Kapalit na kaunlaran ng SDG Park
Ikalimang henerasyon na ng mga magsasaka ang pamilya ni Popoy Bernadino na ngayo’y kabilang sa mga nanganganib mapaalis sa ilalim ng planong Sustainable Development Goals Park ng University of the Philippines.
Bago itatag ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman at bago pa maging bahagi ng Quezon City ang lugar, nililinang na ng mga ninuno ni Popoy Bernadino o Ka Popoy, 68, ang kanilang sakahan sa Krus na Ligas na dating sakop pa ng bayan ng Marikina.
Mga uod, tipaklong at pabago-bagong panahon lang ang kalaban ni Ka Popoy sa pagsasaka sa loob ng maraming taon. Ngunit nitong mga nakaraang buwan, hindi na lang mga peste ang banta sa kabuhayan.
Nariyan na ang mga guwardiya, pulis at malalaking proyekto ng mga institusyong nagbabalak baguhin ang lupa.

“E tahimik kami rito. Nito [na lang] biglang may nag-grasscutter [sa aming sakahan], taga-UP,” sabi ni Ka Popoy.
Para sa kanilang pamilya, hindi lamang sakahan ang lupang ito kundi tahanang ilang dekada nilang inalagaan at itinaguyod.
“Mga magulang ko, lolo ko, dito na sila ipinanganak. Kaya wala kaming probinsiya. Kami’y talagang taga-rito,” saad niya.
Ikalimang henerasyon na ng mga magsasaka ang kanilang pamilya na ngayo’y kabilang sa mga nanganganib mapaalis sa ilalim ng planong Sustainable Development Goals (SDG) Park ng unibersidad.
SDG park nino?
Ang SDG Urban Farm and Wellness Park ay isang 24 ektaryang proyekto ng UP. Kasama ng pamantasan sa proyekto ang pamahalaang lokal ng Quezon City at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Nakaangkla ito sa mga layunin ng United Nations (UN) na hinahangad na maabot sa taong 2030. Noong 2015, kasama ang Pilipinas sa mga miyembro ng UN na nangakong maisasakatuparan ang mga SDG.
Malinaw na nakatahi sa proyektong SDG Park ang maraming ambisyon tulad ng urban farming at ng disente at inklusibong pabahay.
Ngunit para sa mga residente ng Pook Malantic tulad ni Marry Ann Bernardino, 35, higit na nangingibabaw ang pangambang maglalaho ang kinagisnan nilang pamumuhay kapag tuluyang umarangkada ang SDG Park.

Tatamaan ang kanilang lugar ng mga estrukturang itatayo sa ilalim ng naturang proyekto tulad ng mga bike lane, golf driving range at ang aniya’y komersyalisadong Marilag Residences Rental Housing Project at Southern Diliman Gardens Rental Housing Project.
Ayon kay Bernardino, pinsala lang ang dulot ng mga pasalidad para sa komunidad.
“Mayroon bang iaayos ang lugar pero gagawan ng semento? Lagi nilang sinasabi hindi sisirain ang lupa pero tatayuan mo, hindi ba ‘yon pagsira? Bakit kailangan lagi ang tinitingnan na pag-unlad ay ang pagsira ng totoong kayamanan natin?” ani Bernardino.
Ayon sa mga residente, tinatayang 2,000 na kabahayan ang humaharap sa banta ng demolisyon. Tumitindi pa ang pangamba dahil nakikita na nilang nagtatambak ng gamit ang Megawide Corporation, kinuhang kontraktor ng DHSUD para sa proyekto.

