Jailhouse Blog

WELCOME VISITORS v.2


Tulungan n’yo ako. Kanina pa ako maya’t mayang napapatitig sa pader sa kaliwa ko at sa kung ano ang nakasulat dito. “WELCOME VISITORS MERRY CHRISTMASS AND HAPPY NEW YEAR BSL22 HAPPY ANNIVERSARY,” sabi ng pader. Bawal pumasok sa selda ang mga bisita kaya’t palaisipan kung bakit may WELCOME VISITORS. Pero hindi ito ang problema ko. Seryoso, tulungan n’yo ako – tama ba ang ispeling na CHRISTMASS?

Tulungan n’yo ako. Kanina pa ako maya’t mayang napapatitig sa pader sa kaliwa ko at sa kung ano ang nakasulat dito. “WELCOME VISITORS MERRY CHRISTMASS AND HAPPY NEW YEAR BSL22 HAPPY ANNIVERSARY,” sabi ng pader. Bawal pumasok sa selda ang mga bisita kaya’t palaisipan kung bakit may WELCOME VISITORS. Pero hindi ito ang problema ko. Seryoso, tulungan n’yo ako – tama ba ang ispeling na CHRISTMASS?

Totoo ito. Sa likod ng taguring manunulat at editor, sa ispeling ay maikakategorya akong balago-ong. Bukod sa palagay ko’y mas mababa pa sa abereyds na aptityud sa pagbaybay, pana-panahon din akong dinadalaw, sinusumpong hanggang ngayon ng tinatawag kong lexical cognition dysfunction. Sa maniwala kayo’t sa hindi, nasa kolehiyo na ako’y marami pa ring beses na isinusulat ko ang PHILIPINES, itinatapat sa PHILIPPINES, at may kung ilang minutong pagdedesisyunan kung alin ang tama. Wala pa akong ekspertong sinangguni tungkol sa problemang ito (na maaaring isang kasong neurological), pero may hinala akong may kinalaman din ito sa aking napaka-imposibleng learning curve sa gitara at iba pang instrumento (na nito lamang ay s’ya na ngang isinapubliko nina Kasamang Renato Reyes at Propesora Sarah Raymundo). May kaugnayan din ito marahil sa aking first notes syndrome (pansinin ang pagtanggi sa paggamit ng terminong tone deafness) o ang kahirapan sa pagsapul sa unang ilang nota ng kanta. (Pero ibang istorya pa ito na ang isang highlight ay nangyari noong 1996 sa UP Theater, kung saan pinanindigan ko ang ngiwi-sa-tonong entrada sa kantang “Manindigan” sa pamamagitan ng ispontanyong pagtransporma sa unang berso bilang isang rap intro).

Kaya tulong – CHRISTMASS ba o CHRISTMAS?

Matagal kong itinago ang bagay na ito. Maging ang asawa ko ay nito lamang isang taon ito nadiskubre sa isang nakakapikong tagpo. Naglalaro kami noon ng computer game na Bookworm Adventures at gaano pa kadiin ang kagat ko sa labi para lamang makapagkonsentra, bigo pa rin ako sa paghabol sa iskor niya. Kilala n’yo ang asawa ko – sabi niya, “Hay naku, andaming alam na words, di naman pala kayang i-spell.” Masakit.

Isang beses (unang taon ko siguro ito sa UP, ikalawang semestre), ako ang pinadala ng aming klase sa History II sa isang Asian quiz na inisponsor ng UP Likas kasabay ng taunang Asian Fest. Nakaabot ako sa finals, pero lubha at tuluyan nang nadisoryenta at nadiskaril bunsod ng isang sagot ko na tama naman sana pero medyo ganito ang baybay: JAWAHARHAR NERU. “Gibberish,” narinig kong pakli ng isang seryosong hurado nang papahupa na ang ilang saglit na tawanan mula sa awdyens.

Mas mabait si Dr. Bien Lumbera kaysa sa nasabing hurado o sa asawa ko. Habang ipinipresenta ko sa isang miting ng kabubuo pa lang muli noong Concerned Artists of the Philippines ang isang borador na sanaysay tungkol sa SOCA (State of Culture and the Arts) sa panahon ni Estrada, nagtaas ng kamay si Sir Bien: “I think your prose is beautiful,” sabi niya, “but, hijo, it’s not literary fair but F-A-R-E.”

