Hiwalayan sa koop at korporasyon
“Nagpakonsolida ako kasi natakot akong mawalan ng hanapbuhay. Pero sa ginagawa nila, para akong sumusugal,” sabi ng drayber ng jeepney na si Domingo Lacostales.
Walang puso.
Ganito inilarawan ng mga drayber at opereytor ng jeepney ang kasalukuyang administrasyon. Pinagtataka nila kung paano natitiis ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbingi-bingian gayong humihiyaw ang busina ng sektor ng transportasyon.
Noong nakaraang taon, ilang beses na nagwelga ang mga drayber at opereytor ng jeepney para ipabasura ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na sumasagasa sa kanilang kabuhayan. At hanggang ngayon, patuloy silang nagpoprotesta laban dito.
“Isang utos lang ni Marcos [Jr.], wala na ‘yang pahirap na [PUVMP],” sabi ni Domingo Lacostales, drayber ng jeepney sa rutang Crossing Pasig-Pateros.
Isa si Lacostales sa muling sumama sa pagkilos nitong Peb. 8 sa tapat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Muli nilang ipinanawagan na ibasura ang sapilitang konsolidasyon at ibalik ang kanilang mga prangkisa.
Sa ilalim ng PUVMP, minamandato ang konsolidasyon ng mga prangkisa. Dito napipilitang isuko ng opereytor ang kanyang tradisyonal na jeepney o UV Express sa isang kooperatiba o korporasyon para makabiyahe sa partikular na ruta.
Sa Memorandum Circular (MC) 2024-001 ng LTFRB, inatras lang ang deadline ng pagpapakonsolida hanggang Abr. 30. Pinapayagan na ring mag-withdraw o kumulas sa kooperatiba o korporasyon ang mga drayber at opereytor.
Pero nilinaw din ng ahensiya hindi na maibabalik ang kanilang prangkisa na nakapaloob na sa kooperatiba o korporasyon.
“Anong silbi no’n kung hindi namin mababawi ‘yong pinundar namin?” ani Lacostales na ikinonsolida ang dalawang jeepney.
Kuwento niya, gumastos siya ng P9,000 sa pagproseso pa lang ng mga papeles. Nang binabawi na niya ang mga dokumento, hindi na ito binibigay ng kooperatibang sinalihan.
Maliit lang umano ang natatanggap na buwanang pensiyon ng 72 taong gulang na drayber kaya nakasandal pa rin ang kanyang kabuhayan sa pamamasada.
“Nagpakonsolida ako kasi natakot akong mawalan ng hanapbuhay. Pero sa ginagawa nila, para akong sumusugal,” sabi pa niya.
Maraming katulad ni Lacostales—mga drayber at opereytor na napilitang magpakonsolida at ngayo’y nagsisi na, gustong tuluyang humiwalay sa kooperatiba at korporasyon at mabawi ang sariling prangkisa.
Panloloko
Sa huling tala ng LTFRB nitong Enero, nasa 77% na ang nagpakonsolida. Isinama sa bilang na ito kahit ang mga hindi pa aprubado.
Sabi ng maraming nagpakonsolidang drayber at opereytor, “nabudol” lang sila ng ahensiya.
“Natakot ako na hindi ko mairehistro [ang aking yunit] kaya pinasok ko [ito] sa koop,” pag-amin ni Rodolfo Pepito na bumibiyahe sa rutang Novaliches Bayan-Blumentritt.
Nitong Nobyembre lang binuo ang kooperatibang sinalihan niya. “Sabi kasi ng LTFRB sa’min, ‘hindi mairerehistro kung hindi kasama sa isang kooperatiba,’” dagdag niya.
Sa mga nakaraang pagdinig sa Kamara, paulit-ulit na sinabon ng mga mambabatas ang LTFRB. Nililinlang at nakikipagkuntsabahan kasi ito sa iba pang ahensiya tulad ng Land Transportation Office (LTO) para lalong maitulak ang konsolidasyon.
Noong Ene. 31, ikinuwento ni Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) president Mody Floranda na hinahanapan pa rin ng mga tauhan ng LTO ang mga drayber ng provisional authority (PA) at rehistro ng jeepney sa kabila ng ekstensiyon ng pagpapakonsolida.
“Sa ngayon pa lang, Mr. Chair (Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop), ay kahapon ay kasama po ako no’ng isang miyembro namin. Sinita siya ng LTO, ng LTO-NCR, at hinahapan po siya ng ekstensiyon ng PA, at hinahanapan din siya ng rehistro ng kanyang jeepney. No’ng [nagkakasasagutan] na sila, ang sabi natin ay hindi ba kayo na-orient na mayroong ekstensiyon ng tatlong buwan ‘yong PA,” ani Floranda sa ikatlong pagpupulong ng House Committee on Transportation.
Ibinahagi rin ni Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela) president Mar Valbuena na hindi bababa sa 10 tradisyonal na jeepney ang kinumpiska ng LTO at Highway Patrol Group-National Capital Region kahit pa may ekstensiyon.
