Pulisya, muling nang-aresto ng mga tutol sa pagmimina sa Nueva Vizcaya
Hinuli ng pulisya ang 11 indibidwal na tumututol sa pagmimina sa Barangay Paquet, Kasibu, Nueva Vizcaya nitong Ago. 28.
Hinuli ng pulisya ang 11 indibidwal na tumututol sa pagmimina sa Barangay Paquet, Kasibu, Nueva Vizcaya nitong Ago. 28.
Nangyari ang pag-aresto sa gitna ng pagpigil ng mga residente sa pagpasok ng krudo na gagamitin umano para sa proyektong eksplorasyon ng North Luzon Mineral Resources Corporation kaugnay ng pagmimina.
Nasa 4,456 ektarya ang lawak ng proyekto ng kompanya, saklaw ang mga barangay ng Pao, Kakiduguen, Paquet, Dine, Catarawan, Siguem, Muta at Biyoy. Tinutulan ng mga residente at tanggol-kalikasan ang pagmimina dahil anila’y maaapektuhan ang lokal na kabuhayan at kalikasan.
Ikalawang pang-aaresto na ito sa Kasibu nitong Agosto. Nitong Ago. 19, hinuli rin ng mga pulis ang tatlo sa mga nagbabarikadang residente at kinasuhan ng grave coercion at disobedience. Pinalaya sila matapos makapagpiyansa.
Kinondena ng Center for Environmental Concerns-Philippines ang anila’y patuloy na pang-aabuso, pananakot, ilegal na pag-aresto at pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa mga tumututol sa pagmimina.
“Naninindigan ang aming organisasyon, kasama ang mga residente ng Kasibu, sa panawagang agarang pagpapalaya sa mga inarestong indibidwal at pagpapatigil ng pag-aresto sa mga tanggol-kalikasan,” pahayag ng grupo sa Ingles.
Nakalaya rin ang 11 inaresto nitong Set. 1 matapos makapagpiyansa. Nahaharap sa mga kasong grave coercion at disobedience ang mga naaresto, mga parehong kasong isinampa sa tatlong naunang inaresto noong Ago. 19.