Pinoy Weekly

Alamat ng pangalan

Lumikha ng alamat ng isang pangalan. Saan ito nagmula? Ano ang mitolohiya nito? Kathang-isip ang proyekto ng maikling pagsulat. Ito ang ikalawang workshop sa pagsulat para sa kaanak ng desaparasidos at iba pang nabiktima ng estado ng paglabag sa karapatang pantao.

Walang mitolohiyang naganap. Ang banggit ng isang teenager, akala ko ay first year high school pa lamang, ay ang “Darling” ang katawagan ng kanyang ama. Siya lamang ang tumatawag nito sa kanya. Na kahit pabiro naming tinawag siya ay magalang lamang ang kanyang ngiti, para kaming nakapanghimasok sa kanyang pribadong mundo.

Sa isang magulang naman na dinukot ang anak, ang ngalang tinalakay ay “Ari-king,” halaw sa popular na kanta ng panahong kanyang pinapalaki ang anak. “Ari-king-king” at mabigat ang pagpaliwanag niya matapos. Ang isa namang survivor ng torture ay diretsahan ding tumalakay sa kanyang mga palayaw, bansag ng mga kaibigan, magulang at ng mga kakilala.

Mahalaga ang pangalan. Ito ang kapangyarihang umangkin ng substansya na relasyon sa tao at kanyang mundo. Kapag sinabi ang ngalan, lalo na ng kaanak, kaibigan at kasama, ipinapahiwatig nito ang pagiging kaputol, kabiyak, kabahagi, kabuuan, kapamilya at kapuso (hindi aksidente ang pandadawit ng pagkakilanlan ng dalawang higanteng istasyon ng telebisyon) ng tao sa kanyang kapwa.

Ito ang pakikiisa, makabuluhang pakikipag-ugnayan, pagpapangalan sa mundong iniinugan ng mga taong kabahagi ng network ng magkakakilala. Kaya masakit ang tawagin ang kapwa ng lampas sa pangalan niya—bakla, puta, tanga, Ilokano o Bisaya kasi. Dahil ikinakahon sa stereotipo o kombinyenteng hulmahan ang masalimuot na pagkatao ng individual.

Hindi na siya si Temerio, Juan o Maria. Naikahon at kompartamentalisa na siya sa di lubos na katanggap-tanggap na nilalang: mababang uri at kalidad, hindi normal, tinanggalan na ng kapangyarihang umakda ng sariling mundo at identidad. At walang tao ang katanggap-tanggap ang di lubos na pagiging tao at pagkatao. Ito ang kapangyarihang magbigay-ngalan sa karanasan ng iba.

Pero may ngalan at bansag na binabalikwas mismo ng mga naisantabi, inaako bilang kapangyarihang umakda ng alternatibong kasaysayan at mundo. Tulad ng babae, kabaklaan, katutubo, at ngayon, desaparasidos, politikal na detenido, kaanak ng mga nilabagan ng karapatang tao, maging ang human rights worker, ay apropriasyon (pag-aako) ng masamang ngalan na binansag ng estado para gawing lampas sa sariling pag-aakda ng alternatibong mundo at saysay.

Silang naisantabi ay hindi na tinatanggap ang pag-eetsapwera ng estado. Ginagamit ang katawagan ng estado para labanan ang politikal at ekonomiyang kapangyarihang yumuyurak sa karapatan ng kanilang kaanak at ng kanila mismo. Kaya hindi nagtagumpay ang ikalawang workshop sa pagsulat.

Walang katha, walang mitolohiya ang naganap. Ang inako ng mga kaanak ay mga bagay at ngalang sa kanila naman—ang tunay (real) na naganap, na tao at ng panlipunan at historikal na relasyon. Paano mo nga naman babaguhin ang tao at bagay na winalay at pinaglalaho ng estado? Ang katotohanan ay wala sa kathang-isip.

Ito ay nasa isip, sa imahinaryo ng pag-iisip na nandiyan pa sila. Na matatawag pa nila sa pangalan ang kanilang mga kaanak para pagtibayin ang kwento ng ugnayan. Sa utak nila at sa kanilang pagbigkas nito sa publiko, ang pangalan at buhay ng kanilang kaanak ay sa kanila rin.

Inaako dahil binubura at winawala ng estado. Ang alamat ay kwento ng pinagmulan, at ito ang sinasaad ng kanilang diretsahang sinulat. Na ang kanilang mga kaanak, wala man sa kanilang piling, kundi man sila mismo at ang traumatikong nakaraan ay nandiyan pa rin. Hindi kinakalimutan dahil ito ang sandali ng pagtutuos.

Sa bawat paggunita, pagkukuwento, pagsambit sa ngalan, binibigyan-ngalan ang kanilang mundo bilang natatangi at lehitimo. Pero sa mundo ni Gloria Arroyo, ito ay iligal at ordinaryong kailangang kitlin—una ay literal na naganap na, ikalawa ay ang individual na kapangyarihan ng kaanak at ng survivor na makapaggunita pa lampas sa sarili: sa nakikinig na publiko.

Kaya ang alamat ng pangalan ay pagpapangalan sa alamat—ang kapasidad at kapangyarihang mamuhay kahit binubura at winawala ang mga kaanak at survivor ng karahasan ng estado. Silang nabubuhay, mabigat man ang pang-araw-araw, ay nabubuhay na lumalaban. Na hindi masasabi sa nakakaraming sinusuko na lamang ang pagbibigay-ngalan sa kapangyarihan ng estado.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1261

Rolando B. Tolentino Posted by on May 16 2009. Filed under (Kolum), Pasintabi. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Alamat ng pangalan”

  1. baltazar

    meron poh ba kaung halimbawa ng alamat?

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in (Kolum), Pasintabi (721 of 738 articles)