Istorya ng Linggo

Hamon ng bayan kay Noynoy


Nananawagan ang iba’t ibang sektor ng bayan: Kagyat na tugunan ang mga problemang matagal na nilang pinagdurusahan.

Unang press conference ni Benigno "Noynoy" Aquino III bilang president-elect (Boy Bagwis)
Unang press conference ni Benigno “Noynoy” Aquino III bilang president-elect (Boy Bagwis)

Nangampanya siya sa plataporma ng “pagbabago” mula sa pangingibabaw ng isang kurakot at despotikong rehimen. Tumugon ang taumbayan, at inihalal ng mahigit 17 milyong Pilipino si Benigno “Noynoy” Aquino III.

Sa unang press conference niya matapos madeklara noong Hunyo 9, 2010 na nagwagi sa halalan, sinabi ni Aquino na wala siyang timetable sa pagtugon sa mga problemang kinakaharap ng lipunan. “Aaralin pa namin ang kalagayan,” ani Aquino.

Para sa iba’t ibang sektor ng mga mamamayan, matagal na nilang ipinananawagan ang pagtugon sa kalagayan ng bayan. Higit pa rito, matagal na silang nagdurusa, iniinda ang paghihirap at sinasalag ang pagsasamantala sa kanila ng iilang makapangyarihan.

Handa silang ilatag sa bagong administrasyon ang batayang mga isyung dapat tugunan. At handa rin silang ipagpatuloy ang pagiging kritiko, laluna sa mga pagkakataong muling magbibingi-bingihan ang pangulo sa hinaing ng mga mamamayan.

Manggagawa: Tuloy ang panawagan sa makatarungang sahod

Barya lang ang tingin ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa kaaaprubang P22 na dagdag sa minimum na sahod sa Metro Manila kaya patuloy nilang igigiit kay Aquino na isabatas ang P125 na dagdag-sahod across the board sa buong bansa.

“Matatag kami na ang panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod sa buong bansa ay dapat ituon sa gobyerno – sa Kongreso at sa presidente, sa partikular. Sa pamamagitan lang ng militanteng kampanya na nakatuon sa gobyerno makakamit ng mga manggagawa sa buong bansa ang P125 dagdag-sahod, ang kagyat na ginhawang karapat-dapat sa amin,” ayon sa grupo.

Isa lamang ito sa panawagan ng KMU sa papasok na gobyernong Aquino. Sa kabuuan, panawagan nilang baligtarin ang mapaminsalang patakaran ng nagdaang administrasyon, kabilang na ang patakarang “wage freeze,” kontraktuwalisasyon, at pagtanggal sa kapangyarihang Assumption of Jurisdiction ng kinatawan ng Department of Labor.

labor day 2010 kmu
Protesta noong Mayo Uno (Ilang-Ilang Quijano)

Kasama rin ang pagpaparusa kay Pangulong Arroyo sa marami at malubhang paglabag niya sa karapatan sa mga manggagawa at mamamayan tulad na lamang ng pamamaslang sa mga lider-obrero.

“Hindi lang dapat habulin ng isang Presidente Noynoy si Gloria (Arroyo) dahil sa mga kaso ng katiwalian. Dapat baligtarin din niya ang mga patakarang pang-ekonomiya na mapaminsala sa mga manggagawa at mga mamamayang Pilipino,” ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Magsasaka: Matagal nang hangad na reporma sa lupa

Sinadya pa ng mga magsasaka sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang tahanan ni Aquino sa Times Street para siguraduhing maririnig ng magiging pangulo ang kanilang panawagan – ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa sa kanyang panunungkulan.

“Alam namin na malay (si Aquino) na walang magaganap na pagbabago kung walang tunay na reporma sa lupa sa bansa. Hinahamon namin siya na lagpasan ang nagawa ng kanyang ina na ipinasa lamang ang huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP),” ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP.

Kabilang din sa panawagan nila na libreng ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka, wakasan ang pang-aagaw ng lupa, dislokasyon ng mga magsasaka at pagpapalit-gamit (land conversion) ng lupa. Igigiit din nilang mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao at pagpapalayas sa mga militar sa mga sakahan. Dapat din anilang protektahan ang lokal na agrikultura, magsasaka at kalikasan, relief at rehabilitasyon sa mga lugar ng kalamidad at iba pang isyung pangmagsasaka.

