Katiyakan sa paninirahan, hindi militarisasyon, sigaw ng taga-Agora


Nananatili ang banta ng demolisyon at presensiya ng militar sa komunidad ng Agora Compound 2 sa Marikina City sa kabila ng patuloy na pagtatanggol ng mga residente sa kanilang panirahan.

“Agarang relokasyon, hindi demolisyon at militarisasyon!”

Ito ang sigaw ng mga residente ng Agora Compound 2 sa Barangay Sto. Niño, Marikina City nang mahigit walong buwan mula noong matagumpay silang nagtirik ng kampuhan kontra-demolisyon at nangako si Marikina City First District Rep. Marcy Teodoro na walang mangyayaring demolisyon sa kanilang komunidad noong Okt. 15, 2025. Ngunit hanggang ngayon, nananatiling walang katiyakan sa paninirahan ang mahigit 100 pamilya.

Bagaman nangako si Teodoro ng in-city relocation sa Iwahig, Barangay Tumana, sinubukang papirmahin ang mga residente ng Agora sa joint affidavit na inihanda ng pamilyang Bienviaje-Castaño, pribadong may-ari ng Agora, upang mag-self-demolish ang mga residente at tuluyang isuko ang kanilang karapatan sa paninirahan noong pre-demolition conference sa Marikina City Hall noong Marso 6. 

Ikinabahala rin ng mga residente ang naging presensiya ng pulisya sa Marikina City Hall sa parehong araw na iyon noong Marso na anila’y may layuning takutin ang mga naninindigan para sa pabahay.

Hindi natapos doon ang presensiya ng armadong awtoridad dahil maging ang 12th Civil-Military Operations Battalion ng Philippine Army ay pumupunta sa komunidad para magsagawa ng iba’t ibang serbisyo sa tabing ng pagkuha ng listahan ng mga residente ng Agora Compound 2.

Ayon kay Elizabeth Maynigo, pangulo ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Agora 2, hindi dapat militar ang magbigay ng ayuda at serbisyong medikal sa komunidad dahil ang lokal na pamahalaan ang may responsibilidad sa mga programa para sa mga Marikenyo.

Dagdag ni Maynigo na pananakot lamang ang dulot ng presensiya ng mga armadong pwersa sa komunidad. Matatandaan noong Setyembre 2024, iniulat ng Gabriela Women’s Party (GWP) Marikina ang harasment ng mga nagpakilalang pulis kay Maynigo sa kaniyang tahanan sa Agora na nagtangkang hikayatin siyang “sumuko” at “magbagong-buhay” matapos sabihing kasama umano ang kaniyang pangalan sa kanilang listahan.

“Bakit kailangan may militar dito? Lalo pa, 12th CMO Battalion ‘yan, Civil-Military Operation. Ibig sabihin, hindi sila basta-basta military lang, kundi pang-combatant talaga sila, panglaban sila sa giyera,” sabi ni Maynigo.

Giniit ni Maynigo na walang giyera sa Agora, kung hindi kampanya lamang para sa katiyakan sa paninirahan ng mahigit 100 pamilya.

“Panawagan natin na relokasyon agad ang tugunan, hindi militarisasyon kasi ‘yong presensiya ng militar na pinapakita sa’tin, ‘yon na yung tanda para aatras ka sa sinusulong mong laban ng pabahay,” dagdag ni Maynigo.

Ayon naman kay Lalaine Romero, secretary general ng GWP Marikina, hindi lang mga residente ng Agora Compound 2 ang may kinakaharap na isyu sa pabahay. Aniya, may nagsusulong rin ng katiyakan sa paninirahan ng mga kababaihan sa Marikina sa Barangay Malanday at Barangay Concepcion Uno.

“Ang laban ng Agora para sa pabahay ay laban din ng maraming Marikenyo,” sabi ni Romero.

Nanawagan din si Romero na dapat pigilan ng pamahalaang lokal ng Marikina ang mga operasyon ng militar sa siyudad, tuparin ang pangako nitong relokasyon sa mga residente ng Agora at protektahan ang karapatan sa paninirahan ng mga Marikenyo.