Modernisasyon o konsumisyon?
Maraming drayber at opereytor ang ayaw magpa-consolidate dahil tiyak anilang mababaon sila sa utang habang mawawalan naman ng katiyakan sa kita at kabuhayan.
Nagmatigas ang administrasyong Marcos Jr. na ituloy ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa kabila ng magiging pinsala nito sa kabuhayan ng mga drayber at opereytor, sa mga komyuter, at sa ekonomiya ng bansa.
Simula Peb. 1, ituturing nang kolorum at huhulihin ang mga papasadang Public Utility Jeepney (PUJ) na hindi nagpa-consolidate ng prangkisa sa ilalim ng Omnibus Franchising Guidelines (OFG).
Inanunsiyo ito ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III kahit aminado sa naungkat na maraming anomalya at problema sa pagpapatupad ng programa sa ginawang pagdinig ng House Committee on Transportation nitong Ene. 10.
Ani Guadiz, nasa 75% na ng mga PUJ ang nakapagpa-consolidate. May 38,000 unit naman ang hindi nagpa-consolidate at pagbabawalang pumasada.
Pero sa pagdinig ng Kongreso, ibinulgar ni Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) president Mody Floranda na pinilit at tinakot lang ang maraming drayber at opereytor na isuko at ipa-consolidate ang kanilang prangkisa.
“Iyong mga umikot nga po sa mga bahay ng mga [opereytor] at sa terminal ay may pinirmahan na undertaking. Ibig sabihin na kailangan pumirma ang individual opereytor na kapag hindi pumirma ay hindi na sila makakabiyahe sa Jan. 1 hanggang 31. Kaya maraming natakot at nagpirmahan,” aniya.
Tinawag itong “gawaing sindikato” ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel. Hindi aniya dapat niloloko ang mamamayan para maipatupad ang patakaran.
“Kitang-kita dito na sapilitan ang pagtulak ng franchise consolidation. Meron kayang nakukuha ang mga ahente ng mapanakot na scam na ito?” sabi ng kongresista.
Kinastigo din ni Transportation Committee Chairman Rep. Romeo Acop ang LTFRB sa pagmamatigas sa deadline ng konsolidasyon ng mga prangkisa gayong 10% pa lang ang inabot ng rationalization o pagtatakda ng mga ruta.
“Binigyan kayo ng P5.5 bilyon [na pondo], ito lang ang ipapakita n’yo? Kung hindi n’yo pa tinakot ay hindi aabot sa ganitong porsiyento,” ani Acop.
Tigas-ulo
Para kay Propesor Gina Gatarin ng West Sydney University, eksperto sa sistema ng trasportasyon sa Pilipinas, nagtitigas-ulo lang ang gobyerno sa pagpipilit ng programang hindi naman aniya makatotohanan. Dahil walang sistematikong suporta mula sa gobyerno, hindi niya nakikitang uusad ang PUVMP.
“Hindi natin puwedeng basta ipasa lang ang responsibilidad ng pagbili ng napakamahal na modernong jeepney sa isang kahig, isang tuka na ngang mga drayber at opereytor. Hindi ‘yan makatotohanan,” aniya.
Umaabot sa P1.6 hanggang P3 milyon ang presyo ng bawat unit ng modernong jeepney. Pero P160,000 lang kada unit ang subsidyong ibibigay ng Department of Transportation (DOTr). May inaalok ding pautang ang gobyerno sa iskemang “5-6-7-8” o 5% downpayment, 6% interes, 7 taon ng bayaran, at P80,000 subsidyo kada unit.
Para mabigyan ng prangkisa at para makautang, kailangang pumaloob ang drayber o opereytor sa mga kooperatiba o korporasyon na may hindi bababa sa 15 yunit na bibiyahe sa isang takdang ruta.
Sa kabuuan, tinatayang aabot sa P750 bilyon ang kailangan para mapalitan ang mahigit 300,000 unit ng PUJ sa buong bansa.
Maraming drayber at opereytor ang ayaw magpa-consolidate dahil tiyak anilang mababaon sila sa utang habang mawawalan naman ng katiyakan sa kita at kabuhayan.
“Hindi makatarungan na alisan ng kabuhayan ang mamamayan nang walang ibinibigay na konkretong alternatiba kung paano ipatutupad ang PUVMP. Dahil napakaliit din ng ibinibigay na subsidyo ng gobyerno, maibebenta lang ang buong sistema ng pampublikong transportasyon sa ilang pribadong korporasyon,” pangamba ni Gatarin.
Taas-pasahe
Kailangang kumita ng P7,000 kada araw ang isang drayber o opereytor para lang makabayad sa pautang na subsidyo ng gobyerno sa pagbili ng “modernong” jeepney, ayon kay 1 Rider Partylist Rep. Bonifacio Bosita.
Pangamba ng mga komyuter, magdudulot ito ng pagtaas ng pamasahe. Sa taya ng Ibon Foundation, maaaring umabot sa P45 hanggang P50 ang minimum na pamasahe sa PUJ sa susunod na limang taon.
Ayon kay Ibon Executive Director Sonny Africa, nananatiling mababa ang pamasahe sa PUJ ngayon dahil sa kawalan ng trabaho at kabuhayan na nagtutulak sa mga drayber at opereytor na tanggapin ang napakababang kita, bagay na maaaring hindi na mangyari sa laki ng gagastusin sa sapilitang “modernisasyon” at kung mapasakamay na ng malalaking korporasyon ang kontrol sa mga ito.
“Dahil sa pagsasakripisyo ng mga drayber at opereytor sa maliit na kita, napapanatiling mababa ang pamasahe at tuloy-tuloy ang biyahe,” aniya.