Paggunita sa masaker sa Hacienda Luisita (Soliman A. Santos)
Paggunita sa masaker sa Hacienda Luisita (Soliman A. Santos)

Nais din nilang pagtuunan ng pansin ni Aquino ang mga isyu sa Hacienda Luisita sa Tarlac, Hacienda Yulo sa Laguna, Hacienda Looc sa Batangas, ang mga lupain ng mga Araneta sa Bulacan, at sa banta ng administrasyon ng Central Mindanao University na palayasin ang mga magsasaka sa Bukidnon.

“Ginagawa namin ito dahil ipinangako ni Aquino na ipamamahagi niya ang Hacienda Luisita sa loob ng limang taon. Kung tapat siya sa pagpapatupad ng makabuluhang pagbabago, dapat agad niyang trabahuin ang pamamahagi ng lupa,” ani Ramos.  Si Aquino ay kabilang sa angkan ng mga Cojuangco na may-ari ng naturang asyenda.

OFW: Simulan na ang pagtulong sa tinaguriang ‘bagong bayani’

Hindi madaling makakalimutan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang pandarambong ni Arroyo sa pondong kanilang pinaghirapan at dapat sana’y ginamit sa kanilang pagkalinga. Kaya hiling ng Migrante International kay Aquino, dapat mapanagot si Arroyo sa mga kaso ng korupsiyon na sila ang pangunahing apektado: ang P530-Milyon mula sa Medicare Fund ng Overseas Workers Welfare Administration na inilipat sa Philhealth at umano’y ginamit sa kampanya noong 2004, at ang hindi na-audit na $293,500 ng Middle East Preparedness Team noong giyera ng US at Iraq—para sana ito sa pagpapauwi ng mga OFW doon, pero umano’y hindi ginawa ng gobyerno.

“Patunayan niya ang kanyang ipinagmamalaking pagtahak sa ‘daang matuwid’ sa pamamagitan ng pagpanagot kay Arroyo sa mga ninakaw nitong pondo ng mga OFW. Nasagip sana ng pondong iyon ang daan-libong OFW na in distress at humihingi ng tulong,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Panawagan sa OWWA ng mga migranteng Pinoy (Ilang-Ilang Quijano)
Panawagan sa OWWA ng mga migranteng Pinoy (Ilang-Ilang Quijano)

Nababahala rin ang grupo sa kawalan ng rekord ni Aquino sa pagtaguyod ng interes ng mga migranteng Pilipino. Kaya hinamon ng grupo ang susunod na pangulo na ngayon pa lamang, tumulong na sa pagpapauwi ng inabusong mga OFW.

Isang “10-Puntong Adyenda” ang kanilang inihapag kay Noynoy. Ilan lamang sa mga saklaw nito ang pagpaparusa sa nagpabayang mga opisyal ng embahada sa ibang bansa; pagbigay ng direktang tulong sa mga OFW, kabilang ang nasa death row; pagpasok sa bilateral na mga kasunduan batay sa international labor standards; pagtanggal ng mga bayarin na ipinapataw ng gobyerno sa mga OFW; at pagbasura sa OWWA Omnibus Policy at iba pang ‘kontra-migrante’ na batas at polisiya.

Kawani ng gobyerno: ‘Di masaya sa suweldo, walang kasiguruhan sa trabaho

Bagaman ipinasa ng Kongreso noong 2009 ang Salary Standardization Law 3, hindi pa rin masaya ang mga kawani ng gobyerno. Ang matagal kasi nilang ipinaglaban na P3,000 na dagdag-suweldo kada buwan, aabot ng apat na taon bago maibigay sa ilalim ng SSL 3. Para sa grupong Courage (Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees), dapat ibigay ni Aquino sa isang bagsakan ang kagyat nilang pangangailangan—ang nasa pinakamababang sangay ng gobyerno, halimbawa, naghihikahos sa suweldong P6,149 kada buwan.

Ayon pa sa Courage, isang tinik na dapat mabunot mula sa kanilang lalamunan ang Executive Order 366 ni Arroyo, na nagbalangkas sa isang rationalization program kung saan marami na ang nawalan ng trabaho. Umano’y nakaambang matanggal sa puwesto ang daan-daan libo pang iba kung itutuloy ang programa. “Dapat ipasawalang-bisa ito ng bagong administrasyon,” sabi ni Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage.

Gayundin, hindi umano dapat palampasin ni Aquino ang pagkakataon para sibakin sa wakas sa puwesto si Winston Garcia, general manager ng Government Service Insurance System (GSIS). Kilala si Garcia na mahigpit na alyado ni Arroyo at nanatili sa puwesto sa kabila ng patung-patong na kaso ng korupsiyon na nagdulot ng pagkatuyot ng pondo ng mga kawani ng gobyerno, sa puntong halos wala na silang natatanggap na serbisyo.

