Bangungot ng Talaingod

Sa gabing iyon, kinahon ng mga puwersa ng militar ang mga sasakyang sumaklolo kina Angelika Moral at sa mahigit 50 pang estudyante at mga gurong Lumad na lumilikas.

“Ang gabing iyon ay isang bangungot, pero hindi iyong paggising ay naglalaho na lang. Isa itong alaalaa na palagi naming dala-dala,” ganito inalala ni Angelika Moral, isang batang Lumad, ang kanyang karanasan noong gabi ng Nob. 28, 2018.

Sa gabing iyon kasi kinahon ng mga puwersa ng militar ang mga sasakyang sumaklolo kina Moral at sa mahigit 50 pang estudyante at mga gurong Lumad na lumilikas.

Biktima sina Moral ng harassment ng grupong Alamara, isang yunit ng paramilitar na katuwang ng armadong puwersa ng estado sa sapilitang pagsasara ng mga itinayong Lumad school.

Noong school year 2014-2015, nakakuha ng government recognition ang Salugpongan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Center, Inc. (STTICLC) mula sa Department of Education (DepEd) Region XI. Ngunit pagsapit ng 2015, mabilis na nag-iba ang ihip ng hangin. Naging target na ng militar at mga grupong paramilitar ang mga itinayong eskuwelahan ng mga katutubo sa buong Mindanao.

Mga tagpo sa mga eskuwelahan ng Lumad at kopya ng DepEd recognition noong 2014 (gitnang baba), mula sa exhibit ng Defend Talaingod 13. Maria Almira Abril/Pinoy Weekly File Photo

Sa tala ng Save our Schools Network (SOS Network), aabot ng halos 200 eskuwelahan ang tinanggalan ng permit to operate ng DepEd at puwersahang ipinasara ng gobyerno. Nasa unahan ng pag-atakeng ito si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipinag-utos ang pagpapasara sa lahat ng mga paaralang Lumad sa pagtatapos ng 2018. 

Kagaya ng sirang plaka, pinalaganap ng estado ang naratibong ang mga paaralang ito ay pugad ng Communist Party of the Philippines (CPP) at balon ng rekrut ng New People’s Army (NPA).

Sa kuwento ni Moral, noong dinala sila sa Department of Social Work and Development (DSWD) matapos ang pagharang sa kanilang paglikas, tinanong silang mga bata kung marunong ba silang humawak ng baril. 

“Marunong po kami mag-dismantle ng ballpen,” ito na lang umano ang tanging nasagot ni Moral. Sa ilang araw nilang pananatili sa DSWD, pilit rin daw silang pinapaamin na sila’y mga anak ng rebelde o kaya’y mga sumasama sa rally.  

Ani SOS Network convenor Fr. Raymond Ambray, ang naganap noong gabi ng Nob. 28, 2018 na humantong sa pagkastigo sa tinaguriang “Talaingod 13” ay dapat mas maunawaan sa mas malawak na konteksto. Aniya, resulta ito ng paggambala at pagkakait ng katutubong edukasyon, pati na ng malawakang pagpapalayas at militarisasyon sa mga lupang ninuno ng mga Lumad.  

Sa inilabas na Haran Report ng Commission on Human Rights (CHR) noong 2019, pinatunayan nito ang laganap na militarisasyon at pagkakampo sa mga eskuwelahan sa Talaingod at Kapalong sa Davao del Norte. Ayon sa ulat, ginamit ng militar at paramilitar ang mga silid-aralan ng Lumad bilang pansamantalang military barracks, outposts at imbakan ng mga armas. 

Depensa ng 10th Infantry Division ng Philippine Army sa pamamagitan ni Maj. Gen. Rafael Valencia, walang militarisasyon. Ang presensiya ng militar sa lugar ay dahil sa dumarami umanong aktibidad ng NPA.

Ngunit ayon sa CHR, nagkaroon ng militarisasyon dahil hindi lang NPA ang tinugis ng militar kung hindi pati ang mga sibilyang organisasyong na pinapaparatangan na “political infrastructure of the revolution and the NPA’s intelligence network.”  

