DIY accessories na puwedeng libangan at negosyo
Isa rin itong paraan upang ipahayag ang sariling ekspresyon at pagiging malikhain.
Minsan may mga disenyo tayong gusto na hindi makita sa mga tindahan, kaya mas okay ding tayo ang gumagawa nito. Kung naghahanap ka ng paglilibangan, negosyong puwedeng pagkakitaan o nais gumawa ng mga personal na accessories, DIY to the rescue!
Saan nga ba nakakabili ng mga materyales para rito? Kilala ang Quiapo, Maynila bilang bilihan ng gulay, prutas, mga secondhand na kamera, ukayan at mga patok na pagkain. Tahanan din ito ng mga bilihan ng beads. Nasa eskinita ng Villalobos ang Wellmanson Accessories at katapat lang nito ang DIY Beads. Dalawa ito sa mga kilalang suplayer ng beads sa Quiapo.
Malawak ang tinda sa Wellmanson na beads at mga kagamitan para makagawa ng mga accessories, nagtitinda rin sila ng kosmetiks, hardware, school supplies at marami pang iba. Tingi-tingi ang kanilang benta kaya para sa mga nagsisimula pa lang at hindi pa sigurado sa mga bibilin, swak ang Wellmanson para sa iyo.
Habang sa katapat na DIY Beads, mas malawak ang mga tinitindang materyales at bulto-bulto ang pagbenta nila. Kaya mainam na tiyakin ang disenyo na gusto ninyong gawin upang hindi malula sa dami ng pagpipilian sa dalawang tindahan.
Maraming mga disenyo ang magagawa depende sa style na gusto mo. Narito ang pinakasimpleng kombinasyon ng beads at kulay bilang gabay sa inyong paggawa:
Coquette style
Kung ikaw ay isang coquette girly, ang pearly beads, bow beads at mga kulay pink na may laki ng 0.6 mm hanggang 0.8 mm ang naaayon sa style na ito. Maaari ring haluan ng mga bulaklak at butterfly beads.
Whimsical goth style
Sa disenyong ito ako mas ginaganahan mag mix-and-match ng mga materyales. Karaniwang beads para sa whimsical goth ay mga steel pendants, kahoy na beads at mga 0.6 mm hanggang 0.8 mm na beads na kakulay ng kalikasan.
Nature style
Isa ito sa mga paborito kong disenyo, dahil napakasimple ngunit nakakaakit sa mata! Karaniwang ginagamit dito ay seashell beads, glass beads, dahon na beads, paruparo at bulaklak na beads. Iba-iba ang maaring gamiting kulay para sa disenyong ito, ngunit mas karaniwang ginagamit ang mga maliwanag at matingkad na kulay.
Friendship bracelets
Walang partikular na disenyo para sa mga friendship bracelets, kundi ang kulay na alam nating paborito ng ating pagbibigyan at ang kanilang pangalan sa bracelet.
Maliban sa pagkakaroon ng negosyo, nakakakalma kapag nakapokus ka sa paggawa ng accessories at nakakagaan ng pakiramdam kapag nakikita natin ang mga natatapos na disenyo. Isa rin itong paraan upang ipahayag ang sariling ekspresyon at pagiging malikhain.
Nawa’y nakatulong ang gabay na ito upang masimulan ang beading journey mo. Kaya kung nais mo man na magkaroon ng sariling accessories, negosyo o makalikha ng mga friendship bracelets, sign na ito para gumawa ka na rin ng sarili mong accessories!