P85 dagdag-sahod, napakaliit, hindi sapat–KMU
“Napakaliit ng P85 na dagdag na sahod, hulugan pa at sa NCR lang,” ani Kilusang Mayo Uno secretary general Mary Ann Castillo. Hindi aniya sapat ito dahil sa matinding pagtaas ng presyo sa langis, kuryente at iba pang gastusin.
Umalma ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa inanunsiyong P85 na dagdag-sahod Department of Labor and Employment Secretary (DOLE) para sa manggagawa ng National Capital Region (NCR) nitong Hunyo 30.
“Napakaliit ng P85 na dagdag na sahod, hulugan pa at sa NCR lang,” wika ni KMU secretary general Mary Ann Castillo
Dagdag ni Castillo, hindi sapat ang dagdag sahod dahil sa matinding pagtaas ng presyo sa langis, kuryente at iba pang gastusin.
“Historic” ang desisyon ayon kay Labor Acting Secretary Francis Tolentino dahil sa laki ng itinaas. Papatak na raw sa kasi sa P780 ang basic pay.
Sagot ni Castillo kay Tolentino, tingi-tingi ang dagdag-sahod. Papaano naman aniya ang ibang rehiyon?
Para naman sa Institute for Occupational Health and Safety Development, “Pinipilit ang mga manggagawa na isakripisyo ang kanilang kalusugan at kaligtasan para lang makaraos.”
Dalawang tranche ang implementasyon ng dagdag sahod. May P60 na dagdag magsisimula sa Hulyo 19 at karagdagang P25 na ipapatupad simula Enero 2027.
Tuloy pa rin ang laban ng mga sentrong unyon tulad ng KMU hanggang sa makamtan ng lahat ng manggagawa ang nakakabuhay na sahod. Sa taya ng Ibon Foundation nitong Mayo, nasa P1,305 ang dapat kitain kada araw ng isang pamilyang may limang miyembro para mabuhay nang disente.