“Tsk, tsk,” sabi ko, “andami pa palang typo.”

Pero sa draft ng isang ipinasa kong theater review para sa Manila Times, paano maisasalba ng typo excuse ang ganitong pagkakasala: PRE-MADONNA?! Sa loob-loob siguro ni Eric Ramos, “Ano ‘to, the era before Madonna? Sino ‘to sina Olivia Newton-John, Laura Branigan?” Naging assistant editor ako ni tukayo sa entertainment section ng nasabing dyaryo bandang 1994.

Ilang buwan lang ang itinagal ko rito; hindi dahil sa problema sa ispeling (lagi namang nariyan ang diksyunaryo, hindi ko na maalala kung may spellchecker na noon ang gamit naming Mac) kundi dahil nahirapan na ako sa regular na pagpasok sa opisina at sa pagsumite ng trabaho. Hindi ko na, halimbawa, naisulat ang interbyu sa noo’y isang nagbabalik na ‘80s matinee balladeer – sige na nga, si Louie Heredia – bagay na ikinasama siguro ng loob ng kanyang manager, na nagregalo pa man sa akin ng isang malaking botelya ng medyo may kamahalang pabango. Ginamit ko ang pabangong ito sa pagdalo sa kauna-unahang NU Rock Awards, na hindi ko na rin kinayang gawan pa ng artikulo.

Mangyari’y unti-unti na akong hinatak ng ibang pagkakaabalahan. Mangyari’y sa isang antas ay kasado na sa mga panahong ito ang kilusang pagwawasto sa hanay ng kilusang kabataan-estudyante, sa anyo pangunahin ng seryosong pakikibakang teoretikal at ng programadong paglubog sa batayang masa sa kalunsuran at kanayunan.

Nangagpapanibagong-sigla ang militante at lapat-sa-lupang kilusang pag-aaral – mga talakayan sa mga dokumento ng rektipikasyon, mga pag-aaral o mas malalimang pagbabalik-aral sa saligang mga babasahing pambansa-demokratiko gayundin sa ilang klasikong akdang Marxista, mga diskusyon sa panimulang mga konklusyon nga paglalagom ng kilusang kabataan-estudyante, at ilang sulatin o sagutang polemikal.

Muling nagkaroon ng matining at buhay na kakagyatan ang islogang “paglingkuran ang sambayanan.” Pulu-pulutong na nagtungo ang kabataang-estudyante sa mga piketlayn upang makipag-aralan sa mga manggagawa, makiisa sa pakikibaka ng militanteng kilusang paggawa para sa sahod at karapatan, at makipag-bakuran laban sa repormista at rebisyunistang panlilinlang at pananabotahe. Mistulang agos na ‘di masagkaan ang muling pagpakat ng mga intelektwal mula sa pamantasan patungo sa iba’t ibang nayon, upang maging saksi hanggang sa tuluyang maging kalahok sa rebolusyong agraryong inilulunsad ng mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid.

Natunton muli ng kilusang propaganda at pangkultura sa paaralan ang wasto nitong pananaw, paninindigan at kaparaanan. Naitungtong muli gayundin sa kongkreto nitong kabuluhan ang mga gawain sa makabayan, makamasa at syentipikong sining at panitikan.

Ang ating Alay Sining, walang duda, ay inianak sa gitna ng ‘di-birong tunggaliang ideolohikal, ng mapangahas at mapanlikhang pagtugon sa pangangailangang konsolidahin at ibayong palawakin ang pambansa-demokratikong mga pwersa sa hanay ng kabataan-estudyante, at ng marubdob na hangaring pagsilbihin ang sining at panitikan sa buhay at pakikibaka ng masa ng sambayanan.

