Anti-Political Dynasty Bill, agarang ipasa–Makabayan bloc
Patuloy na isinusulong ng Makabayan bloc sa Kamara ang panukalang batas laban sa mga dinastiyang politikal. Naghain din sila ng panukala para amiyendahan ang Party-list System Act.
Bilang pagtugon sa lumalalang korupsiyon sa bansa na ibinunyag mula sa mga flood control projects, idiniin ng Makabayan bloc ang agarang pagpapasa ng Anti-Political Dynasty Bill sa bansa.
Patungkol ito sa inihaing House Bill (HB) No. 209 ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio at Kabataan Partylist Rep Renee Co at HB 4784 ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago.
Muling pinagbuhay ang panawagan sa Anti-Political Dynasty Bill matapos banggitin ni House Speaker Faustino Dy III na gagawa siya ng sariling panukala na tutugon rito, kahit pa na si Dy mismo ay bahagi ng isang political dynasty na may 16 na kamag-anak mula sa pambansa at pamahalaang lokal sa lalawigan ng Isabela.
Nakasaad sa Article II, Section 26 ng Saligang Batas ang “equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law,” pero hindi ito naisasakatuparan dahil sa kawalan ng karampatang batas.
Ayon kay dating Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, kung talagang tapat ang Palasyo sa kampanya kontra korupsiyon, dapat simulan ito sa pinakaugat na nagmumula sa mga pamilya sa loob ng pamahalaan.
“Nagbubunga ang mga dinastiyang politikal ng kawalan ng pananagutan, nagpapahina sa checks and balances, at tinitiyak na ang paglilingkod-bayan ay itinuturing na karapatan mula sa kapanganakan kaysa isang tiwalang mula sa publiko”, sabi ni Zarate.
Layunin ng HB 209 at HB 4784 na ipatupad na walang sinuman ang maaaring humawak o tumakbo sa anumang halalang pambansa o lokal nang sabay-sabay kasama ang ibang kamag-anak hanggang ikaapat na antas ng pagkakamag-anak o pagkakaasawa.
Dagdag pa rito, walang sinuman na nasa ipinagbabawal na antas na ito ang maaaring pumalit sa posisyon ng naturang opisyal.
Ayon sa ulat ng United Nations Development Programme, 72 sa 77 lalawigan o 94% sa bansa ang may higit sa dalawang dinastiyang politikal, patunay na pinamamahayan ng iba’t ibang pamilya ang sistemang politikal sa bansa.
Kaugnay nito, naghain din ang Makabayan bloc ng panukalang batas na HB 6193 o Genuine Party-list Group and Nominee Bill para amiyendahan ang Party-list System Act.
Sa panukalang ito, magtatakda ng mga rekisito sa kuwalipikasyon ng isang partylist at komprehensibong mekanismo upang gawing mas demokratiko ang partylist system at matiyak na ang mga natatalagang partylist sa Kongreso ay tunay na kumakatawan sa mga marhinalisadong sektor.
Ilan sa mga ito ang pagbabawal sa mga kontratista sa kahit anong proyekto ng gobyerno, kung saan isang halimbawa rito si Zaldy Co na dating kinatawan ng Ako Bicol Partylist.
Ipagbabawal din nito ang mga nominado na kamag-anak ng mga incumbent official sa antas na kapareho sa mga nasa Anti-Political Dynasty Bill ng Makabayan.