E-passport: Anomalyang ngayon pinagbabayaran
Tulad ng pagkalimot ni Pang. Noynoy Aquino na banggitin man lang ang mga OFW sa kanyang State of the Nation Address, tila kinalimutan din ang maanomalyang e-passport ng DFA. Kung sabagay, ang tagapanguna kasi ng maanomalyang proyektong ito ay ang isa sa unang itinalaga ni PNoy na na miyembro ng kanyang gabinete — si DFA Sec. Alberto Romulo.

Bago umuwi ng Pilipinas si Siony Tarzar, isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Taiwan, sinubukan niyang ipa-renew ang kanyang pasaporte na malapit nang mag-expire. Umatras siya nang malamang nagkakahalaga ito ng NTD 2,000 (katumbas ng halos P2,800). Payo sa kanya ng mga grupong migrante, sa Pilipinas na lamang siya magpa-renew ng pasaporte nang sa gayon ay makamura.
Pagdating sa bansa, nalaman ni Siony na iba na ang sistema sa pagpapa-renew ng pasaporte, na ngayo’y tinatawag na e-passport dahil sa ilang modernisadong katangian. Dati-rati, pumipila siya sa Department of Foreign Affairs (DFA), sinasagutan ang application form, nagbabayad, at saka maghihintay ng hindi lalampas ng 15 araw bago makuha ang pasaporte. Ngayon, kailangang magpa-iskedyul muna ng appointment sa website ng DFA, ipa-print ang application form, at saka pa lamang makakapunta sa petsa at oras ng appointment.
Kadalasan, ayon sa karanasan ng mga nakakuha na ng e-passport, matatagal ang petsa ng appointment na ibinibigay ng DFA—umaabot ng dalawang buwan o higit pa ang paghihintay. May mga ulat din na hindi naibibigay ang e-passport sa loob ng 10 hanggang 20 araw gaya ng ipinapangako ng DFA.
“’Yung sa kapatid ko, dalawang buwan bago nai-release. Napakataas na ng singil, napakabagal pa ng proseso,” ani Siony sa panayam ng Pinoy Weekly. Nagkakahalagang P950 (ordinary) hanggang P1,250 (rush) ang e-passport, mas mataas sa dating P550 hanggang P750.

Dagsa ang reklamo
Nagsisimula nang dumagsa mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang mga reklamo ng mga OFW laban sa matataas na singil sa e-passport na ipinatupad ngayong taon, ayon sa grupong Migrante International.
Ayon sa DFA, nasa uniform rate na USD 50 (katumbas ng halos P2,250) ang singil sa pag-aplay ng e-passport mula sa ibang bansa. Pero kung pagbabatayan ang mga ulat na nakalap ng Migrante mula sa iba’t ibang tsapter nito, lumalabas na higit pa rito ang sinisingil sa mga migranteng Pilipino. Sa Estados Unidos, halimbawa, umaabot ito ng USD 135 o katumbas ng halos P6,075.
| Bansa | Petsang ipinatupad | Singil sa machine-readable passport | Singil sa e-passport |
| Pilipinas | 2010 | P550 – P750 | P950 – P1,200 |
| Kingdom of Saudi Arabia | Hunyo 2010 | Saudi Riyal 200
(halos P2,400) |
SR 240
(halos P2,800) |
| Estados Unidos | Hulyo 2010 | US Dollar 100
(halos P4,500) |
USD 135
(halos P6,075) |
| Hong Kong | Hulyo 2010 | 36 pounds
(halos P2,500) |
43 pounds
(halos P3,000) |
| Australia | Hulyo 2010 | Australian Dollar 90
(halos P3,700) |
AUD 124
(halos P,5000) |
| Taiwan | Hunyo 2010 | New Taiwan Dollar 1,900
(halos P2,260) |
NTD 2,000
(halos P2,800) |