Kabataan: Dapat, prayoridad sa edukasyon

Piket ng mga kabataang estudyante sa Davao City (Karlos Manlupig)
Piket ng mga kabataang estudyante sa Davao City (Karlos Manlupig)

Kamakailan, inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang petisyon ng 339 pamantasan, kabilang dito ang 337 pribado at 2 pampublikong paaralan, na magtaas ng matrikula at iba pang bayarin. Sa pagpasok ng rehimeng Aquino, determinado ang militanteng mga grupo ng kabataan na harangin ang mga pagtaaas ng matrikula.

“Malaki ang inaasahan ng kabataan kay President-elect Noynoy Aquino na noong kampanya  ay nangakong isasama ang edukasyon sa mga prayoridad kapag mauupo sa puwesto,” sabi ni Kabataan Rep. Raymond Palatino. “[S]inabi din niya sa bisperas ng kanyang proklamasyon na inaasahan niyang mas magiging akbito ang kabataan para sa panlipunang pagbabago.”

Sa kongkreto, nais ng Kabataan na tugunan ni Aquino ang mga sumusunod: (1) Pagtaas ng alokasyon ng gobyerno sa edukasyon hanggang anim na porsiyento ng Gross Domestic Product ng bansa; (2) Magpatupad ng tatlong taong moratoryo sa pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa lahat ng antas; (3) Pagtaguyod ng makabyang kurikulum; (4) Pagtanggol sa demokratikong karapatan ng mga estudyante;

(5) Pagpapaunlad sa kalagayan ng mga guro; (6) Pagpapaunlad sa siyensiya, pananaliksik at kaunlaran sa teknolohiya; (7) Pagpatuyod ng transparency at pagpaparusa sa mga maysala sa mga kaso ng korupsiyon sa mga programa at kontrata sa edukasyon; (8) Pagrepaso sa mga polisiya at institusyong pang-edukasyon.

Karapatang pantao at usapang pangkapayapaan: Pananagutan, pagwakas sa panunupil

Isa sa pinakatampok na isyu laban kay Pang. Arroyo ang malaganap na paglabag sa karapatang pantao, partikular sa mga grupo at indibidwal na lumalaban sa gobyerno. Mahigit 200 katao ang sapilitang dinukot at di alam ang kinalalagyan hanggang ngayon, samantalang aabot sa isanlibong aktibista at kritiko ng rehimen ang pinaslang. Ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao, pati na sa independiyenteng mga imbestigador sa loob at labas ng bansa, tanging Armed Forces of the Philippines sa pangunguna ni Arroyo lamang ang nag-utos sa mga paglabag na ito.

Ayon kay Lovella de Castro, pangkalahatang kalihim ng Karapatan (Alliance for the Advancement of People’s Rights), nais nilang makitang panagutin ni Pangulong Aquino ang nagdaang rehimen. “Nananawagan kami ng isang independent fact-finding body na mag-iimbestiga sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao at uusig sa mga heneral (ng AFP),” ani de Castro.

43 doktor at health worker, kabilang sa mga bilanggong pultikal ng gobyernong Arroyo (Soliman A. Santos)
43 doktor at health worker, kabilang sa mga bilanggong pultikal ng gobyernong Arroyo (Soliman A. Santos)

Marami rin ang ipiniit sa panahon ni Arroyo dahil sa paglaban nila sa pamahalaan. Nanawagan si de Castro na palayain ng bagong gobyerno ang 21 political prisoners na ipinangakong palalayain ni Arroyo pero hindi niya pinalaya. “Saka yung political prisoners na dapat palayain for humanitarian reasons,” aniya. Kasama rito si Jovencio Balweg, na inoperahan na ng heart bypass surgery habang nasa bilangguan, at ang may-edad at sakitin nang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Angie Ipong.

Higit dito, ipinapanawagan ng mga grupong pangkarapatang pantao na ipagpatuloy ni Aquino ang usapang pangkapayapaan sa NDFP at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ani de Castro, kailangang tugunan ni Aquino ang pag-aalsa ng dalawang rebolusyonaryong grupo sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan, hindi ng marahas na programang kontra-insurhensiya tulad ng Oplan Bantay Laya ni Arroyo.

