Pananatili ni Romulo sa DFA umani ng kritisismo


Hindi karapat-dapat na manatili bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Alberto Romulo na napatunayan ng kanyang track record na “inuuna ang interes ng Estados Unidos kaysa interes ng bansa,” ayon sa isang eksperto sa foreign policy. Binatikos ng Junk VFA Movement ang desisyon ni President-elect Benigno “Noynoy” Aquino III na panatilihin sa […]

Hindi karapat-dapat na manatili bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Alberto Romulo na napatunayan ng kanyang track record na “inuuna ang interes ng Estados Unidos kaysa interes ng bansa,” ayon sa isang eksperto sa foreign policy.

Binatikos ng Junk VFA Movement ang desisyon ni President-elect Benigno “Noynoy” Aquino III na panatilihin sa DFA si Romulo.

Noong Setyembre 2009, si Romulo, na nagsilbi ring executive secretary at kalihim ng Department of Finance, ang unang opisyal ng administrasyong Arroyo na sumuporta sa kandidatura ni Aquino.

“Just because Romulo switches camp at the last minute doesn’t mean he deserves appointment after serving one of the most hated and corrupt presidents,” sabi ni Roland Simbulan, convenor ng Junk VFA Movement.

Ayon pa kay Simbulan, isang kilalang eksperto sa foreign policy, naging sunud-sunuran si Romulo sa mga kagustuhan ng gobyernong US, dahilan kung bakit nais ng huli na manatili siya sa puwesto.

Noong 1991, isa si Romulo sa mga senador na bumoto pabor sa pananatili ng mga baseng US sa Zambales at Pampanga, sa kabila ng malawak na oposisyon.

Si Romulo rin ang isa sa mga opisyal ng gobyerno na dumepensa sa Visiting Forces Agreement (VFA), na niratipika ng Senado noong 1999.

Bilang kalihim ng DFA, naging kontrobersiyal naman si Romulo dahil sa pagpayag kay Lance Cpl. Daniel Smith, hinatulan ng korte na gumahasa sa isang Pilipina, na malipat mula sa Makati City Jail patungo sa US embassy, sa pamamagitan ng “ilegal” na pakikipagkasundo kay dating US Ambassador Kristie Kenney.

“Obviously, the US wants him retained because of his subservient and docile track record of protecting US interests,” ani Simbulan.

Iginiit ni Simbulan at ng Junk VFA Movement na kaiba sa ipinamalas ni Romulo, dapat marunong manindigan para sa interes ng bayan ang isang foreign affairs secretary.

Umano’y ang kalihim ng DFA ang dapat nagpapayo sa pangulo na itaguyod ang konstitusyon at isang nagsasariling foreign policy na nagsusulong sa pang-ekonomiya, pampulitika, at panseguridad na interes ng bansa.