Bagaman idinidiin ng pamunuan ng unibersidad na “walang inuutos na demolisyon” at “walang palalayasin” sa Pook Malantic, tinututulan nina Bernardino ang inaalok nitong “transition housing” dahil pansamantala lang ito at hindi rin tiyak kung mabibigyan sila ng permanenteng tirahan sa rental housing project.
Kabilang sa SDGs ng United Nations ang No Poverty, Zero Hunger at Sustainable Cities and Communities. Gayunman, ayon kay Hans Bautista, direktor ng Inklusibo, taliwas mismo sa mga prinsipyong ito ang SDG Park dahil natatapakan ang mga karapatan ng mga komunidad na pinapaalis.
“Sustainable Development Goals Park ang [ginagawa] nila, e parang most of the rights that are pushed by the SDGs ay tinatanggal nila doon sa komunidad na pinapalayas nila. Talagang pagpapapel na lang siya at parang cosmetic ‘yong ginagawa nilang proyekto,” sabi ni Bautista.
Sa naging pahayag ng UP Diliman Office of Community Relations na nakabatay sa ilang panuntunan ng UP Charter of 2008, sinabi nilang ang lupain ng UP ay dapat magsilbi sa edukasyon, pananaliksik, at paglilingkod sa sambayanan, hindi sa pribadong pagkakakitaan.
Kaya ang mga naunang proyektong may third-party investors, tulad ng DiliMall, UP Town Center at UP Ayala Land Technohub, aktibong tinutulan ng iba’t ibang sektor sa UP dahil anila’y mas inuna ng administrasyon ang negosyo kaysa sa akademikong mandato ng pamantasan.
Ngayon, sa halip na maisulong ang ipinapangakong kaunlaran para sa komunidad, nakikita ng mga sektor ang SDG Park bilang isa pang hakbang ng pamantasan sa pangangalap ng kita, kahit pa may mga residenteng nanganganib mawalan ng tahanan at kabuhayan.
Buhay na nakaugat sa lupa
Batay sa ipinadalang pahayag sa Pinoy Weekly ni Joselito Conejero, Quezon City Housing Community Development and Resettlement Department Officer-in-Charge, pipiliin pa ang mga “kwalipikadong benepisyaryo ng proyekto” na bibigyan ng housing unit batay sa isasagawang Joint Validation Census Survey ng pamahalaang lungsod at ng UP.
Bahagi rin ng prosesong ito ang pagsusuri ng mga dokumento at pakikipanayam sa mga residente “upang matiyak na sila ay tunay na karapat-dapat maging benepisyaryo.”
Inaasahan namang magbabayad ng buwanang upa na papalo sa “P800 hanggang P2,000” ang mga mapipiling residente ayon kay Conejero. Pagbabayarin din sila ng association dues na ilalaan diumano sa pagmimintina ng gusali at pasilidad ng pabahay.
Para kay Bernardino, hindi lang usapin ng pabahay ang nakataya sa planong ito. Sa likod ng ipinapangakong pag-unlad, nakikita niya ang panganib na mawala ang lupa at kabuhayang matagal nang inaalagaan ng mga residente.
“Inaalagaan namin ang lupa kaya gustong-gusto nila para sa negosyo. Nagiging bulag sila [UP] dahil sa salapi,” aniya.
Bukod sa usaping pabahay, isinusulong din ng SDG Park ang sustainable farming sa pangunguna ng dayuhang kompanyang AgriGaia mula Taiwan. Ito’y sa kabila ng ilang henerasyon nang pagsasaka ng mga residente.
Isa rin si Dong Ventula sa mga magsasakang nanganganib na mawalan ng hanapbuhay at tirahan sa Krus na Ligas. Mahigit 25 taon nang binubuhay ng lupa si Ventula at ang kanyang asawang kabilang sa ikalimang henerasyon ng magsasaka sa lugar.
Iginiit ni Ventula na silang mga magsasaka ang tunay na may karapatan sa lupa ng Pook Malantic gayong pinagkalooban sila ng Notice of Coverage (NOC) ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong 1991 at 2006.

Isang opisyal na dokumento ang NOC na nagpapatunay na saklaw ang isang lugar sa pamamahagi ng lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng DAR para sa mga magbubukid at magsasaka.
Itinatanggi ng UP na may bisa pa ang NOC matapos baguhin ng DAR ang klasipikasyon ng lupa bilang “institusyonal na pagmamay-ari” ng UP Diliman noong 2019. Anila, kinikilala rin ng Korte Suprema mula 1993 ang legal na pagmamay-ari ng unibersidad sa ilang bahagi ng lupain sa Krus na Ligas.
Ngunit pinabulaanan ito ni Ventula dahil hindi raw saklaw ng titulo ng unibersidad ang kanilang lupang sakahan.
“Kung tutuusin sila talaga ang walang karapatan. Hindi na nila ito property. Kasi ang lupa nila 42-C, ito lang ‘yung may titulo. Pero ito wala. Kami, nandito kami sa labas sa Lot 41-C,” aniya.

