingles.

Para naman sa bantay-karapatang pantao na Karapatan, kapuna-puna ang paggamit sa mga ‘di umano’y dating rebelde o sumukong rebelde sa pagbubulid ng mga kasinungalingan para gipitin ang mga aktibista at ordinaryong mamamayan.

“Kilalang mga asset ng militar ang mga indibidwal na ito sa mga komunidad, at samakatuwid ay mga benepisyaryo ng kung anumang pabuyang salapi na kaugnay nito,” sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay sa isang pahayag sa wikang Ingles.

Dagdag ni Palabay, walang kredibilidad ang mga indibidwal na ito na kasabwat ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa paglalako ng mga gawa-gawang testimonya.

“Nangangahulugan na mayroong sabwatan ang mga piskalya at mga korte sa patuloy na pagtanggap ng mga ganitong uri ng alegasyon para sa pampolitikang panunupil sa mamamayang lumalaban,” ani Palabay.

Nagpasalamat din ang pamilya ni Cruz-Abraham sa lahat ng tumulong sa kanila nang arestuhin at idetine ang kanilang ina, lalo na sa kanilang abogado na si Catherine Salucon ng National Union of Peoples’ Lawyers.

“Naghuhumiyaw ang hustisya dahil sa pagkakataong ito, nanaig ang katotohanan na hindi kriminal ang aming ina. Hindi tumigil ang aming ina at kanyang mga kasama na patunayan na hindi pagkakamali ang ipagtanggol ang naaapi,” pahayag ng pamilya.