Paano na sila mabubuhay?

Paano kung hanggang ngayon, patuloy pa rin silang ginigipit ng mga kompanyang mina? Paano na sila ngayon mabubuhay?

Buhay kung maituturing ng mga residente ng Nueva Vizcaya ang kanilang lupa. Ito ang sandigan ng kanilang kabuhayan at ito rin ang lupang ninunong saksi ng kanilang mahabang kasaysayan.

Ngunit paano kung hanggang ngayon, patuloy pa rin silang ginigipit ng mga kompanyang mina? Paano na sila ngayon mabubuhay?

Malaki ang gampanin ng kalikasan sa araw-araw na pamumuhay ng mga residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya. Dito sila nagtatanim ng iba’t iba nilang ibinibentang pananim gaya ng luya, kamatis at citrus.

Binubuo ng iba’t ibang likas na yaman ang malawak na kabundukan ng Kasibu, Nueva Vizcaya. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Bukod sa matabang lupa, mayaman din ang Nueva Vizcaya sa mga mineral. Taglay nito ang 44% ng mineral resources ng Cagayan Valley, dahilan para maging puntirya ito ng mga mining company tulad ng North Luzon Mineral Resources Corporation. Ngunit nahinto ang operasyon ng kompanya dahil nagtayo ng barikada ang mga residente para pigilan ang pagpasok nito sa kanilang lugar.

Tinututulan ng mga residente ang pagmimina. Anila, makakaapekto ito sa kanilang kabuhayan, kapaligiran at lupang ninuno. Kuwento pa ng ilang mga residente, nangangamba silang makita rin sa Nueva Vizcaya ang mga naging epekto ng pagmimina noon sa pinanggalingan nilang mga lugar tulad ng Benguet. Mayroon kasing mga residenteng lumipat sa Nueva Vizcaya para sa pag-aasam ng mas maayos na kabuhayan. 

Simula noong Mayo 2026, nagtayo ng barikada ang mga residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya kontra-mina. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Hindi na bago sa mga Novo Vizcayano ang pagbabarikada, una nilang hinarangan ang Royalco Resources, na isang Australian mining firm noong 2007. Nitong 2020, nagtayo muli sila ng barikada laban sa Australian-Canadian mining company na Oceana Gold.

Matagumpay na nilabanan at pinigilan ng mga Novo Vizcayano ang mga balak ng mga dambuhalang korporasyon sa pag-agaw ng kanilang mga lupa at mineral, kaya gamay na nila ang mga gawain at tungkulin ng bawat isa. Mula sa pagtatayo ng barikada—matutulugan, lutuan, palikuran, gayundin ang nakatoka sa isang partikular na araw upang magbantay sa barikada ay tukoy ng bawat isa.

Araw-araw mayroong tumatao sa barikada ng mga residente sa Barangay Paquet, Kasibu, Nueva Vizcaya. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Matibay at suportado ng iba’t ibang tao, maging sa labas man ng kanilang lugar, ang pagbabarikada ng mga residente, kitang-kita ito sa mga donasyong kanilang natatanggap; isang native na manok na kung tawagin nilang bikal, baboy, bigas, gulay, inuming tubig at marami pang iba.

Sa loob ng ginawang kusina sa barikada, iniluluto ang almusal, tanghalian at hapunan ng mga residente. Mayroong nakatoka sa pagsasaing, pagkakatay ng manok, paghihiwa ng gulay at pagluluto.

Pahingahan at tulugan ng mga residente sa loob ng barikada. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Sa buong araw na pagbabantay sa barikada hindi maiiwasan ang pagkabagot. Bukod sa diskusyon, minsanang panonood ng mga pelikula at pag-aaral tungkol sa kanilang kalagayan, pangunahing pampalipas oras ng mga residente ang paglalaro ng dama. lalatag nila ang mga chess board sa lamesa at sabay-sabay na maglalaro, na tila sumasabak sa isang tournament.

Mula noon hanggang ngayon, ipinapanawagan ng mga residente na itigil na ang dambuhalang pagmimina. Hinihiling din nila ang pagpapawalang-bisa sa konsultasyong gawa-gawa lang at hindi naman tunay na kumakatawan sa pagtingin ng mga residente sa pagmimina.

Paghahanda ng tanghalian sa ginawa nilang kusina sa loob ng barikada. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Ayon pa sa kanila, dapat nang ibasura ang Philippine Mining Act of 1995 na anila’y nagbibigay-daan sa mga dayuhan at malalaking kompanya para pagsamantalahan ang likas na yaman ng bansa. 

Hindi naiiba ang naratibo ng Nueva Vizcaya sa ibang lugar sa bansa. Danas din ng Benguet, Palawan, Romblon, Surigao at marami pang iba lugar na mayaman sa mineral ang masamang epekto ng pagmimina, at ang pangigipit ng estado at mga kompanyang mina sa mga residenteng taliwas sa kanilang ganid na layunin.

Mga Novo Vizcayano na naglalaro ng dama pampalipas ng oras. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Apat na buwan nang nakatayo ang barikada sa Kasibu. Sakripisyo para sa pamilya at kabuhayan nila ang araw-araw nilang paglalaan ng oras para makapagbantay sa barikada.

Handa silang ibuwis ang kanilang buhay upang ipagtanggol ang lupaing kumupkop at bumuhay sa kanila, gayundin sa kanilang mga ninuno, at siyang magpapatuloy na bumuhay sa mga susunod na henerasyon.