“Sa ngayon po, Mr. Chair, hindi bababa sa 10 ang naka-impound sa amin dahil hinahanapan sila ng consolidation na papel. Wala silang maipakita, ngayon ‘yong mga sasakyan nila ay naka-impound,” ani Valbuena.
Pinapangukuan din ng LTFRB ang mga drayber at opereytor na maipagpapatuloy nila ang pamamasada kapag nagpakonsolida.
Pero ayon mismo sa kanila, bibigyan lang ng 27 buwang palugit ang mga drayber at opereytor para makapagpalit sa “modernong” yunit. Ang bawat yunit na ito ay nagkakahalaga ng P2.4 milyon hanggang P2.8 milyon.
Para makumbinsing magpakonsolida ang iba pang drayber at opereytor, desperadong itinaas ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB ang loan subsidy nito noong nakaraang taon. Mula sa dating P160,000, maaari nang makautang hanggang P280,000 ngayon ang mga kooperatiba para makabili ng “dekalidad na mga modernong yunit.”
Kabit
Nadiskure sa huling pagdinig ng komite na umiiral din ang “kabit system” sa mga korporasyon. Sa kalakarang ito, nakakabiyahe ang mga opereytor sa rutang inaprubahan ng gobyerno para sa korporasyon kahit hindi sila stockholder o may-ari nito.
Kinumpirma ng LTFRB na labag ito sa patakaran ng programa. Kung hindi man nasa mataas na puwesto ng korporasyon, dapat lahat ng opereytor ay stockholder.
Sabi ni Ron Lester Clemen, dating miyembro ng Pasang Masda Jeepney Operators Corporations, isinuko niya ang dating prangkisa kahit hindi siya miyembro ng nasabing korporasyon. Nawala rin ang pinag-ipunan niyang pera dahil sa paghuhulog sa modernong yunit sa loob ng dalawang taon.
“Daan-daang libong piso ang binigay namin sa’yo (presidente ng korporasyon) pero bakit hindi mo kami binigyan ng opisyal na resibo?” sabi ni Clemen.
Kinumpirma mismo ng presidente ng korporasyon na ikinabit nga nito ang prangkisa ni Clemen nang magpakonsolida ito sa LTFRB.
Nalulugi, abonado
Ibinibida ng DOTr na dahil sa konsolidasyon, mas mura at madaling makabili ng mga yunit dahil isahan ang pagbili nito. Mas mabilis din umanong makumpuni at makakuha ng mga piyesa ng sasakyan kapag kinakailangan.
Pero base sa obserbasyon sa Kooperatiba Naton Multipurpose Cooperative sa Iloilo City, kabaligtaran ang nangyayari.
Maraming nakatengga at nabubulok na yunit sa garahe ng kooperatiba. Matagal din ang pag-aayos sa mga sirang sasakyan dahil sa kakulangan ng after-sales support ng pinagbilhan.
Nagmula sa Forland Philippines, isa sa mga nangungunang kompanya para sa PUVMP, ang mga naturang yunit sa Koopertiba Naton. May kontrata ang dalawa na nagtatakdang hindi puwedeng bumili ng spare parts at kumuha ng serbisyo sa ibang kompanya ang kooperatiba.
Sabi ng isang opisyal ng Forland sa pinakahuling pagdinig ng komite, tanging sa Iloilo lang nangyayari ang kasong ito. Nagpunta rin umano siya sa sinasabing erya at nakitang isa ang hindi gumaganang yunit.
Ngunit sa ulat ng LTFRB Region 6, limang yunit ang kasalukuyang inaayos at 14 naman ang nakatengga lang.
Samantala, isiniwalat din ng San Pedro Transport Cooperatives (SPTC) ang dinanas nila matapos ang tatlong taong sumailalim sa PUVMP. Isa ang STPC sa mga unang kooperatibang nabuo nang ilunsad ang programa noong 2017.
Sabi ng miyembro nito, kumita lang ang kooperatiba nila dahil sa mga service contract tulad ng “Libreng Sakay” ng gobyerno. Pero kung pangkaraniwang pamamasada lang ay hindi umano tatagal ang kanilang operasyon.
Sa katunayan, pinangangambahan niyang dalawang taon na lang ang itatagal ng kanilang kooperatiba. Patuloy kasing nagtataas ang buwanang gastos at bayarin para sa maintenance, amortization, pagpapasahod, gasolina at iba pa.
Ibang-iba umano ito sa nakagawian niya bago dumating ang PUVMP.
“Noong kami ay traditional jeep pa, hindi nga kami nagche-change oil e, walang maintenance ‘yon. Takbo lang ng takbo,” dagdag pa nito.
Habang patuloy na nalalantad ang panlilinlang ng mga ahensiya na nasa likod ng PUVMP at ang kapalpakan mismo ng programa, lalong lumalakas ang panawagan ng mga nagpakonsolidang drayber at opereytor para sa pagpabasura ng sapilitang konsolidasyon, kalayaang humiwalay sa sinalihang kooperatiba at korporasyon, at pagbabalik ng kanilang mga indibidwal na prangkisa.