Samantala, ang mapagpasyang pagtindig ng Philippine Collegian ng taong 1994-1995 sa panig ng nagwawasto at muling nagbabangong militante at makabayang kilusang masa ay masasabi na natin ngayong makasaysayan – sa lahat ng naging termino ng nasabing pahayagan sa buong panahon ng kilusang pagwawasto, tanging ang Kule ng ’94-’95 ang sa kalakha’y naging mulat at konsistent sa pagguhit sa linya ng makamasa at patriyotikong kilusan.

* * *

Sa madaling salita, tama si Nato – 1994 na ako makakabuwelo sa aktibismo. Relatibong atrasado na ito kung tutuusing 1989 pa ako pumasok ng UP. Gayunman, masasabi kong bago pa man ang ’94 – dahil sa pagkaka-expose sa milieu at diskurso ng kilusan sa napakaagang edad, sa indibidwal na pagsisikap sa teoretikal na pag-aaral, at sa impluwensiya ng ilang propesor – matagal-tagal na rin akong nakumbinsi sa pangkalahatang kawastuhan ng linya ng pambansang demokrasya.

Taong 1983 – grade four ako nito – nang magsimula ako sa halos taunang paglahok sa mga summer theater workshop ng Philippine Educational Theater Association o PETA. Sa pamamagitan ng mga kuwento, alamat at pabula, mga laro, ehersisyo at puppet show, maagang tumimo sa akin ang mga aral tungkol sa kasaysayan, ang pagiging ganid, tuso at malupit ng mga mananakop at nasa kapangyarihan, ang karapatan ng mga bata at mamamayan, at ang pangangailangan ng sama-samang pagkilos ng nakararami para makamit ang katarungan, kapayapaan at kaunlaran.

Sa mga breyk at oras ng uwian ay tumatambay ako sa mga workshop class ng mas nakatatandang mga mandudula at doon ay papanoorin ko ang kanilang rehearsal o aktwal na showcase ng maiikling dula na pumapaksa sa madudugong yugto sa kasaysayan ng Pilipinas, sa pangangamkam ng mga asendero at dayuhan sa lupa ng mga magsasaka at katutubo, sa panggigipit ng mga kapitalista sa mga manggagawa, sa Escalante Massacre, sa kilusang welga, at maging sa armadong pakikibaka.

Bahagi rin ng mga workshop ang field trip o pakikipamuhay sa maralitang mga komunidad sa Kamaynilaan at maging sa mga barangay ng mga magsasaka at mangingisda sa di kalayuang mga nayon.

Nakadalo rin ako at nakapagtanghal sa isang kumperensya at festival tungkol sa dulaang bayan kung saan nabuklod ang maraming grupong pangkultura mula sa iba’t ibang rehiyon (at maging sa ilang bansa sa Timog Silangang Asya) at dito, natunghayan ko sa unang pagkakataon ang yaman at kulay ng iba’t ibang porma ng sining ng protesta. Dito ko unang narinig ang napakaraming makabayang awit.

Masugid ko ring pinanood ang mayor na mga produksyon ng PETA na tumalakay sa iba’t ibang kagyat na usaping panlipunan. Noong 1984 ay napasama ako sa cast ng “Macbeth” na pumaksa sa krimen ng estado sa pagpaslang kay Ninoy Aquino at iba pang lumalaban sa diktadura ni Marcos.

Pagsampa ko ng hayskul ay magiging interasado naman ako na basahin ang mga aklat, monogram, magasin at iba pang publikasyon ng PETA hanggang magkaroon ng pamilyaridad at isang antas ng pagkagamay sa diskurso ng dulaang bayan at ng makabayan, pangmasa at syentipikong sining at panitikan sa pangkalahatan. Magiging aktibo ako sa mga palihan at iba pang aktibidad ng PETA hanggang 4th year highschool.

Natural sa kursong Political Science na kinuha ko sa kolehiyo na pag-aralan sa maraming sabdyek ang mga akda tugkol sa rebolusyon, sa karaniwang “obhetibo” at komparatibong paraan. Rekisitong babasahin sa maraming silabus ang ilang klasikong obrang Marxista-Leninista, mga dokumento ng CPP, baha-bahagi ng mga sulatin ni Jose Maria Sison, at higit na mas maraming akda ng mga rebisyunista at repormistang theoretician. Sa mga talakayan at debate sa klase at sa mga porum na sumentro sa diskurso ng “nagpapanibagong-siglang sosyalismo,” ang napansin ko noong kagyat kong theoretical instinct ay ang pagkwestyon at pagpapasinungaling sa engrandeng mga panukala ng mga Gorbachovista.

