P 9,000 dagdag-na-sahod ng guro iginiit


Cheryl Almuena / Carmi Barsaga IGINIIT ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan ang P 9,000 karagdagang sahod para sa mga pampublikong guro kabilang na ang mga non-teaching personnel ng Kagawaran ng Edukasyon. “Panahon na upang ipakita ng mga mambabatas ang pagiging makabayan bago matapos ang kanilang termino sa pamamagitan ng pagboto upang maaprubahan ang dagdag-na-sahod ng […]

Cheryl Almuena / Carmi Barsaga

IGINIIT ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan ang P 9,000 karagdagang sahod para sa mga pampublikong guro kabilang na ang mga non-teaching personnel ng Kagawaran ng Edukasyon.

“Panahon na upang ipakita ng mga mambabatas ang pagiging makabayan bago matapos ang kanilang termino sa pamamagitan ng pagboto upang maaprubahan ang dagdag-na-sahod ng mga pampublikong guro,” ayon kay Ilagan, tagapanukala ng House Bill 4734.

Ayon kay Rep. Ilagan, dapat tumatanggap ang mga guro ng P 882 kada araw o kabuuang P19,404 bawat buwan, batay sa rekomendasyon ng National Wages of Productivity Commission.

Sa ilalim ng nasabing panukala ng Gabriela Party-list, ipagkakaloob ang dagdag-na-sahod sa tatlong bahagi—P 3,000 ang idadagdag sa unang taon ng implementasyon, P3,000 sa pangalawang taon, at ang natitirang P 3,000 sa ikatlong taon. Matatanggap na ang kabuuang dagdag-na-sahod sa susunod na mga taon.

Ayon kay Ilagan, napako ng anim na taon ang sahod ng mga guro sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Lumalabas na umaabot lamang sa P5,000 ang take-home pay ng mga guro matapos ang mga kaltas.

Kasalukuyang dinidinig ng Kongreso ang Salary Standardization Law 3 o Joint Resolution No.24 kung saan nasa P 6,000 ang panukalang karagdagang sahod ng mga guro.

Ngunit ayon kay Ilagan, hindi sapat ang halagang ito at sa halip, dapat na ipasa ang HB 4737 para matugunan ang matagal nang panawagan ng mga guro.