Kinatigan ng mismong NDFP at MILF ang pagpapatuloy ng usapan. “Dalawa lang naman ang options ng gobyerno: either giyerahin kami o idaan sa peace process. I hope na talagang tatahakin ni Noynoy ang negotiation track,” sabi ni Mohagher Iqbal, punong negosyador ng MILF. Sinabi naman ni Luis Jalandoni, punong negosyador ng NDFP, kailangang ipagpatuloy ng administrasyong Aquino ang mahahalagang adyendang dati nang naitakda sa negosasyon ng gobyerno sa NDFP.

Handa umano ang NDFP na ipagpatuloy ang porman na usapan batay sa The Hague Joint Declaration of 1992 na nilagdaan ng dalawang panig, gayundin ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig) of 1995 at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl), at iba pa.

“Komited kaming tugunan ang ugat ng armadong tunggalian sa pamamagitan ng pundamental na pang-ekonomiya, panlipunan at pampulitikang mga reporma (sa gobyerno),” paliwanag ni Jalandoni.

Maralitang tagalungsod: Trabaho at pabahay

“Ang lahat ng problema sa kahirapan ay nagsisimula sa kawalan ng trabaho.” Ito ang pahayag ni Carlito Badion, pangalawang tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Tinatayang may 20 milyong maralitang lungsod sa buong bansa na karamiha’y walang tiyak na tahanan at trabaho, at bahagi ng tinatawag na ‘impormal’ na sektor ng lipunan.

Pinalalayas na maralita sa Quezon City (Owen Berico)
Pinalalayas na maralita sa Quezon City (Owen Berico)

Ayon sa grupo ng mga maralitang lungsod, sa halip na pansamantalang ‘emergency employment’, dapat paunlarin ni Aquino ang Small and Medium Enterprises (maliliit at katamtamang-laking negosyo) tungo sa lehitimong mga industriya na lilikha ng mga trabaho na may disenteng sahod.

Nais din nilang ibalik sa P18.25 kada kilo ang presyo ng bigas ng National Food Authority, ibasura ang Value-Added Tax, at ibasura ang Oil Deregulation Law para maampat ang walang-kontrol na pagsirit sa presyo ng langis.

Kababaihan: Reproductive Health Bill, serbisyong sosyal

Kung kahirapan ang pag-uusapan, isa pa rin sa pinakaapektadong sektor ang kababaihan. Ayon sa pag-aaral ng Center for Women’s Resources, 47 porsiyento ng kababaihan ang isa o dalawang beses isang araw na lamang kumakain, habang 78 porsiyento ang kumukuha ng dagdag na trabaho gaya ng pagtitinda at paglalaba para lumaki ang kita.

Kontraktuwal ang karamihan ng kababaihang manggagawa. Kaya ang panawagan ng grupong Gabriela, dapat siguruhin ng gobyerno ang kanilang regularisasyon, lalo at nagiging bulnerable sila sa pang-aabusong seksuwal sa loob ng pabrika.

Itinutulak din ng grupo ang pagsasabatas ng Reproductive Health Bill, na nabigong ipasa noong ika-14 na Kongreso. “Noong una, sinuportahan ni Noynoy ang batas na ito. Pero nang magsalita ang Simbahang Katolika na magkakampanya sila laban dito, tumahimik na siya. Siguro ayaw niyang mawala ang suporta ng simabahan sa kanya. Hinahamon namin siyang gumawa ng malinaw na posisyon hinggil dito,” sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Isang bagong bersiyon ng Reproductive Health Bill ang kanilang ihahain—yaong hindi lamang dinidiinan ang pagkontrol sa populasyon, kundi ang pagpapalakas ng serbisyong kalusugan at impormasyon hinggil sa reproductive health na ibinibigay ng gobyerno sa kababaihan.

Lumalabas na pinakamaliit ang inilaan ng gobyernong Arroyo para sa badyet pangkalusugan sa nagdaang apat na administrasyon: 1.8 porsiyento lamang ito ng pambansang badyet. May 38 porsiyento ng populasyon din lamang ang saklaw ng Philippine Health Insurance Corporation.

Ipinanawagan din ng Gabriela ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA), kasunduang militar sa pagitan ng gobyernong Pilipinas at US na umano’y nagbubukas sa mga Pilipina sa bulnerabilidad ng pagsasamantala ng mga tropang Kano, gaya ng nangyari sa Pilipinang si ‘Nicole.’

Ipinangako noon ni Aquino na rerepasuhin ang VFA.

Ulat nina Kenneth Roland A. Guda, Ilang-Ilang Quijano, Soliman A. Santos, at Darius R. Galang