Kaso sa dating editor sa Cebu, dapat ibasura–NUJP
“Malinaw na intimidasyon laban kay [Marchel] Espina at sa midya ang ginawang pagsampa ng kaso,” sabi ng National Union of Journalists of the Philippines sa wikang Ingles sa kaso laban sa dating patnugot ng SunStar.
Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagsasampa ng kaso laban kay dating SunStar Cebu at SunStar Bacolod editor-in-chief Marchel Espina at iba pa para sa isang inilathalang opinyon sa SunStar Cebu noong Disyembre 2024.
“Malinaw na intimidasyon laban kay Espina at sa midya ang ginawang pagsampa ng kaso,” sabi ng unyon sa wikang Ingles.
Inakusahan ni Pedro Fajot Castillo, ministro Iglesia ni Cristo (INC) sa Batangas, si Espina at iba pa ng unjust vexation dahil sa isang nailathalang kontribusyon ng isang sibilyan ukol sa koneksiyon ng INC sa isang dinastiyang politikal.
Kinondena rin ng NUJP ang proseso ng pagsampa ng kaso. Hindi nakatanggap ng subpoena si Espina para magpasa ng counter-affidavit bago pa maisumite ang kasong kriminal sa korte.
Boluntaryong sumuko sa Criminal Investigation and Detection Group Negros Island Region Office si Espina, na nabalitaan ang warrant gabi lang ng Miyerkules, Hulyo 15. Kinailangan niyang maasikaso ang mga dokumento sa kaso ng Hulyo 17 para makapagpiyansa at hindi manatili sa presinto hanggang susunod na Lunes.
“Kahit pa karapatan ng lahat na makahanap ng rekurso sa batas, hindi dapat nagagamit ang mga legal na proseso para pigilan ang malayang pamamahayag at pagbabalita sa mga isyung nakakaapekto sa publiko,” sabi ni Espina sa kanyang Facebook post.