Kultura at politika sa Aldaw Kordilyera
Makikita sa bawat sayaw at taas-kamaong pag-awit sa mga kampuhan ang lalim ng kanilang paninindigan.
Dumagundong ang mga gangsa at umalingawngaw ang militanteng panawagang “Ipinget ti karbengan iti daga, biag, ken kabiagan!” (Igigiit ang karapatan sa lupa, buhay, at kabuhayan!) sa paggunita ng ika-42 People’s Cordillera Day mula Abril 22 hanggang Abril 25. Pinangunahan ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) ang mga desentralisadong selebrasyon sa rehiyon sa gitna ng matinding krisis sa ekonomiya at tumitinding panunupil ng estado.
Bitbit ng mga kalahok ang mariing pagtutol sa mga polisiyang sumisira sa kanilang kabuhayan. Binigyang-diin sa selebrasyon ngayong taon ang mga isyu sa agrikultura, pribatisasyon ng palengke, at epekto ng pagtaas ng presyo ng langis. Makikita sa bawat sayaw at taas-kamaong pag-awit sa mga kampuhan ang lalim ng kanilang paninindigan.

Sa Baguio City, nagdiwang ang mamamayan matapos mapilitang umurong ang kompanyang SM noong Enero 2026 sa pribatisasyon ng pampublikong palengke. Ngunit nagpapatuloy ang araw-araw na laban sa mga kalsada at sakahan.
Pinaparalisa ng nagtataasang presyo ng langis ang kabuhayan ng mga tsuper ng jeep at inilulubog sa utang ang mga magsasakang napipilitang iwan ang kanilang inaning gulay dahil sa taas ng gastos sa transportasyon.

Iginiit ng mamamayan na tanging ang pagbasura sa Oil Deregulation Law, pagbibigay ng subsidyo sa agrikultura at pagtaas ng sahod ang lunas sa krisis na pinapalala ng rehimen.
Hindi lang espasyo ng sayawan at awitan ang mga pagtitipon, kundi mismong lunsaran ng pagtatanggol sa lupang ninuno. Inilapat ang mga selebrasyon sa mga probinsiya bilang direktang tugon sa banta ng development aggression.

Sa nagdaang taon, nagtayo ng mga barikada ang mga komunidad sa Itogon, Benguet, gayundin sa Sallapadan, Abra, para labanan ang mapanirang operasyon ng malalaking minahan. Buong-tapang na hinarap ng maliliit na minero ang pandarahas ng Itogon-Suyoc Resources, Inc. (ISRI) at pang-aagaw ng Benguet Corporation, Inc. sa kanilang kabuhayan. Sa Apayao, pinalakas ng mga katutubong Isnag ang Kaddu, isang alyansang sasalag sa pagpapatayo ng walong mapanirang dam ng Pan Pacific sa kahabaan ng Apayao-Abulug River. Pinatunayan din ng mga komunidad sa Mountain Province at Kalinga ang lakas ng kanilang pagkakaisa nang mapigil ang mga proyektong geothermal at dam dahil sa pambabastos sa proseso ng Free, Prior, and Informed Consent o FPIC. Pinagtitibay ng People’s Cordillera Day ngayong taon ang pagkakaisa ng mamamayan sa rehiyon upang ipagtanggol ang lupang ninuno, karapatan, at kabuhayan.

Dumadaloy ang makasaysayang paglaban ng mamamayan sa bawat hakbang ng katutubong sayaw. Ginugunita tuwing Abril 24 ang kabayanihan ni Macliing Dulag, ang pangat ng tribung Butbut na pinaslang ng mga militar noong 1980 dahil sa matapang nitong pagtutol sa Chico River Basin Hydroelectric Dam Project sa ilalim ng diktadurang Marcos. Ipinapaalala ng kasaysayan na paulit-ulit ang atake ng pasistang estado upang paboran ang iilan.
Patunay ang malawak na partisipasyon, mula sa mga bata hanggang sa mga nakatatanda, na hindi namatay nang walang saysay si Macliing Dulag. Tuloy ang laban hanggang makamit ang tunay na hustisya panlipunan at sariling pagpapasya.
Ngunit hindi natitinag ang mamamayang Kordilyera. Mula sa nakataas na kamao ng mga nakatatanda hanggang sa maliliit na palad ng mga batang natututong tumugtog ng katutubong instrumento, patuloy na ipinapasa ang alab ng militanteng diwa.

Ang kanilang kultura—ang kanilang mga awit, sayaw, at ritwal—ay hindi palamuti, kundi matalim na sandata para sa igiit ang sariling pagpapasya at depensahan ang lupang ninuno.
Tinatawagan ng ika-42 Cordillera Day ang buong sambayanang Pilipino na magkaisa at paigtingin ang laban hanggang makamit ang tunay na panlipunang hustisya, kalayaan at demokrasya.