Isa sa nakatulong sa pagbubuo ng pag-unawa ko sa lipunan at rebolusyong Pilipino ang subject na “Philippine Political Thought” sa ilalim ni Propesor Tapales, na minsang nagpakilala na dating kasapi ng lumang PKP. May kakaibang katatasan at sidhi ang sa tingin ko’y medyo palyadong karakter ng propesor na ito subalit sadyang napakahusay ng kanyang reading list. Sa kanyang klase ko nabasa ang mga sulatin nina M.H. del Pilar, Jacinto at Mabini, Padre Burgos, Lope K. Santos, Isabelo delos Reyes, Crisanto Evangelista at Claro M. Recto. Nabasa ko na sa mas maagang mga sabdyek ang ilang bahagi ng Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero pero sa sadbyek lamang ni Propesor Tapales tumining sa akin ang teoretikal at pangkasaysayang kabuluhan nito. Sa klase ring ito nabasa ko ang unang edisyon ng biography ni Edgar Jopson.

Isa pang propesor na naka-ambag sa pagpapaunlad sa aking kamulatan ay si Propesor E sa klaseng “Western Political Philosophy.” Nabasa ko sa klase niya ang Communist Manifesto nina Karl Marx at Frederick Engels at ang State and Revolution ni V.I. Lenin. May palagay akong ipinagpalagay noon ni Propesor E, batay sa aktibong partisipasyon ko sa kanyang klase lalu’t sa mga paksang kaugnay ng Marxismo, na organisado ako sa kung alinmang pangkat ng mga aktibista sa kampus. Kaya naman maging sa labas ng klase ay masigla siyang nakipagtalakayan sa akin tungkol sa pambansa-demokratikong kilusan. Isa sa mariin niyang inilinaw sa akin ay ang pinsalang hatid sa kilusang masa ng repormismo na dala-dala ng mga grupo na ayon sa kanya ay matagal nang nabulok sa pagsamba kay Bernstein. Hindi ko na maalala yung isa o dalawa pa pero ito yung tandang-tanda kong sabdyek na na-uno ko nang malinis. Ilang linggo matapos kong makuha ang grade ko sa kanya, laking gulat ko nang mapanood siya sa balita sa TV – nakaposas pero taas-kamao at ipinakilalang isang mataas na opisyal ng CPP.

Samantala, sa subject na “International Humanitarian Law” sa ilalim ni Propesor Reynado Ty, bukod sa pagdidiin sa parametro at mga probisyon ng pandaigdigang batas hinggil sa armadong tunggalian ay tumutok siya sa syentipiko, pangkasaysayan, at makatarungang batayan ng digmang bayan sa Pilipinas.

Ipinakilala naman sa akin ni Propesor Edel Garcellano sa sabdyek na “Expository Writing” ang Yenan Forum ni Mao Zedong (sa mga nabanggit ko sa itaas na nabasang mga publikasyon ng PETA, wala akong maalalang napasadahan man lamang na pagkilala sa teorya ni Mao Zedong sa sining at panitikan).

Ang tanong lang ay kung bakit sa kabila nito ay hindi ko tinangka na ipresenta ang sarili sa alinmang organisasyong pambansa-demokratiko upang maging kasapi? Ang pangunahing salik dito – at ito ang isa sa mga puntong nais kong bigyang diin – ay ang pagiging lubha kong masasakitin noong mga panahong iyon. May kung ilang taon ko ring ininda ang isang karamdaman na kung tawagin ay arogansyang peti-burges.

