Mas masakit pa ang maospital
Nostalgic ang taong 2016 para sa akin. Tuwang-tuwa ako tuwing inaalala kung paanong abala lang ako noon sa panghuli kay Snorlax sa Pokemon Go at ilang oras akong maglalaro ng League of Legends sa computer shop. Kaya naman sumasabay rin ako sa katuwaan kapag may throwback ang mga nag-trending isang dekada na ang nakaraan. Pero […]
Nostalgic ang taong 2016 para sa akin.
Tuwang-tuwa ako tuwing inaalala kung paanong abala lang ako noon sa panghuli kay Snorlax sa Pokemon Go at ilang oras akong maglalaro ng League of Legends sa computer shop.
Kaya naman sumasabay rin ako sa katuwaan kapag may throwback ang mga nag-trending isang dekada na ang nakaraan.
Pero hindi lang pala masasayang alaala ang babalik sa buhay ko. Makalipas ang 10 taon, nagbalik ang hika ko. Ilang beses tuloy akong labas-pasok sa ospital ngayong taon.
Tulad ng paglalaro sa kompyuter, aba kasama ko rin sa paglaki ang hika.
Limang taong gulang pa lang ako gamay ko na kung paano magpatakbo ng nebulizer tuwing nahihirapan akong huminga. May teknik na rin ako sa paglanghap ng inhaler para siguradong tatagos sa baga ko ang gamot.
Tanggap kong parte na ng buhay ko ang sakit na ito dahil namana ko raw sa aking ama. Kaya naman balewala lang sa akin noon ang mga problemang dala ng pagpasan ng sumpa sa baga.
Ngunit unti-unting naging simpleng alaala na lang ang pamemeste ng hika sa akin noong huminto ang pag-atake nito noong 2016.
Mas masakit pa nga ang maospital kaysa atakihin ng hika lalo na kung tatagain ka sa mahal at hindi abot-kayang singil sa serbisyong medikal.
Masaya kong ibinaon sa limot ang kasanayan sa paggamit ng nebulizer at inhaler. Pinakawalan na rin namin ang mga tagong reseta na nagiging tiket ko para sa paunang lunas. Higit sa lahat, estranghero na rin ako sa amoy at itsura ng ospital.
Hanggang sa pagpatak ng 2026 nang magbalik ang bangungot ko.
Dahil akala ko kuwento na lang ng nakaraan ang pakikipagpatintero ko sa hika, napilitan akong isugod sa ospital para lang maibsan ang hirap sa paghinga. Kinailangan kong lumanghap ng tatlong dosis ng gamot na pinadadaloy sa nebulizer at turok ng steroids para bumuti ang pakiramdam ko.
Pero may presyo ang ginhawa.
Pumalo sa P5,000 ang bayarin ko sa pribadong ospital. Hindi pa kasama rito ang higit sa P2,000 na ginastos ko para sa antibiotic para lang tuluyang mapalayas ang bakteryang bumabara sa baga ko.
Doon ko lang nabatid ang bigat ng magkasakit at maospital.
Dati, pinapasanng mga magulang ko ang lahat ng gastusin. Pero ngayon, ramdam ko na ang panghihinayang nang makaltasan ng malaking halaga sa isang iglap ang kakarampot kong allowance na dapat kong pagkasyahin sa isang buwan.
Mas masakit pa nga ang maospital kaysa atakihin ng hika lalo na kung tatagain ka sa mahal at hindi abot-kayang singil sa serbisyong medikal.
Hindi ko sana kailangang butasin pa lalo ang bulsa sa pribadong ospital kung maayos, kalidad, at pinaglalaanan ng sapat na pondo ng pamahalaan ang paglilingkod nito sa mamamayan.
Higit isang dekada na, pero napako pa rin sa atrasado at pribatisadong kalakaran ang ating serbisyong pangkalusugan.
Masaya nga sigurong balikan ang nakaraan kung sumusulong tayo patungong pag-asenso sa bawat pagpapalit ng taon. Masaya sana kung iniiwanan na ang kalakarang pinagkakakitaan pa ang sakit ng mamamayan.
Dapat hindi manatiling pangarap ang kinabukasan kung saan wala nang Pilipinong napipilitang dumaan sa butas ng karayom para lang sa makataong serbisyong pangkalusugan. #
Kuwento ka naman, bhie! Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.