Kuha sa ilang tauhang mlitar na nakakampo sa Salugpongan noong 2016, mula sa exhibit ng Defend Talaingod 13. Maria Almira Abril/Pinoy Weekly File Photo

Bukod pa rito, lumitaw din sa ulat ang pagkasara ng mga paaralang Lumad na ipinatayo ng STTICLC dahil sa paghihinala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ito ay ipinatayo ng NPA. Tatlong hayskul, anim na paaralang elementarya at tatlong non-formal schools ang itinuturong “training grounds” ng mga magiging parte ng NPA.

Ngunit sa ulat ng CHR, nakita na hindi nagkaroon ng seryosong imbestigasyon ang DepEd at hindi rin nabigyan ng pagkakataon na hamunin ng mga opisyal ng STTICLC ang pagkasara ng kanilang mga paaralan.

Sabi ni Carol Kay Paquera sa Katungod Conference 2026, isa sa mga abogado ng “Talaingod 13”, “[Nagkakaroon ng] pagkait ng edukasyon na angkop sa kanilang kultura at tradisyon.”

Laman din ng ulat ang ginawang sapilitang enlistment sa militar o paramilitary ng mga Lumad para patunayang hindi sila mga rebelde. Ayon sa CHR, ito ay labag sa batas at hindi dapat ginagawa.

Bagama’t itinanggi ng AFP na sila ay nagbubuo at nagsasanay ng mga sibilyan at ang kanilang ugnayan sa grupong Alamara, kumbinsido ang CHR na mayroong koordinasyon sa pagitan ng dalawa sa pagtugis sa NPA. Pinunto ng CHR na ang mga mamahaling armas ng paramilitar ay indikasyon ng suportang maaaring nakukuha mula sa AFP.

Talamak din ang red-tagging at paninira sa mga progresibong organisasyon ng mga Lumad. Madalas silang tagurian ng AFP bilang mga “fronts” o “legal na tabing” ng CPP-NPA. Sa iba’t ibang pagkakataon, nagdulot ito ng direktang pagtapak sa karapatan ng mga katutubo na malayang ipahayag ang kanilang mga saloobin.

Bagama’t kinikilala ng CHR na totoong marami ang nagiging kasapi ng CPP-NPA sa hanay ng mga katutubo, hindi rin ito dapat lahatin. Ayon sa ulat, sumasapi ang ilang katutubo sa armadong kilusan para magkaroon ng daan na maihayag ang kanilang matinding diskontento sa kawalan ng serbisyo publiko.

Sa katunayan, laman din ng ulat ng CHR na ang ugat ng nagpapatuloy na armadong labanan sa iba’t ibang lugar sa Mindanao ay ang patuloy na pangangamkam ng lupang ninuno at pagpasok ng mga mapaminsalang dayuhang korporasyon.

Kinilala ng ulat na sa maraming pagkakataon, ang mga lugar na nagiging target ng militarisasyon ay mga lugar na ‘di kalauna’y pagtatayuan ng mga imprastruktura o negosyo. Dahil dito, kinumpirma din ng ulat ang sapilitang paglikas ng mga Lumad mula sa kanilang mga komunidad.

Ayon sa CHR, ang lahat ng ito ay paglabag sa international humanitarian law (IHL) at international human rights law kung saan pinakaapektado ang mga Lumad. 

Sa tala ng komisyon, lumabag ang AFP at Philippine National Police sa mga pamantayan ng International Federation for Human Rights at World Organization Against Torture.

Nirekomenda ng ahensiya na magkaroon ng imbestigasyon sa lahat ng sundalo at opisyal na naging sangkot sa mga kaso ng paglabag sa mga karapatan ng mga Lumad. Kaakibat dito ang pagtigil sa red-tagging, pagprotekta sa mga ninunong lupain, pagbigay ng sapat at maayos na pangunahing serbisyo at pagkamit ng landas patungong makatarungang kapayapaan. 

Sa kabila ng resulta ng imbestigasyon ng CHR, malayo pa ang mga Lumad sa pagkamit ng hustisya’t kapayapaan. Ang nangyari sa “Talaingod 13” ay halimbawa kung paanong sa isang iglap ang mga biktima ay sila nang nasasakdal, at ang mga totoong maysala, malaya sa pananagutan. 

