Oil spill sa Guimaras, pinsala muli sa baybayin
Nanawagan ang Greenpeace Philippines sa mga ahensiya ng gobyerno na paigtingin at pabilisin ang pagtukoy sa may sala ng pagtagas ng langis sapagkat hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ito sa Guimaras.
Tinamaan ng isang oil spill ang mga baybayin ng Barangay Hoskyn sa bayan ng Jordan, Guimaras nitong Abril 25. Naiulat ito ng mga residente bandang 7 a.m. malapit sa covered court sa Sitio Ambag at barangay hall sa Sitio Baluarte.
Sa isang Facebook post, inabisuhan ng mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Barangay Hoskyn ang mga mangingisda at residente na nakatira malapit sa baybayin na iwasan muna ito hanggang maisagawa nila ang mga pagsusuri at paglilinis sa langis.
Dagdag nila na maaari itong magdala ng panganib sa mga yamang-dagat at kaligtasan ng publiko. Siniguro ng pamahalaang lokal na nakikipag-ugnayan na ang kanilang mga opisyal sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno upang obserbahan at tugunan ito.
Umalma naman ang mga tanggol-kalikasan sa naging tugon ng pamahalaan sapagkat hindi alam ng Department of Environment and Natural Resources ang pinagmulan ng pagtagas ng langis.
Ayon sa pahayag ng Earth Island Institute Philippines, parte ng Iloilo-Guimaras Strait ang apektadong katubigan na isang mahalagang marine corridor na nagsisilbing tahanan ng ilan sa mga uri ng dugong at Irrawaddy dolphin na binansagang critically endangered ng International Union for Conservation of Nature na parte ng kanilang Red List of Threatened Species.
Paliwanag nila, maaaring maantala ang mga lugar na pinagkukunan ng pagkain, masira ang kanilang mga tinitirhan at malason ang mga tubig-hayop dala ng pagtagas ng langis sa katubigan. Iginiit ni Earth Island Institute Asia-Pacific regional director Trixie Concepcion na hindi lang ito krisis sa kalikasan kung hindi krisis sa kabuhayan, seguridad sa pagkain at hustisya na matagal na naantala.
“Kinakailangang imbestigahan ito ng mga kinauukulan na mga awtoridad, pangalanan ang sanhi sa likod ng oil spill, isiwalat ang kanilang mga natuklasan sa publiko at panagutin lahat ng mga sangkot sa pinsalang dinala nito sa kalikasan at kabuhayan,” wika ni Concepcion.
Nanawagan din ang Greenpeace Philippines sa mga ahensiya ng gobyerno na paigtingin at pabilisin ang pagtukoy sa may sala ng pagtagas ng langis sapagkat hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ito sa Guimaras.
Iginiit nila na dalawang dekada na ang nakalipas mula ng mangyari ang oil spill ng MT Solar 1 na inupahan ng Petron Corporation, wala pa rin natatanggap na kompensasyon ang mga biktima na napinsala ang kabuhayan.
Dagdag ng grupo, tanda ang mga mapanirang oil spill sa mga nagdaang taon, kagaya ng MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro at MT Terranova sa Limay, Bataan na nakadepende pa rin ang produksiyon ng enerhiya ng bansa sa mga fossil fuel at ang mga bulnerableng sektor ang siyang mismong nagdurusa sa mapinsalang epekto nito.
Binigyang diin ng Greenpeace Philippines na hindi lang dapat ang mga agarang pinagmumulan ng langis ang mapanagot kung hindi pati na rin ang mga naglalakihang kompanya ng langis sa likod ng mga oil spill tulad ng Petron Corporation at San Miguel Corporation na parehong pagmamay-ari ni Ramon Ang.
“Sila ang dapat na nagbabayad at pinapanagot sa pagkasira ng kalikasan at kahirapang dinaranas ng mga mamamayan, hindi ang karaniwang Pilipino,” ayon sa grupo.