Pagpapalakas sa kontrol ng mga kapitalistang bansa sa buong mundo


Muling magpupulong ang mga malalaki at mayayamang bansa ng buong mundo. Diumano, sila ang lulutas sa lumalalang pandaigdigang krisis. Subalit ang mga mag-uusap, mga bansa at negosyanteng matagal na umanong nagpapahirap sa mga mamamayan ng mundo.

Paul Quintos ng Eiler: Lalong pagsasamantala sa mga mamamayan ng mundo ang inaasahang pag-uusapan sa susunod na G20 Summit. (Macky Macaspac)
Paul Quintos ng Eiler: Lalong pagsasamantala sa mga mamamayan ng mundo ang inaasahang pag-uusapan sa susunod na G20 Summit. (Macky Macaspac)

Magtitipon ang 20 sa pinakamayayamang bansa para raw pag-usapan ang mga suliranin ng mundo. Pero ayon sa mga kritiko, bahagi ang mga bansang ito ng pinoproblema ng mundo.

Gaganapin sa ika-siyam hanggang 11 ng Nobyembre sa Seoul, South Korea ang pulong ng mga mayayamang bansa. Tinaguriang G20 Summit ang pagpupulong na dadaluhan  ng mga pinuno ng mga bansang kasapi dito. Inaasahang dadalo sa pulong ang pangulo ng Estados Unidos na si Barack Obama. Ilan sa mga kasapi ng G20 ang mga bansang  Estados Unidos, Germany, Italy, United Kingdom, Japan at Italy. Mga bansang  bumubuo sa dating G7, at G8 kasama ang Australia.

Bukod sa walong mayayamang bansa, kasapi din sa naturang grupo ang mga bansang China, India at South Korea. At upang magmukhang malawak at “well-represented” ang kapulungan, isinama sa grupo ang mga bansang tinatawag na “new emerging economies,” o mga bansang mabilis ang pag-unlad sa larangan ng ekonomiya. Ito ang mga bansang  Brazil, Mexico, Argentina, Indonesia, Saudi Arabia, Turkey, South Africa at European Union.

Maliban sa mga ito, umuupo din ang Spain bilang permanent guest at ibinukas din nila ang pulong para sa special guest status, na sa ngayo’y kinakatawan ng bansang Singapore.

Sa isang porum na ginanap kamakailan, ipinaliwanag ni Paul Quintos, international policy officer ng Ibon Foundation, na isang pangunahing porum ang G20 para sa internasyunal na ekonomikong kooperasyon sa hanay ng mga mahahalagang industriyalisado at umuunlad na mga ekonomiya. Layunin din diumano ng G20 ang pagtataguyod ng bukas at konstruktibong talakayan sa pagitan ng mga industriyalisado at emerging market countries hinggil sa mga pangunahing isyu na may kaugnayan sa matatag na pandaigdigang ekonomiya.

“Kinakatawan daw ng mga bansang ito ang 2/3 ng ekonomiya ng buong bansa, dahil sila daw ang kumakatawan sa  65.5 porsiyento ng pandaigdigang populasyon, 90 porsiyento ng pandaigdigang gross domestic product at 80 porsyento ng  pandaigdigang kalakalan,” aniya.

Inilinaw din ni Quintos na bilang bahagi diumano ng pagpapalakas sa internasyunal na pananalapi ay pagbibigay opurtunidad sa mga dayalogo hinggil sa mga pambansang patakaran, kooperasyong internasyunal at internasyunal na institusyon sa pananalapi. Tumutulong daw ang G20 umano sa pagpapalago at pag-unlad sa buong mundo. “Dahil sa self-designated role ng mga bansang ito, sila daw ang karapatdapat na magtalakay sa mga patakaran sa buong daigdig,” ani Quintos.

Paglutas sa krisis?

Mula nang pumutok ang pampinansiyang krisis sa Asya noong 1997, nagkaroon ng isang  caucus ang mga finance minister at central bankers. Kanilang binuo noong 1999 ang G20, upang diumano’y di na maulit at mapigilan ang krisis sa pananalapi tulad sa nangyari noong 1997.

“Pero hindi nito natugunan ang pangunahing tungkulin nito, dahil sa malalim na dahilan ng krisis pampinansiya,” paliwanag ni Quintos.

Inilinaw din ni Quintos na sa kabila ng pagkakabuo ng G20 at pagbibigay ayuda o bail-out sa mga pangunahing bangko, muling naulit ang krisis sa pinansya noong 2008. Ayon sa mga bansang ito, G20 pa rin ang makakalutas sa krisis na nagaganap kahit hanggang sa kasalukuyan at sila pa rin ang magtatakda  ng mga ekonomikong patakaran sa daigdig.  Idinagdag din ni Quintos na noong 2008, itinakda ng mga bansang ito na hindi na lamang finance ministers at central bankers ang mag-uusap.
“Isinama na din dito ang leaders o heads of states ng mga bansang kasapi sa G20,” ani Quintos.

Mula noon, naglunsad na ang G20 ng ng apat na summit, ang pinakahuli ang summit na ginanap sa Toronto, Canada noong Hunyo 2010.  Diumano, ginastusan ang G20 Summit sa Toronto ng aabot sa $1 Bilyon para lamang sa seguridad ng mga delegado. Ito rin ang pinakamalaking pag-aresto at pagbuwag sa mga demonstrador sa kasaysayan ng Canada.

Di-pormal na kalipunan

Sa kabila ng self designated role ng G20, hindi ito pormal na organisasyon tulad ng United Nations, kung saan halos lahat ng bansa ay kasapi at delegado nito. Ang anumang mapagkakaisahan sa pulong ng mga ito ay non-binding. Bukod dito, wala ring batas o statutes, headquarters at wala ring permanenteng secretariat ang G20 tulad ng UN.

Ayon kay Quintos,umiikot ang pagkapangulo ng G20 sa sinumang host country at mayroon silang tinatawag na “troika” (past, present, at future host)., “mayroong sistemang troika silang sinusunod, kung sino ang host country ’yun ang tatayong presidente. Sila ang steering committee, sila rin ang magtatakada kung ano ang adyenda ng summit at kung sino ang secretariat,” paliwanag ni Quintos.