Dalawang Tula para sa Mayo Uno ni Joi Barrios-Leblanc


Kasingtayog ng gusali na siya ang nagtayo/ Kasingkinang ng minina niyang ginto/ Ang halaga ng paggawa/ Ang pagsikhay na dakila.

Sa Araw ng Paggawa


Kasingtayog ng gusali na siya ang nagtayo,

Kasingkinang ng minina niyang ginto

Ang halaga ng paggawa,

Ang pagsikhay na dakila.

Ngunit nabubuhay tayo sa mundo

na nangungusap ng salapi,

At sumusukat sa tao

Sa nakamal na pag-aari.

Ang manggagawa’y bayaran lang.

Ang walong oras, limang araw,

ay ipagpasalamat!

Bakit pa hihilingin

na ang sahod ay tumaas?

Bakit hindi?

Ano’t ang pagpupunyagi

ay hindi tutumbasan ng biyaya,

O sasalubungin ng pagkilala.

Sapat na pagkain sa hapag,

Isang pumpon ng mga bulaklak.

Pagkat siyang lumilikha ay kaya ring magbuwal,

Siyang nagtiya-tiyaga ay marunong ring lumaban.

At ang daigdig na isinusulong niya sa pag-unlad,

Ay daigdig din na babaligtad sa kanyang pag-aklas!

Syento beinte singko


Gasino na ang syento beinte singko?

Apat na kilo ng bigas,

ilang saing sa hapag ng mahirap.

Anim na pirasong galunggong,

Simutin mula ulo hanggang buntot,

at nang makatawid gutom.

Kahit noodles ay laman na rin ng sikmura

at sa limang pisong pakete mula sa pabrika

busog ka sa asin at betsin, paalam na sa sustansiya.

Gasino na ang syento beinte singko.

sa kapitalista’t may kuwarta

isang tasa ng kape sa Starbucks,

isang hiwa ng kesong maalat,

isang espesyal na ensaymada

na ihahain na pang-meryenda.

Syente beinte singko lang ang dagdag na suweldong

hinihingi ng manggagawa.

Syento beinte singkong walang dantay

sa mga guhit ng timbangang sumusukat

sa agwat ng kapitalista’t manggagawang naghihirap.

Si Joi Barrios-Le Blanc ay pangkalahatang kalihim ng US Committee for the Protection of Workers’ Rights