Arroyo, hinamon na sagipin ang Kabalen na OFW
Nanawagan ang Migrante-Middle East kay Pangulong Arroyo na kumilos para sagipin ang buhay ng 30-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) na si Joseph (di tunay na pangalan), na hinatulan kamakailan ng korte ng Saudi Arabia ng parusang kamatayan dahil sa diumano’y pagpatay ng kanyang landlord na Sudanese noong nakaraang taon. Tubong Mexico sa Pampanga, probinsya […]
Nanawagan ang Migrante-Middle East kay Pangulong Arroyo na kumilos para sagipin ang buhay ng 30-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) na si Joseph (di tunay na pangalan), na hinatulan kamakailan ng korte ng Saudi Arabia ng parusang kamatayan dahil sa diumano’y pagpatay ng kanyang landlord na Sudanese noong nakaraang taon.
Tubong Mexico sa Pampanga, probinsya ni Arroyo, ang nasabing OFW.
Kamakailan, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpataw ng sentensiya kay Joseph. Umano’y makikipagpulong ang DFA sa pamilya ng biktima para hilingin ang pribadong pagsasaayos ng kaso.
Ayon din kay Vice Consul Roussel Reyes ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh, ginagawa ng embahada ang lahat ng mga karampatang hakbang para masagip ang buhay ni Joseph.
Biktima ng kapabayaan?
Pero ayon kay John Leonard Monterona, coordinator ng Migrante-ME, sa pahayag na ipinadala ngayong araw, hindi pa nakikipag-usap ang sinumang opisyal ng embahada kay Joseph matapos ang pagbaba ng hatol noong Abril 13.
“Tumawag siya sa akin (kahapon, bandang 2:40 pm, oras ng Saudi) mula sa kanyang selda sa Malaz Central Jail sa Riyadh. Iyak siya nang iyak. May pinapirmahan sa kanya ang mga opisyal na mga dokumento na nasa Arabic, umano’y para ito sa apela ng kanyang kaso,” sabi ni Monterona.
Pinayuhan ni Monterona si Joseph na huwag pumirma sa anumang dokumento nang wala sa presensiya ng mga opisyal ng embahada, para makumpirma kung para nga ba sa apela ng kanyang kaso ang pinipirmahang dokumento.
Binibigyan si Joseph ng Court of First Instance ng hanggang Mayo 1 lamang para iapela ang kanyang kaso.
Pinanindigan din ni Joseph, ayon kay Monterona, na mga interpreter lamang ang dumalo sa kanyang mga pagdinig. Taliwas ito sa pahayag ng DFA na nagpadala ito ng mga abogado para sa depensa ng OFW.
“Hinahamon namin ang embahada ng Riyadh na maglabas ng mga patunay na kumuha nga ito ng abogado para kay Joseph…Biktima si Joseph hindi lamang ng kanyang landlord kundi ng kriminal na kapabayaan ng embahada sa Riyadh na hindi inirehistro sa DFA ang pangangailangan niya para sa abogado,” sabi pa ni Monterano.
Sinabi pa umano ni Joseph na isang opisyal ng DFA-Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) ang nagsabi sa kanyang magkakaroon ng $10,000 na defense fund para sa kanyang kaso–pero matapos na ito ng hatol ng korte.
Malakas ang kaso
Nakakulong si Joseph simula noong Hunyo 2009, nang diumano’y aksidenteng mapatay ang kanyang amo habang binubugbog siya nito dahil sa kabiguang magbayad ng renta.
Nangibang-bansa si Joseph noong Oktubre 2008. Tumakas siya mula sa kanyang orihinal na amo nang dahil sa pagmamaltrato, at saka nagrenta ng kuwarto mula sa Sudanese na landlord.
Nang maganap ang insidente, agad humingi ang pamilya ni Joseph sa DFA-OUMWA ng kopya ng police report, pero wala umanong naibigay ang opisina ng ahensiya. Nagulat na lamang sila nang sabihan ni Joseph hinggil sa ibinabang hatol ng korte.
Iginigiit ng pamilya na malakas ang kaso ni Joseph dahil maraming mga testigo na makapagsasabing ginawa ang pagpaslang sa akto ng pagdedepensa ng sarili, ayon pa sa Migrante.
Sa talaan ng grupo, kasalukuyang may 28 OFW sa death row sa Gitnang Silangan, karamiha’y nahatulan sa ilalim ng gobyernong Arroyo.