Magsasaka Videos

Bidyo: Sa gitna ng tumitinding tensiyon sa Hacienda Luisita, mga magsasaka humingi ng suporta


Kinalampag si Pangulong Aquino at humingi ng suporta sa publiko ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita sa gitna ng tumitinding tensiyon sa loob ng asyenda dulot ng pagpigil ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) sa pagbubungkal ng mga dating manggagawang-bukid sa 184-ektaryang lupain sa Brgy. Balete.

Mga guwardiya ng RCBC at miyembro ng PNP na nagbuwag sa kampo ng mga magsasaka (Contributed Photo/Hacienda Luisita Campaign)

Kinalampag si Pangulong Aquino at humingi ng suporta sa publiko ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita sa gitna ng tumitinding tensiyon sa loob ng asyenda dulot ng pagpigil ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) sa pagbubungkal ng mga dating manggagawang-bukid sa 184-ektaryang lupain sa Brgy. Balete.

Kasalukuyang nakadetine sa estasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Macabulos, Tarlac City ang pitong magsasaka na inaresto bandang alas-tres ng hapon kahapon.

Noong umagang iyon, ilang mga magsasaka at daan-daan sa kanilang mga tagasuporta ang nagmartsa patungong Mendiola para kalampagin si Pangulong Aquino na itigil ang militarisasyon sa asyenda at kagyat na ipamahagi ang lupaing inangkin ng kanyang pamilya.

Samantalang sa loob ng asyenda, binuwag naman ng 300 puwersa ng Tarlac Provincial Police at anim na sundalo ng Northern Luzon Command ang kampo ng mga magsasaka sa may lupain ng RCBC, ayon sa Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL).

Ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng AMGL, naka-full battle gear ang pulisya at militar, at sinubukang paalisin ang mga magsasaka batay umano sa order to vacate na inilabas ni Judge Marvin Mangino ng Tarlac City Municipal Trial Court Branch 1. Nang tumutol ang mga magsasaka dahil walang sheriff na magpapatupad ng nasabing kautusan, nang-aresto na ang PNP.

Ilan sa 7 inarestong magsasaka ng Hacienda Luisita (Contributed Photo/Sentra)

Nangyari ang pang-aaresto sa ocular visit ng Department of Agrarian Reform kaugnay ng petisyon ng mga magsasaka na ibasura na land conversion order na inisyu ng ahensiya noong 1995. Inaresto ang dalawang menor-de-edad, dalawang opisyal ng barangay, at mga opisyal ng Ambala (Alyansa ng Manggagawang-Bukid sa Asyenda Luisita).

“Kinukondena namin ang pag-atakeng ito sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita.  Ang pamilya Coquangco-Aquino ang pinaka-utak sa brutalidad na ito dahil ang camp-out ay simbolo ng pagkakaisa ng mga magsasaka upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa,” ani Joseph Canlas, tagapangulo ng AMGL.

Iginiit din ng AMGL na dapat na mag-inhibit ang korte ng Tarlac sa kasong isinampa ng RCBC laban sa mga magsasaka dahil nasa Korte Suprema pa ang buong kaso. Gayundin, hinihintay pa ang desisyon ng DAR higgil sa rebokasyon ng land conversion order. Binanatan din ng grupo si Judge Mangino, na umano’y “notoryus na kontra-magsasaka” at “nakikipagsabwatan sa pamilya Cojuangco-Aquino.”

Sa panayam ng Pinoy Weekly, ikinuwento ng 60-anyos na si Edli Balo kung paano noong nakaraang Sabado ng hapon pa sinusubukang buwagin ng RCBC ang kanilang kampo. Itinayo ng mga magsasaka ang camp-out para bantayan at pigilan ang pagbabakod ng bangko sa lupain.

Multi-sektoral na suporta sa laban ng Hacienda Luisita, ipinamalas sa kilos-protesta noong Marso 27 (Ilang-Ilang Quijano)

Noong Linggo ng umaga, sinimulan daw silang batuhin ng mga guwardiya ng malalaking bato. “Siyempre, binabato na kami, hindi pa kami lalaban?” aniya.

Kinukutya at tinatakot din umano ng mga guwardiya ang mga kabataan at sinasabihan na, “Sabihin niyo sa mga magulang ninyo, hindi kayo mabibigyan ng lupa!” Imbes na matakot, lalo naman itong ikinagalit ng mga kabataan.

Ikinuwento rin niya na binabayaran ng RCBC ng P300 kada araw ang ilang magsasaka para guwardiyahan ang lupa at kalabanin sila.

Binatikos ng AMGL ang taktikang “divide and rule” na ito na sinasamantala ang kahirapan ng mga magsasaka.

“Ginagawa nila ito para maantala ang pamamahagi sa amin ng lupa,” ayon naman kay Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers Union.

Binatikos niya sa Pangulong Aquino na umano’y tinutulugan ang pangunahing mga usapin ng bansa, gaya ng tunay ng reporma sa lupa. “Sana suportahan kami ng mga mamamayan para tuluy-tuloy nang ipamahagi ang lupa sa Hacienda Luisita,” sabi pa ni Bais.

Kabilang si Bais sa 23 pang lider-magsasaka na may warrant of arrest na inilabas din ni Judge Mangino noong nakaraang linggo kaugnay ng kasong isinampa ng RCBC.

Sa kilos-protesta sa Mendiola, sinunog ng mga demonstrador ang isang gahigenteng P10-Bilyong nota bilang simbolo ng kanilang pagtutol sa binabalak ng gobyerno na kompensasyon sa mga Cojuangco-Aquino na nagkakahalagang P10-B.

Nagsalita rin sa pagkilos ang mga lider mula sa mga sektor ng kabataan, migrante, kababaihan, manggagawa, at iba pa bilang suporta sa laban ng mga magsasaka sa asyenda.

May ulat ni Macky Macaspac