Dear Meg, paano ko matutulungan ang anak ko?
Kung pagtutulungan ng bawat isa sa sambahayan at ituturing na bahagi ng kumpas ng buhay, maisasakatuparan ang matagumpay na pag-angkop sa kapansanan.
Dear Meg,
Ako lang ang nakauunawa sa anak kong may schizophrenia. Diagnosed siya noong 2014. At ako naman, late diagnosis ng bipolar noong 2017.
Paano ko matutulungan ang anak ko? Edad 32 na siya at nag-relapse ang severe schizophrenia dahil tumigil siya sa pag-inom ng gamot. Ngayon nakakainom na ulit siya. Unti-unti nang nakakakagawa ng gawaing-bahay pero ako lang ang kumakausap sa kanya.
Paano ko maipauunawa sa iba kong anak ang kondisyon ng anak ko at ano ang pag-aalagang gagawin ko sa sarili ko?
Messy
Dear Messy,
Maraming salamat sa pagbabahagi ng iyong kuwento at mahigpit na pakikiramay sa iyong pinagdaraanan. Tiyak kong laman ito lagi ng iyong isip at bawat araw ay may bigat sa dibdib.
Tulad ng alam mo na, mahirap mamuhay sa mundong nilikha para sa walang kapansanan. Lubhang totoo ito lalo na sa ating bansa, kung saan kapos na kapos ang serbisyo para sa mga may karamdaman. Dahil dito, tila panghabambuhay na hatol na rin ang pagkakaroon ng sakit o ng minamahal na may idinadaing.
Madalas, ang kapansanan ay nagiging matinding balakid sa pagsulong sa buhay: kung malaking hamon na ang bumangon at igayak ang sarili sa umaga, lalo’t higit ang makihalubilo sa kapwa, makapag-aral o makahanap ng mapagkakakitaan.
Para sa mga magulang na karaniwang pangunahing tagapag-alaga, nangangahulugan din ito ng pagkatali sa bahay, at kung gayon ay kawalan ng kakayahang maghanapbuhay. Sa kabuuan, matinding dagok ang kapansanan sa buong pamilya at tila ganito nga ang inyong kinakaharap sa ngayon.
Gayunpaman, wala akong dudang kakayanin mo ito. Sa iyong liham, malinaw ang buong pusong pag-ako sa kanyang kalagayan bilang iyong pananagutan; habang ikaw ay nabubuhay, hinding-hindi siya mag-iisa. Sabi ng aking guro, ang pagtanggap sa dalahin ang unang hakbang sa pagpapagaan nito.
Naisip kong ito marahil ang bigat para sa iyong iba pang anak—ang posibleng hindi pa nila ganap na pagtanggap sa sitwasyon. Maaaring naiisip nila ang isa o ilan sa mga ito: na mayroon din silang kani-kanyang mga suliranin sa buhay; na wala silang kakayahan upang makatulong; na hindi nila piniling magkaroon ng kapatid na may kapansanan; at marami pang iba. Dumudulo ito sa hindi nila pagkilala sa kanyang dalahin bilang kanila rin.
Sa isang lipunang hindi mapagkalinga, madaling mahulog sa ganitong kamalayan. Kung ang kapansanan ay titingnan bilang anomalya at hindi karaniwang katotohanan ng buhay, iisipin nating ito ay malaking kamalasan at hadlang sa mga pansariling adhikain.
Marami itong kaugnay na kaisipan na isinusulong ng namamayaning kaayusan: ang pagturing sa ating kapwa bilang kaagaw sa mga oportunidad, ang malabis na pagtuon sa sariling kapakanan, at ang pagpalagay na ang yaman, kapangyarihan, at katanyagan ang sukatan ng tagumpay at halaga ng buhay.
Hindi pa huli ang lahat upang tunggaliin ang ganoong mga pananaw. Tiwala akong sa pamamagitan ng maraming masinsinang usapan, maaari ninyong pagkasunduan ang mas magaang pagdadala ng buhay-pamilya, lalo na sa konteksto ng pagkakaroon ng kapansanan.
Narito ang pagkakataon upang mapagpasyang likhain ang sambahayang nakaugat sa mga pagpapahalagang saligan ng pagiging tao: pagmamahal at kalinga, mahigpit na pagdadamayan, at malasakit sa kapwa.
