PNP subpoena vs 4 na lider-estudyante, kinondena


Kinondena ng mga lider-estudyante ang anila’y harassment at “orchestrated witch hunt” ng pulisya sa kanila sa mga subpoena na ipinadala kaugnay ng kilos-protesta laban sa korupsiyon noong Set. 21 sa Maynila.

Naglabas ng subpoena ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa apat na lider-estudyante at kabataan na tinukoy nilang “lider” ng Baha sa Luneta rally noong Set. 21.

Kabilang sa mga pina-subpoena sina Joaquin Buenaflor, tagapangulo ng University of the Philippines Diliman University Student Council; Tiffany Brillante, Tagapangulo ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Central Student Council; Jacob Baluyot, mamamahayag pangkampus sa PUP; at Aldrin Kitsune na estudyante ng De La Salle-College of Saint Benilde at kasapi ng Kabataan Kontra Korapsyon.

Ayon kay Baluyot, isa lang itong “orchestrated witch hunt” laban sa mga aktibista at mamamahayag.

Pahayag naman ni Buenaflor, sinabi niyang hakbang ito ng estado upang gawing kriminal ang kanilang karapatan sa malayang pagpapahayag at pagtitipon. Lalo lang aniyang pinalakas ng panggigipit ang determinasyon ng kabataan na ipagpatuloy ang adbokasiya.

Hindi dumalo sa patawag ng PNP si Baluyot. Aniya, itinuturing silang suspek at hindi lang saksi dahil nakasaad sa subpoena na para ito sa pagkuwestiyon ng mga saksi sa rally. Binigyang-diin niyang wala siyang kinalaman sa anumang karahasan at nandoon siya sa rally bilang mamamahayag.

Itinanggi rin ni Kitsune ang mga paratang ng PNP na aniya’y pananakot lang ng pulisya.

Tinuligsa naman ni Brillante at ng konseho ng mag-aaral ng PUP ang patuloy na “state surveillance, red-tagging at harassment” sa mga aktibista. Anila, dapat ang mga tiwaling opisyal ang hinahanap ng pulisya, hindi ang mga lider-estudyante.