Kasaysayan ng diborsiyo sa Pilipinas


Sinumang nagsasabing hindi bahagi ng kultura ng bansa ang diborsiyo ay kailangang mag-aral ng kasaysayan ng Pilipinas.

Mga Muslim sa Pilipinas: Ilan lamang sa mga Pilipinong may kultura ng diborsiyo. (PW File Photo)
Mga Muslim sa Pilipinas: Ilan lamang sa mga Pilipinong may kultura ng diborsiyo. (PW File Photo)

Pilipinas ang isa sa dalawang bansa na wala pang batas hinggil sa diborsiyo, kasama ang Malta.  Maging ang Italy na kung saan matatagpuan ang  sentro ng Katolisismo na Vatican, ay mayroong batas para rito.

Sinumang nagsasabing hindi bahagi ng kultura ng bansa ang diborsiyo ay kailangang mag-aral ng kasaysayan ng Pilipinas.

Laganap sa tribung Pilipino ang diborsiyo. Isinasapraktika ito ng mga Tagbanwa, Gaddang, Igorot maging ng mga Manobo at Muslim sa Kabisayaan at isla ng Mindanao. Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano noong 1917, isinabatas ang Act. No. 2710 na naglelegalisa sa diborsiyo. Moong panahon ng pananakop ng Hapon, ipinatupad ang  Executive Order 141 na tumagal hanggang sa 1950.

Noong panahong ito, si Arturo Tolentino, na naging senador at alyado ni Pang. Ferdinand Marcos, sa mga nabiyayaan ng mga batas hinggil sa diborsiyo sa Pilipinas.

Sa ilalim lamang ng New Civil Code noong Agosto 30, 1950 ipinagbawal ang diborsiyo. Sa halip, pinayagan na lamang ang legal separation sa panahong ito. Sa Family Code unang ipinakilala ang konsepto ng psychological incapacity na batayan sa pagwawalang-bisa ng isang kasal.

Ngunit bilang pagkilala sa kasaysayan ng diborsiyo sa Pilipinas, hindi ipinagbawal ng mga bumuo sa Konstitusyong 1987 ang pagkakaroon ng batas hinggil sa diborsiyo. Hinayaan na lamang nila sa Kongreso na siyang magpasya sa paglelegalisa ng diborsiyo.

Ngunit sa sunud-sunod na mga Kongreso na dominado ng kalalakihang tila ayaw iwan ng kanilang mga asawa, walang batas sa diborsiyo na napapatupad.

Sa halip na diborsiyo, mayroon lamang mga opsiyon na maaaring pagdaanan ang mag-asawang nagnanais maghiwalay.

Nariyan ang annulment at declaration of nullity of marriage. Sa ilalim ng prosesong ito, ang korte ang magpapasya na ang kasal ay depektibo at hindi dapat naganap sa simula pa lamang.

Ang mga batayan sa ilalim ng prosesong ito ay:

(1)   Kung ang isa sa magkapareha ay menor de edad at ang pagpapakasal ay walang pahintulot mula sa mga magulang;

(2)   Ginamitan ng panlinlang o panloloko tulad ng mga sirkumtansiyang ang isa ay may sexual transmitted disease;

(3)   Pagkakaroon ng anak sa labas ng kasal ang isa sa mag-asawa,

(4)   Ang isa ay napatunayang may sala sa batas;

(5)   Lesbiyana o bakla ang isa, at kung nalulong sa droga ang isa sa mag-asawa.

Sa loob ng prosesong ito, kailangang patunayan ang mga batayang ito ay nangyari bago pa man ikasal ang magkapareha. Puwede ring maging batayan ang pagiging inutil, baliw o psychological incapacity ng isa sa magkapareha. Ngunit hindi nito sinasaklaw ang panahon at mga pangyayari matapos ang kasal o habang ang dalawa ay nagsasama.

Sa prosesong ito, maaaring itakda ang kasal ay invalid o walang naganap na kasal sa simula pa lamang.  Ang resulta nito ay pagiging illegitimate ng mga anak.

Maging ang simbahang Katoliko ay dumidinig din ng kasong annulment, ngunit maaaring hindi kilalanin ng bawat isa ang kani-kanilang mga desisyon.

Ang legal separation naman ay prosesong pinapayagan ng korte na pisikal na maghiwalay ang mag-asawa ngunit hindi nilulusaw ang kasal. Ibig sabihin, legal ang kanilang paghihiwalay. Pero  sinuman sa magkapareha ay hindi maaaring mag-asawang muli ng iba. Ang mga batayan ng paghingi ng legal separation ay katulad din sa annulment.

Ang kadalasang pinapatunayan ng sinumang nagnanais mapawalang-saysay ang kasal ay ang psychological incapacity ng isa sa magkapareha, maging ang nagsampa ng kaso. Nagiging sanhi ito ng pagtagal ng kaso, dahil sa wala sa magkapareha ang umaamin na sila ang may diperensiya.

Bukod dito, lubhang napakalaki ng gastusin sa prosesong ito maging sa legal separation. Sa tantiya ng ilang abogado, aabot sa halagang P300,000 ang kinakailangan ng sinuman upang makapagsampa ng kaso. Kasama na rito ang bayad sa korte, abogado at psychologist para sa psychological evaluation.