Tingin ko’y malaki ang maitutulong ng pag-unawa sa kalikasan ng kapansanan, at kaugnay nito, sa hinihingi ng sitwasyon mula sa isa’t isa. Mainam na talakayin ang pinanggagalingan ng bawat isa: ang bigat ng kondisyon sa iyong anak na may kapansanan, ang sarili mong kalagayan at iba pang danas bilang babae at ina, at sa iba mo pang mga anak, ang kanila ring mga suliranin at agam-agam.
Baka mayroong mga namamalaging maling akala tungkol sa schizophrenia. Halimbawa, ang kawalang pag-asa na sila ay maaari pa ring magkaroon ng makabuluhang buhay.
Marami nang nagkaroon ng schizophrenia sa kasaysayan na nakaagapay hanggang sa katandaan, at ang ilan pa’y naging alagad ng sining, siyentipiko, manlalaro o manunulat. Ito’y dahil tulad ng marami pang kondisyon, may mga paraan upang mapangibabawan ang mga hamon—gaya ng paggagamot at therapy.
Kung pagtutulungan ng bawat isa sa sambahayan at ituturing na bahagi ng kumpas ng buhay, maisasakatuparan ang matagumpay na pag-angkop sa kapansanan.
Bukod dito, makabubuting alalahaning lahat tayo’y makararanas ng isang anyo ng kapansanan. Anumang oras ay maaari tayong magkasakit o datnan ng sakuna, at bawat isa’y tiyak na tatanda.
Sa isang malusog na pamayanan, dapat ay kaya tayong saluhin ng mga patakaran, estruktura at institusyon sa panahon ng kagipitan. Ito ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng lipunan.
Habang ipinaglalaban pa natin ang gayon, ang pamilya ang dapat na nagsisilbing ating takbuhan at lunduyan. Lalo na sa mga sandali ng ating kahinaan, makaaasa tayo roon ng lubos na pagtanggap, ng pagkandiling walang pasubali, ng pag-ibig na walang hinihinging kapalit.
Ang pamilya ay dapat lunan ng pagsasanay kung paano tangggapin nang buong-buo ang kapwa bilang nilalang na may karapatan ding mabuhay sa ating daigdig.
Ito naman ang nais nating matuklasan sa proseso: na sa kaibuturan ng puso ng iyong anak ay mayroong taong nais ding mabuhay nang hindi nakakabigat sa kapwa, lalo na sa mga kaanak.
Sa iyong liham, itinanong mo rin kung paano aalagaan ang sarili, at tingin ko’y magandang panimula ito: ang mahigpit na pagkilala sa iyong papel bilang haligi ng tahanan.
Mula rito, magiging likas ang pagtitiyak na napupunan ang iyong mga pangangailangan: mula sa sapat at nasa oras na pagkain, tulog at pahinga, hanggang sa puwang para sa iyong mga hilig, pangarap at kaligayahan.
Maiging makahahanap kayo ng pagkakataon upang sinupin ang hitsura ng bawat araw, at magkaroon ng bahaginan at takdang panahon para sa: gawaing-bahay, paghahanap ng tulong o serbisyo para sa anak na may kapansanan, pagtitiyak na nakakainom siya ng gamot, paggagamot o therapy para sa iyong kalagayan, at para sa inyong lahat, palagiang pagtitipon upang ihinga ang mga saloobin.
Batid kong hindi madaling gawin ang lahat ng ito. Ngunit posible at sana’y sapat ang kaalamang ito upang mapanatili ang inyong pag-asa. Mabigat man ang pagdadala ng kapansanan, makailang ulit itong gagaan kung magsisimula sa pagtanggap at pagdadamayan.
Bilang panghuli, napansin ko ang iyong palayaw sa sarili. Totoong masalimuot ang iyong buhay, ngunit alam kong ginagawa mo ang lahat sa abot ng iyong makakaya. Hindi ba’t ito naman ang pinakamahalaga?
Nawa’y dumating ang araw na mas kikilalanin mo ang iyong mga pagsisikap, kaysa sa iyong mga pagkukulang. Hiling ko rin para sa iyo ang lakas, kalusugan, pagmamahal, at paghilom upang mapamunuan ang iyong pamilya, at maitatag ang sambahayan ng inyong mga pangarap.
Maraming salamat muli sa pagbabahagi.
Sumasaiyo,
Meg