Pakiramdam ko, mas marami pa akong alam hinggil sa Marxismo kaysa sa karamihan sa mga aktibista lalu’t marami sa kanila ay mga kaklase at “tantyado” ko, sa tingin ko noon, ang kanilang aptityud sa teorya; ang iba ay sa akin pa nga nanghihiram ng mga babasahing rebolusyonaryo na noo’y may makabuluhan akong koleksyon. Nakakadalo ako noon sa mga porum at serye ng mga lektura at doo’y mahusay ko namang nailalapat ang ilang batayang pagusuri ng pambansa-demokratikong kilusan at rudimentaryong teoryang Marxista sa iba’t ibang partikular na usapin gaya ng kasaysayan, karapatang tao, kultura at masmidya.

Bigo, sa madaling salita, ang sinadya man o hinding mga pagsisikap ko sa pagpapalalim sa kaalaman sa lipunan at rebolusyong Pilipino at sa pag-iinternalisa ng sistemang Marxista na maihatid ako lagpas sa katayuan ng isang karaniwang rebolusyonaryong sampay-bakod — mabigat makapal at malapad, mangyari pa, ang tablang Narra sa ilalim ng pagkaka-kalumbaba ni Acostang “Marxista.” Ang kusa kong sinalihang organisasyon noon sa UP ay ang Amnesty International. Pulaan mang fence-sitter revolutionary o armchair Marxist, chic activist naman, sa loob-loob ko— ka-org ko yata si Sting at si Bono!

* * *

Pero kung nangyari noon na may seryosong nag-imbita sa akin para sumapi ako sa anumang aktibistang organisasyon, hindi ko sana siya tinanggihan. Subalit ni isa ay walang lumapit sa akin ni nagpahiwatig. Nang lumaon, tinanong ko ang ilang mga kasama kung bakit walang nagtangkang ugnayan ako sa mas maagang panahon.

May mga nagsabing nag-alangan lang marahil ang ilan sa maaaring impresyon ng kayabangang dala ng aking asta at aktitud. Ang iba naman ay nag-akalang dati na akong organisado mula sa kung saang lugar o panahon dahil madalas naman nila akong makasalubong sa mga porum at napanood pa nga nila sa “Sa Sariling Bayan,” isang dulang anti-bases ng UP Rep noong 1990. May mga nagtarget din daw na reklutahin ako pero may mahahabang patlang na hindi nila ako mahagilap. Mangyari’y sa yugto nga ring ito’y may ilang panahong nagtrabaho ako sa ABS-CBN bilang writer sa Wanted TV Patrol.

Mas tahasan ang sagot ng iba: hindi talaga pinaprayoritisa sa pagrerekrut ng mga aktibista ang kagaya kong may reputasyong maingay, ma-ere, magnanakaw ng libro sa library at bookstore, walang-hiya kung makipagharutan sa mga bakla, lulong sa alkohol at sumusuka kung saan-saan, at parang gumagamit ng drogang pampabilis at pampabagal.

Sa pagpasok ko sa kolehiyo ay mabilis akong nakaintegra sa marami at magkakaibang sirkulo. Isang sirkulo lamang ang mga ka-kursong intelektwal. Iba pa ang mga kakilalang aktibista. Isang sirkulo ang mga nakatrabaho ko sa mga dula. Iba pa ang sa mga visual artist at potograpo. May barkada ako ng mga anak-anak ng mga pulitiko na pagpupulitiko rin ang ambisyon. May barkada ako ng mga Tsino na nag-uumpisa nang magtayo ng negosyo bilang paghahanda sakaling manahin nila ang negosyo ng magulang nila. May barkada akong mga de-kurbatang opus dei at may barkada akong mga makukulay magbihis na kasapi ng komunidad ng mga gay. May basketball team ako. May banda ako. Kasama ko sa disco ang sosyal na mga co?o. Kasama ko sa pub ang mga fratman. Kainuman ko ang mga makata at mga nagtatrabaho sa NGO. Ka-jamming ko hindi lang mga gitarista, kundi pati mga driver at cameraman.

Bawat araw, pumasok man ako sa klase o hindi, hihintayin ko ang gabi at susubuking pagkasyahin ang mga susunod na oras para suyurin ang kung ilang gimik ng mga sirkulong ito na kakayanin sa loob ng magdamag o kahit hanggang ituloy pa sa susunod na umaga bago mananghalian lalu na kung tatapat sa Sabado o Linggo.