Pribatisasyon ng NAIA, ipinasususpinde
Iginiit ng isang grupong tutol sa pribatisasyon na hindi makatarungan ang pamamalakad ng San Miguel Corporation sa paliparan dahil sa pagtataas ng terminal fee at iba pang bayarin nang walang kalinawan.
Dumulog ang Ugnayan ng mga Lumalaban sa Airport Privatization (ULAP) sa Supreme Court nitong Marso 24 upang agarang ilabas ang temporary restraining order sa implementasyon ng public-private partnership concession agreement sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa gitna ng lumalalang krisis sa Kanlurang Asya.
Iginiit ng grupo na hindi makatarungan ang pamamalakad ng San Miguel Corporation na ngayon ay humahawak sa NAIA dahil sa pagtataas ng terminal fee at iba pang bayarin nang walang kalinawan.
“Ang paliparan ay pampublikong serbisyo, hindi negosyo,” pahayag ni ULAP convenor at petitioner na si Rico Domingo.
Kamakailan, inanunsiyo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na babawasan ang terminal fees sa 44 na paliparang na ipinapatakbo sa ilalim nito ng humigit-kumulang tatlong buwan upang makatulong sa paggpapatatag ng pamasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis alinsunod sa krisis sa Kanlurang Asya.
Tinatayang ibababa ang international Passenger Service Charge (PSC) sa P700 mula P900, ang mga domestic PSC naman ay magiging P150 hanggang P200 mula sa P300.
Samantala, sa mga mas maliliit na paliparan, maaring bumaba ang PSC sa P50 habang makakatanggap naman ng P5,000 diskuwento sa landing at takeoff fees ang mga airline.
Gayunpaman, hindi saklaw ang NAIA sa nasabing hakbang ng CAAP dahil pinamamahalaan ito ng San Miguel Corporation.
“Nagbabayad ang mga pasahero para sa parehong pandaigdigang pasakit at mga limitasyon sa polisiya ng pribitisasyon nang sabay,” ani Domingo.
Paliwanag ng pribadong concessionaire, kinikilala nila ang mosyon at ang pagtataas ng singil nila ay hindi pasakit bagkus para sa ikagaganda ng paliparan. Dagdag pa nila, may ilan pa rin namang diskwento at exemption para sa mga pasahero.
Buwelta ng ULAP, inilalantad ng krisis sa Kanlurang Asya at ng patuloy na pagtaas ng presyo langis, ang estruktural na limitasyon sa ipinapatupad na sistema.
“Kung patuloy na hindi sasaklawin ng emergency measure ang NAIA, patuloy na papasanin ng mga pasahero ang epekto ng pandaigdigang krisis at ng sistema,” wika ng ULAP petitioner.