SONA ni GMA, iboboykot ng progresibong mambabatas


Nakatakdang iboykot ng walong progresibong mambabatas ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo sa Kongreso sa Hulyo 27. Kabilang sa mga magboboykot ay sina Bayan Muna Reps. Satur Ocampo, Teddy Casino at Neri Colmenares; Anakpawis Reps. Rafael Mariano at Joel Maglunsod; Gabriela Reps. Liza Maza at Luz Ilagan, at Kabataan Rep. Raymond […]

Nakatakdang iboykot ng walong progresibong mambabatas ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo sa Kongreso sa Hulyo 27.

Kabilang sa mga magboboykot ay sina Bayan Muna Reps. Satur Ocampo, Teddy Casino at Neri Colmenares; Anakpawis Reps. Rafael Mariano at Joel Maglunsod; Gabriela Reps. Liza Maza at Luz Ilagan, at Kabataan Rep. Raymond Palatino.

“Magmamaniobra si Arroyo, ang mga kaanak niya at mga tuta niya na gumamit ng anumang opisyon para baguhin ang Konstitusyong 1987 sa pamamagitan ng House Resolution 1109…[G]usto nilang buuin ang Kamara nang wala ang Senado bilang isang Constituent Assembly (Con-Ass) matapos ang SONA ni Gloria,” pahayag ng naturang mga mambabatas.

Nanawagan din ang walo sa mga kapwa mambabatas na bumotong pabor sa HGB 1109 na bawiin ang boto at “pumanig sa sambayanan” para wakasan na ang panunungkulan ni Arroyo.

“Tulad ng walong nakaraan niyang SONA, susubukan ni Gloria na magpakita ng ilusyon na malapit na tayong maging isang industriyalisadong bansa, at may kahibangan pa hinggil sa mas mabilis daw na paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng ambisyoso, di-makatotohanang ‘growth area’ development plans,” pahayag pa nila.

Sinabi pa nila na nakatakdang ibenta ang malaking bahagi ng pambansang patrimonya ng bansa sa pandarambong ng dayuhang mga mamumuhunan sa pamamagitan ng Charter Change.

Sa halip na makinig sa SONA ni Arroyo, nakatakdang lumahok ang walong mambabatas sa dambuhalang kilos-protesta sa Commonwealth Avenue sa araw na iyon.