Mar Valbuena, nakipag-selfie lang kay Liza Marcos, tiklop agad sa welga
Mabilis na tumiklop sa welga si Manibela chairperson Mar Valbuena matapos ang pabirong pakisuyo ni First Lady Liza Araneta-Marcos na huwag na itong mag-strike.
Mabilis na tumiklop sa welga si Manibela chairperson Mar Valbuena matapos ang pabirong pakisuyo ni First Lady Liza Araneta-Marcos na huwag na itong mag-strike.
Sa kumalat na video, walang pagdadalawang-isip na sumang-ayon si Valbuena sa unang ginang sa kabila ng kawalan ng aksiyon ng Malacañang sa matinding paghihirap ng mga tsuper bunga ng oil price hike.
Naganap ang interaksiyon ng dalawa sa magkasabay aktibidad ng pamamahagi ng bigas sa Land Transportation Office (LTO) para sa mga tsuper at opereytor na apektado ng oil price hike at ang diyalogo ng Manibela kay LTO Chief Markus Lacanilao nitong Set. 29.
Bago pa ang tagpo sa LTO, una nang iniatras ng Manibela ang ikalawang araw ng kanilang strike para bigyang-daan ang pakisuyong diyalogo ng LTO.
Sa panayam ni Valbuena sa midya, ipinangako umano ng LTO na tutulungan ang mga drayber at opereytor na pababain ang presyo ng langis. Dahil dito, tuluyan nang binitawan ni Valbuena ang kanilang strike.
Sa inilabas na pahayag ng Manibela, inilinaw nito na hindi sila pumapanig sa kahit sinong politiko.
“Hindi kami kabahagi ng kahit anong kulay sa politika,” anila sa Ingles. Inilibas ang pahayag matapos marinig mismo kay Valbuena ang “I love you. Sama-sama po tayo, BBM,” habang nakikipag-selfie kay Araneta-Marcos.
Samantala, matagumpay namang tinapos ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang dalawang araw nilang welga sa tarangkahan ng Malacañang sa Mendiola, Maynila nitong Set. 30.
Ayon sa Piston, tuloy-tuloy na magkakasa ng welga ang mga tsuper sa hangga’t hindi ibinabasura ang Oil Deregulation Law, tinatanggal ang value-addded tax at excise tax sa langis, at niro-rollback ang presyo ng langis.