Panawagang iabsuwelto ang ‘Talaingod 13,’ nagpapatuloy


Dalawang taon makalipas ang hatol sa “Talaingod 13” noong 2024, patuloy na pinabubulaanan ng mga progresibong grupo ang gawa-gawang kaso sa mga rumesponde sa paghingi ng tulong ng mga kabataang Lumad noong 2018.

Dalawang taon makalipas ang hatol ng Tagum City Regional Trial Court sa “Talaingod 13” noong Hulyo 15, 2024, patuloy na pinabubulaanan ng mga progresibong grupo ang gawa-gawang kaso sa mga rumesponde sa paghingi ng tulong ng mga kabataang Lumad noong 2018.

Kabilang sa tinaguriang “Talaingod 13” sina dating ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, dating Bayan Muna Partylist Rep. Satur Ocampo, 10 guro sa mga paaralang Lumad at isang Lumad school administrator. Kinasuhan sila ng child abuse and trafficking matapos nilang iligtas ang mga estudyante ng isang paaralang Lumad sa Talaingod, Davao del Norte na nasa ilalim noon ng food blockade at panggigipit ng militar.

Nagtipon ilan sa “Talaingod 13” kasama ang mga progresibong grupo nitong Hulyo 15 sa labas ng Department of Justice sa Maynila upang muling kondenahin ang patuloy na militarisasyon sa mga pamayanang Lumad at patuloy na panggigipit sa mga aktibista at humanitarian worker na tumulong sa mga kabataang Lumad.

Ayon kay Castro, ang kaso ay “nagbibigay ng ‘di makatarungang pagpipigil ng karapatan ng mga kabataan para sa edukasyon,” 

Nagbibigay din aniya ng “chilling effect” ang kasong ito para sa mga gawaing pang-humanitarian at sa mga lumalahok dito.

Noong Nobyembre 2018, nagsagawa ng humanitarian solidarity mission ang ilang mga tanggol-karapatan at edukador sa isang paaralang Lumad sa Talaingod dahil sa matinding militarisasyon at sapilitang pagpapasara dulot ng rehimeng Duterte. 

“Sabihin ko diyan sa mga Lumad umalis kayo diyan, bobombahan ko kayo” saad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address noong 2017. 

Matapos ang administrasyong Duterte, humigit-kumulang 216 Lumad schools ang nananatiling nakasara at 10,000 estudyante ang nawalan ng paaralan.

Patuloy na naninindigan ang “Talaingod 13” at mga progresibong grupo na ipahinto ang militarisasyon at red-tagging sa mga Lumad at mga sumusuporta at tumutulong sa kanila, managot ang gobyerno sa mga paglabag sa mga karapatang pantao, at ibasura ang gawa-gawang kaso laban sa kanila.