Matatanggal na ba ang mga tradisyonal na jeepney?
Sa ilalim ng programa, obligado ang mga indibidwal na jeepney opereytor na isuko ang kanilang prangkisa at mag-apply ng prangkisa sa ilalim ng isang kooperatiba o korporasyon.
Matagal nang bahagi sa kasaysayan ng ating bansa ang pampasaherong jeepney. Nauso ang mga jeepney bilang pangunahing pampublikong sasakyan sa Pilipinas matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ngunit sa ngayon, may ginagawang hakbang ang pamahalaan para mapalitan na ang mga tradisyunal na pampasaherong jeepney sa kalsada.
Sinimulan ito sa pamamagitan ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) noong administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at ipagpatuloy ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Unang inilunsad ang programa ng administrasyong Duterte noong Hunyo 2018 sa badyet na P2.2 bilyon.
Kamakailan, naging laman ito ng balita dahil sa kasong isinampa ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at iba pa upang labanan ang ang implementasyon ng nasabing programa.
Layunin daw ng programa na mapaganda at mapabuti ang sistema ng pampublikong transportasyon sa buong bansa. Kabilang dito ang paglikha ng ligtas na transportasyon na hindi nakakasira sa kalikasan.
Binalak ng gobyerno palitan ang makina ng mga tradisyonal na jeepney ng Euro 4-powered engines o electrically-powered engines na may solar panel ang bubong. Wala kasi itong nilalabas na usok sa kanilang pagtakbo.
Sa ilalim ng PUVMP, obligado rin ang mga indibidwal na jeepney opereytor na isuko ang kanilang prangkisa at mag-apply ng prangkisa sa ilalim ng isang kooperatiba o korporasyon.
Balak din nilang tanggalin sa kalsada ang mga jeepney na 15 taon o mas matagal pa. Kailangan daw ito upang makamit ang isang ligtas, maginhawa, maasahan, komportable, abot-kaya at makakalikasang sistema ng pampublikong transportasyon.
Pinapangakuan din ang lahat ng drayber at opereytor ng isang matatag, sapat at disenteng uri ng kabuhayan sa ilalim ng programang ito. Sa panig naman ng mga komyuter, makakarating daw sila sa kanilang mga patutunguhan nang mas mabilis, maginhawa at ligtas.
Para sa Department of Transportation (DOTr), ang PUVMP ay hindi lamang programa tungkol sa modernisasyon ng mga sasakyan kundi isang komprehensibong sistema ng pagbabago sa ating industriya ng pampublikong transportasyon.
Sa ilalim nito, may kapangyarihan ang mga pamahalaang lokal na gumawa ng kanilang plano tungkol sa mga ruta ng sasakyan sa kanilang nasasakupan. Kasama rin dito ang pagbubukas ng mga prangkisa ng PUV sa kanilang teritoryo.
Binalak ng DOTr na mga 432,000 jeepney sa buong bansa ang maging modernized sa taong 2020. Ayon sa kanila, dapat ay matanggal na ang mga tradisyonal na jeepney pagdating ng 2024 at mapalitan sila ng mga modernong sasakyan.
Ngunit ang pagpapalit sa mga tradisyonal na jeepney ng mga modernong sasakyan ay hindi basta-basta magagawa ng mga ordinaryong tsuper at opereytor. Mangangailangan ito ng napalaking halaga na hindi nila kakayanin.
Halimbawa, ang bagong sasakyan ngayon na maaring ipalit sa mga tradisyonal na jeepney ay nagkahahalaga ng P2.4 milyon hangang P2.8 milyon. Bagaman tutulong umano ang gobyerno, hanggang P160,000.00 lang ang subsidyo.
Kaya naman sunod-sunod na transport strike ang ginawa ng Piston at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela), kasama ang iba pang grupo, upang kondenahin ang pagtanggal sa mga jeepney.
Ayon sa Piston at iba pang mga cause-oriented group, tanging mga malalaking kompanya lang ang makikinabang sa programang ito na nagtatakda ng minimum na 15 yunit sa isang prangkisa.
Tinatantiya ng Piston na nasa 74% pa ng mga jeepney unit sa Metro Manila ang hindi nakapagpakonsolida ng kanilang mga prangkisa. Ibig sabihin, nasa 86,000 na manggagawa sa transportasyon ang mawawalan ng kabuhayan kapag ipinagbawal ang mga sasakyang hindi nakapagkonsolida. Ito ang dahilan kung bakit tinawag ng Piston na kontra-mahirap ang programang ito.
Bukod pa rito, hindi lamang mga tsuper at opereytor ang apektado. Sa Metro Manila lang, tinatantyang aabot sa 6.2 milyong pasahero ang maapektuhan.
Kaya naman sunod-sunod na transport strike ang ginawa ng Piston at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela), kasama ang iba pang grupo, upang kondenahin ang pagtanggal sa mga jeepney.
Ngunit walang epekto ito sa administrasyong Marcos Jr. Nagbingi-bingihan ito sa sigaw ng mga drayber, opereytor at komyuter. Napilitan naman ang LTFRB na pahabain ang deadline para sumunod sa konsolidasyon ng prangkisa hanggang Ene. 31, 2024.
Pero noong Dis. 20, 2023, inihain sa Korte Suprema ni Piston president Mody Floranda, kasama si Bayan Muna Partylist coordinator Gaylord Despuez at tatlo pang indibidwal mula sa mga progresibong grupo, ang petisyon upang ipatigil ang pagpapatupad sa PUVMP.
Hiningi nila sa Korte Suprema na maglabas ng preliminary injunction para pigilan ang DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipatupad ang PUVMP at iba pang mga kaugnay na alituntunin.
Inargumento nina Floranda na nilabag ng pamahalaan ang batayang karapatan ng mamamayan ayon sa ating Saligang Batas sa paglalabas ng PUVMP at mga alituntunin nito. Kabilang sa mga karapatang ito ng mamamayan ang kalayaan sa pagsasamahan, karapatan sa angkop na proseso, karapatan sa pantay na proteksiyon ng mga batas, at karapatan sa trabaho at kabuhayan.
Ayon sa petitioner, nilalabag ng PUVMP ang karapatan sa pagsasamahan dahil sa sapilitang pagpapasali ng mga drayber at opereytor sa kooperatiba o korporasyon kahit na hindi nila gusto. Nilalabag din umano nito ang Revised Corporation Code at Cooperative Code dahil sa utos na konsolidahin ang mga prangkisa.
Masyadong mapang-api rin daw ito dahil sinisira nito ang karapatang kumita ng mga drayber at opereytor at pati na rin ang mga komyuter.
Ang pagpapatupad ng PUVMP ay hindi rin ipinasa ng Kongreso, kaya labas ito sa kapangyarihan ng DOTr at LTFRB, dagdag na argumento nina Floranda.
Inutusan ng Korte Suprema ang mga opisyal ng DOTr at LTRRB na sagutin ang petisyon ng Piston at mga kasama nito sa loob ng 10 araw.
Hiningi naman nina Floranda sa Korte Suprema na kung maaari ay maglabas ito ng temporary restraining order upang pansamantalang itigil ang implementasyon ng PUVMP samantalang pinag-aaralan pa ang petisyon.
Ganoon ang lagay ngayon kaso tungkol sa pagtanggal sa mga tradisyonal na jeepney, mga kasama. Ano kaya ang magiging kahinatnan nito?
Sana’y pakinggan ng Korte Suprema ang pagtutol ng mga drayber, konduktor, opereytor at komyuter laban sa programang ito.