Taas-pasahe sa MRT-3, dagdag pasanin sa 2024


Mula sa P13 na minimum na pamasahe, magiging P16 na ito at P34 naman mula P28 ang magiging pamasahe kung babaybayin ang magkabilang dulo ng MRT-3. 

Ngayong taon, may bagong iindahin ang mga komyuter dahil sa inaasahang taas-pasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa katapusan ng Marso o unang linggo ng Abril.

Kinumpirma ito ni Department of Transportation Undersecretary Timothy John Batan sa sa isang press conference noong Dis. 1, 2023 ang panukalang dagdag na P2.29 sa boarding fare at P0.21 naman sa kada kilometro.

Mula sa P13 na minimum na pamasahe, magiging P16 na ito at P34 naman mula P28 ang magiging pamasahe kung babaybayin ang magkabilang dulo ng MRT-3. 

“Kahit pa ilang piso, masyadong malaki ‘yon sa mga komyuter lalo kung ‘di naman nakikita ‘yong improvements hindi lang sa facility, pati na rin sa system mismo,” ani Mery Joy Siscar, komyuter at empleyado sa isang kompanya sa Cubao.

Unang inaprubahan ang pagtaas ng pamasahe sa Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2 noong Agosto 2023 at ngayong 2024 naman ang taas-pasahe sa MRT-3 na sinasabing gagamitin sa maintenance at operasyon nito.

Para kay Rhea Mae Salcedo, estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) at kasalukuyang intern sa isang opisina sa Taguig City, malaki ang magiging epekto ng taas-pasahe sa MRT-3 tulad ng kung paano siya naapektuhan ng taas-pasahe sa LRT-2.

“Adjustment na naman ito sa’kin, lalo [na] sa magulang ko na nagbibigay ng allowance sa’kin araw-araw,” sabi niya.

Mula P34 na balikang pamasahe sa LRT-2 para pumasok sa PUP, naglaan na si Salcedo ng P40 mula noong Agosto 2023 para lang sa isang transit. Tulad ng maraming komyuter, higit sa isang sakay ang kailangan ni Salcedo kaya umaabot noon sa P122 kada araw ang kabuuang gastos sa pamasahe.

Sa darating na Abril, kinakailangan na namang niyang ihanda ang sarili at kanyang mga magulang sa mas malaking gastusin sa pamasahe. Mula P48, magiging P60 na ang kakailanganin niya sa MRT-3. Lalagpas na ng P200 ang gastos niya sa biyahe kada araw.

Ayon kay Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 officer-in-charge general manager Jorjette Aquino, kahit pa may subsidiya na natatanggap mula sa gobyerno, hindi ito sapat sa pangangailangan nila.

“Mas malaki pa rin ‘yong nagiging subsidy na hinihingi namin sa national government, ngayon kung kami’y makakapagtaas ng pamasahe, ‘yong subsidy na aming hihingiin ay magiging mas mababa,” aniya.

Mahigit P6 bilyon ang nakalaang subsidiya sa MRT-3 ngayong 2024.