Dagdag pa ni Ventula, 36 na taon nang nakikipag-ugnayan ang mga magsasaka ng Krus na Ligas sa DAR upang maigawad ang kanilang Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Aniya, ngayong taon lamang isinama ng kagawaran ang UP sa mga pag-uusap kaugnay nito dahil sa SDG Park.
“Anong gagawin niyo sa magsasaka? Ngayon lang kayo sumulpot tapos madi-displace ‘yong mga magsasaka, mawawalan ng hanapbuhay, masisira pa ‘yong bukid-palayan,” dagdag ni Ventula.
Kasabay nito, nakaranas din ng intimidasyon at pangha-harass ang komunidad mula sa mga guwardiya na pinadala ng UP upang manmanan ang kanilang lugar.
“Nagnakaw [sila] ng gulay. Tapos may kasama pang pulis, syempre matakot daw yung mga magsasaka eh may mga baril yung mga pulis,” ani Ventula.
Kapital o komunidad?
Habang patuloy na iginiit ng mga residente ang kanilang pagtutol sa SDG Park, may mga lokal na opisyal namang nagpahayag ng suporta rito. Kabilang dito ang Barangay UP Campus, isa sa mga barangay na maaapektuhan ng proyekto, na pumirma na sa isang resolusyong sumusuporta sa SDG Park.
Sa kabilang banda, sumalungat ang Sangguniang Kabataan (SK) ng naturang barangay sapagkat hindi raw tunay na pinakikinggan ang hinaing ng mga nasa komunidad.
“Kung ang UP Diliman at ang Barangay UP Campus ay nagkakaisa sila sa SDG Park pero ang komunidad ay tinututulan ito, iyon ang pakinggan natin dahil ang totoong maaapektuhan ang komunidad,” sabi ni SK Chairperson Angelica-anne Cayabyab.
“Hindi kasama ang taumbayan o ang komunidad kung paano nila binubuo ‘yong plano dahil nakikita naman natin na kahit saang konsultasyon wala pang representante, tunay na representante ang komunidad,” dagdag ni Cayabyab.

Para kay Mimi Doringo, Secretary General ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), hindi hiwalay na kaso ang SDG Park sa mas malawak na padron ng mga proyektong pangkaunlaran na nauuwi sa pagpapaalis ng mga maralitang komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Pero ang lagi nating tanong, para kanino itong kaunlaran? Kasabay ba nito ang pag-unlad ng buhay ng mga maralitang komunidad?” sabi ni Doringo.
“Ang gusto namin, respetuhin at kilalanin ng pamahalaan yung mga mamamayan na naninirahan sa mga lugar nang matagal. Naniniwala kami na mamamayan ang nagpapaunlad ng mga lugar. ‘Pag nakikitang na-dedevelop, tsaka lang inaangkin,” aniya.
Giit ni Doringo, paulit-ulit na ginagamit ang diskurso ng “kaunlaran” upang bigyang-katwiran ang mga proyektong mapansila sa pamumuhay ng mga komunidad.
Dagdag niya, dapat nakabatay sa pangangailangan at boses ng komunidad ang anumang planong pangkaunlaran, lalo na kung ito ay may direktang epekto sa kanilang paninirahan at kabuhayan.
Pareho ang pananaw ni Glo Fernandez ng Anakpawis Quezon City na hindi usapin ng pagtutol sa pag-unlad ang paglaban sa SDG Park, bagkus paggiit na dapat nakabatay ang anumang proyekto sa pangangailangan ng mamamayan.
Ayon sa kaniya, ang mga sakahang maaapektuhan ng proyekto ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga magsasaka at kanilang pamilya.

“Sa sakahan na nila kinukuha ’yong pang-araw-araw nila, pagpapaaral sa mga anak nila, mga bayarin sa mga utilities,” aniya.
Binigyang-diin ni Fernandez na ang pagkawala ng mga sakahan ay lalo lamang magpapalubha sa matagal nang krisis sa sektor ng agrikultura, kabilang ang seguridad sa pagkain.
Dagdag niya, sa halip na alisin ang mga magsasaka sa lupang kanilang binubungkal, nararapat kilalanin at ipatupad ang mga mekanismo sa ilalim ng CARP, kabilang ang NOC at ang pagbibigay ng CLOA sa mga magsasaka upang matiyak ang kanilang pananatili sa lupa.
“Hangga’t kaya nilang bungkalin ang lupa, magtatanim sila. ‘Yon ang panawagan ng ating mga magsasaka, na manatili sila sa lugar kung saan nakatayo ang kanilang mga bahay at sakahan,” ani Fernandez.
Habang isinusulong ng mga opisyal ang SDG Park, nananatili ring nakatanim ang tanong ng mga komunidad: kung ang kaunlaran ay isinusulong kapalit ng lupa, tirahan at pamumuhay ng ilang henerasyon ng mga residente, kaunlaran pa rin ba itong maituturing, at para kanino?