Tinatayang nasa P1.5 bilyon ang puhunan ng kompanyang Byahe ni Manny Pangilinan para sa 500 yunit ng electric jeepney, habang malalaking opereytor naman ang MetroExpress Connect ng mga Villar at Beep Jeep ng mga Ayala.
Malaki rin ang masamang epekto sa ekonomiya kung mawawalan ng murang masasakyan ang mga manggagawa at estudyante, ayon kay Gatarin.
“Ginigisa mo ‘yung sarili mo sa sariling mantika e. Mag-iimplement ka hindi naman kaya, hindi naman makatotohanan. Maapektuhan lahat ng tao, maapektuhan ang ekonomiya. Saan tayo papunta mula rito? Hindi siya napag-isipan. Hindi siya napagplanuhan. Parang masabi lang na maipatupad,” sabi ng propesor.
Modernisasyon?
Bukod sa pinsala sa kabuhayan at ekonomiya, hindi rin sustenable ang tunguhin ng PUVMP, ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE). Duda ang grupo na totoong makabubuti sa kalikasan sa pangmatagalan ang simpleng pagpapalit ng “modernong” sasakyan.
“Hindi matatawag na sustenable ang pag-import ng surplus na mga mini bus, na madali ding masira, at ang pagtatapon ng libo-libong unit ng PUV na maaari naman sanang i-rehabilitate,” ani Kalikasan PNE National Coordinator Jon Bonifacio sa Inquirer.
Itinakda sa PUVMP na ang mga “modernong” jeepney ay kailangang may makinang pasado sa Euro 4 standards. Sa maraming bansa, Euro 6 na ang ginagamit na pamantayan sa mga makinang diesel.
Makalipas naman ang limang taon, ang mga Euro 4 na “modernong” jeepney na unang pumasada noong 2018 ay “polluting” na rin ngayon, ayon kay Gatarin.
“Parang ‘yun lang ang pumapasok sa ating isipan na ang jeepney modernization ay bumili lang ng bagong sasakyan,” aniya.
Puna rin niya na masyadong pinasimple ng PUVMP sa pagpalit ng mga yunit ang tunay na layunin ng “modernisasyon” na mapabuti ang sektor ng transportasyon, magkaroon ng maayos at may dignidad na kita ang mga drayber at opereytor, at mas maayos na karanasan sa pampublikong transportasyon ang mga komyuter.
Paglilinaw rin ni Gatarin, hindi tamang isisi sa mga jeepney ang lumalalang polusyon. Bagamat 80% ng dumi sa hangin (emissions) sa bansa ay galing sa sektor ng transportasyon, kalakhan nito ay mula sa mga pribadong sasakyan at napakaliit lang ang ambag ng pampublikong transportasyon, kabilang ang mga PUJ.
Transisyon
Hindi maituturing na makakalikasan ang isang patakaran kung hindi ito makatao, ayon naman sa grupong Youth Advocates for Climate Action Philippines (Yacap).
“Sa transisyon tungo sa mas sustenable at tunay na makakalikasang hinaharap, ang proseso ay dapat maging patas, makatuwiran at makatarungan,” sabi ng grupo sa isang post sa social media.
Para naman sa Kalikasan PNE, maaring umaastang makakalikasan ang DOTr at ang administrasyong Marcos Jr. pero hindi anila maikakaila na ang PUVMP ay lumalabag sa pandaigdigang prinsipyo ng makatarungang transisyon (just transition) o ang paglipat sa mas makakalikasang ekonomiya na patas at inklusibo sa lahat ng mamamayan.
“Magkakaugnay ang mobility at labor justice. Hindi puwedeng isakripisyo ‘yung human dimension sa pagtransisyon sa low carbon na sistema ng transportasyon, na hindi sinusuportahan ang ating labor force,” paliwanag naman ni Gatarin.
Mas makabubuti, ayon sa propesor, na gawing paunti-unti ang pagpapatupad ng modernisasyon, gaya ng karanasan ng mga bansa sa Africa at Latin America. Napatunayan na aniya sa ibang bansa na walang mabilisang paraan sa pagtransisyon sa mas makakalikasang ekonomiya at nang hindi isinasaalang-alang ang boses ng mamamayan.
“Kailangan din ng kompromiso dito e,” ani Gatarin. “Dapat itigil na ng gobyerno ang pagiging matigas ang ulo sa pag-implement nito at pakinggan ang boses ng mga maapektuhan. Gamitin natin ‘yung kaalaman ng ating mga transport providers, paano ma-improve ‘yung sistema,” dagdag niya.
Paalala pa ng propesor, dapat pakinggan at hindi masamain ng gobyerno ang pagtutol ng mga drayber at opereytor dahil hindi naman sila tutol sa modernisasyon kundi sa kung paano ipinapatupad ang PUVMP.
“Kapag nagpapahayag ng kanilang pangamba ‘yung mga transport providers, laging iniisip ng gobyerno na sila ay tumututol o kumokontra, imbes na upuan sila at pakinggan para mapabuti ang mga partikular na patakaran kung paano mas maayos na matupad ang plano,” ani Gatarin.
Samantala, ilang araw bago ang naka-ambang pagbabawal sa pagbiyahe ng mga tradisyonal na PUJ sa Peb. 1, at habaang hinihintay pa rin ng Piston ang desisyon ng Korte Suprema sa isinampa nitong petisyon para sa temporary restraining order laban sa PUVMP, nanawagan si Floranda sa mga drayber at opereytor ng mga tradisyonal na jeepney na ituloy ang pagbiyahe para magpatuloy ang serbisyo sa publiko at bilang protesta sa hindi makatarungang programa ng administrasyong Marcos Jr. na magdudulot ng “transport disaster” sa bansa.
“Ang kalsada ay sa mamamayan. Bawiin natin ang karapatang pumasada,” pahayag ng Piston.