Migrante

Ilegal na pagbebenta ng visa, lumalala


Araw-araw, may tatlo hanggang limang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Gitnang Silangan ang nabibiktima ng ilegal na pagbebenta ng visa, ayon sa grupong Migrante-Middle East. Batay sa rekord ng mga kasong naitala ng grupo mula Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon, lumalabas na lumalala ang matagal nang problema ng “visa trading.” Nagaganap ang visa trading kapag […]

Araw-araw, may tatlo hanggang limang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Gitnang Silangan ang nabibiktima ng ilegal na pagbebenta ng visa, ayon sa grupong Migrante-Middle East.

Batay sa rekord ng mga kasong naitala ng grupo mula Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon, lumalabas na lumalala ang matagal nang problema ng “visa trading.”

Nagaganap ang visa trading kapag mag-iisyu ng visa ang isponsor—kadalasan, ang employer ng OFW—at kakanselahin din ang visa na ito isa o dalawang buwan pagkarating ng narekrut na manggagawa. Idinedeklara ng isponsor na runaway ang OFW, kakanselahin ang visa, at saka ito ibebenta sa bagong rekrut.

“Naiiwan ang OFW na walang isponsor, at nagiging ilegal ang katayuan niya bilang manggagawa,” sabi ni John Leonard Monterona, coordinator ng Migrante-ME.

Ibinigay ni Monterona na halimbawa ang kaso ng OFW na si Rauna (di tunay na pangalan), na dumating sa Riyadh tatlong buwan na ang nakakaraan, at nagtatrabaho bilang domestic helper.

“Sinasabihan siya ng kanyang employer na tumakas, kung hindi ay iiwan daw siya sa gitna ng disyerto. Ilang araw lamang pagkaalis ni Rauna sa bahay ng employer, nalaman niyang kinasuhan na siya ng absconding sa korte ng Saudi Arabia, at kinansela na ang kanyang visa,” aniya.

Nanawagan ang grupo na imbestigahan ng administrasyong Aquino at kaugnay na mga ahensiya gaya ng Philippine Overseas Employment Administration at Department of Labor and Employment ang seryosong isyu ng labor malpractice na bumibiktima sa mga OFW.