Panayam ng Pinoy Weekly kay Satur Ocampo tungkol sa kanyang karanasan sa Talaingod, Davao del Norte noong 2018. Joanna Robles/Pinoy Weekly

“’Yong isang network ng mga eskuwelehan ng mga katutubo, ng mga Lumad, ay nag-appeal sa akin na tumulong sa pagla-lobby sa government ng Davao del Norte para pigilan ang pagsasara ng kanilang eskuwelahan,” pagbabahagi ni dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo. Dahil dito, sumama siya sa isinagawang national solidarity mission sa lalawigan noong Nobyembre 2018.  

Edad 80 na si Ocampo noon pero hindi niya ito alintana. Pumunta siya doon para tumulong sa mga katutubong nangangailangan ng saklolo.  

“Nagsikap akong makausap ‘yong governor, wala siya, nasa Maynila daw. Ang tatay niya ay dating mayor ng Tagum [City], sabi niya, wala rin [daw siya], nasa Maynila rin [daw]. So, pumunta kami sa iba [pang] government offices, talagang wala silang tugon,” ani Ocampo.  

Habang wala silang makuhang makabuluhang tugon mula sa mga opisyal ng gobyerno, bandang alas-singko ng hapon ng Nob. 28, 2018, nakakuha sila ng tawag tungkol sa mga guro at estudyanteng humihingi na ng tulong. 

“Naglalakad na sila, ayaw [na raw] nilang manatili doon sa loob ng eskuwela. ‘Di rin naman [daw] sila makapanatili doon, dahil itong Alamara, ni-lock nila ‘yong eskuwela. So, talagang napilitan yung mga batang maglakad sa highway,” kuwento ni Ocampo. 

Walang pagdadalawang isip si Ocampo at ang iba pang kasama sa national solidarity mission na tumugon sa mga nagbabakwit na mga guro’t bata. Sa kuwento ni Ocampo, nagpasya silang umarkila ng apat na bus at salubungin ang mga naglalakad na mga bata.

Sa kalaliman ng gabi, hinarang ng mga puwersa ng pulisya ang mga sinasakyang bus ng kanilang delegasyon. Ginamit ni Ocampo ang kanyang karanasan bilang isang beteranong aktibista at kongresista para makipagnegosasyon sa mga pulis. Ngunit, sa kabila ng pagpapatuloy sa kanila ng pulisya, napansin ni Ocampo na nakaharang na ang mga tropa ng militar sa kanilang lalakaran. 

“So, deadlock kami doon, parang nakahon kami,” paglalarawan ni Ocampo. 

Hindi naglaon, dinala na sina Ocampo at ang labindalawa pang kasama niya at ang mga batang Lumad sa munisipyo ng Talaingod. Kinasuhan sina Ocampo, noo’y ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Salugpongan school administrator Ma. Eugenia Victoria Nolasco at siyam na iba pang volunteer Lumad teacher ng paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. 

Sinintensiyahan ng Tagum City Regional Trial Court Branch 2 ang tinaguriang “Talaingod 13” ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong. Aminado si Ocampo na hindi niya inasahan ang naging desisyon ng korte. “Parang pilit na pilit ang interpretasyon ng batas,” ani Ocampo. 

Sa isang iglap, ang mga sumaklolo ang silang naging kriminal. Walang naging aksiyon ang gobyerno sa dinadaing ng mga Lumad na matinding militarisasyon sa kanilang mga lugar. Naabsuwelto ang militar at paramilitar sa ginawa nilang sapilitang pagpapasara ng mga eskuwelahan ng Lumad, habang dala-dala ng mga kabataang biktima ang bangungot ng gabing iyon.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin naabsuwelto ang “Talaingod 13”. Sa desisyon ng Court of Appeals noong 2025, kinatigan nito ang naunang hatol. Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paglaban ng 13 nasasakdal para sa hustisya at katotohanan. 

Sa kabila ng malinaw na paggamit sa batas para ikriminalisa ang makataong gawaing tumulong sa nangangailangan, hindi pinanghihinaan ng loob si Ocampo. Aniya, handa silang dalhin hanggang sa Korte Suprema ang kanilang kaso. 

Higit sa paglilinis sa kanilang mga pangalang pilit dinudungisan ng estado, ang laban ng “Talaingod 13” ay laban ng mamamayan laban sa lantarang pagbabaluktot ng batas at paglabag sa karapatang pantao. Ito’y laban din ng mga katutubo laban sa militarisasyon, pang-aagaw ng lupang ninuno, at karapatan sa sariling pagpapasya.