Patuloy na pagkawasak at polusyon sa Rapu-Rapu, nakababahala
Patuloy ang paglala ng masamang epekto ng malawakang pagmimina sa isla ng Rapu-Rapu sa Bikol ayon sa mga grupong makakalikasan.
Matapos ang tatlong araw na fact finding mission noong Mayo 11-13, iniulat ng Solidarity Mission na mabilis na nauubusan ng kabuhayan at pagkain ang mga residente sa naturang isla.
“Ang malaganap na polusyon ng lokal na yamang-dagat sa Rapu-Rapu ay nagresulta sa pagbaba ng kita at kabuhayan ng mga tao. Naniniwala kami na ang dahilan ng polusyong ito at pagkawasak ng kalikasan ay ang patuloy na pagtapon ng katas ng pagmimina sa mga ilog ng Rapu-Rapu at Albay Gulf, ayon kay Clemente Bautista, tagapag-ugnay ng Kalikasan PNE (People’s Network for the Environment).
Batay sa ulat ng Solidarity Mission, mabilis na naubos ang korales sa mga baranggay ng Carogcog, Tinopan, Viga at Buenavista dahil sa polusyon. Ang mga lugar na nabanggit ay malapit sa minahan ng Lafayette. Sa pagtaya ng mga residente sa Buenavista, 50% ng coral reefs sa kanilang baryo ang nawala dahil sa operasyon ng Lafayette.
Ayon naman kay Fernando Hicap, tagapangulo ng Pamalakaya (Pambansang Lakas ng Mamamalakaya ng Pilipinas), tinatayang 80-90 porsiyento ng pagbaba ng huli ng isda ang naranasan ng mga mangingisda sa isla simula nang magtapon ng katas ng mina sa dagat ang Lafayette.
“Ngayon napipilitang mangisda sa malalayong lugar, tulad ng Catanduanes, ang mga mangingisda para lamang sila may mahuli,” ani Hicap.
Pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente ang panghuhuli ng Malasugi at iba pang klase ng tuna subalit pinaniniwalaang lumayo na ang mga ito sa isla ng Rapu-Rapu dahil sa polusyon. Naobserbahan din nila ang pagkaunti ng populasyon ng mga yamang-dagat tulad ng kabibi at maliliit na isda na dati nilang hinuhuli para kainin.
Nagsimulang magmina ang Lafayette noong 2005. Dati itong pag-aari ng kompanyang Australyano pero nalugi umano ito at kamakailan lamang ay ibinenta sa kompanyang Koreano at Malay.
Nanawagan naman si Antonio Casitas, lider ng lokal na organisasyong Sagip Isla, Sagip Kapwa kay Pangulong Arroyo na agad na itigil ang pagmimina sa kanilang isla.
“Patuloy naming dinaranas ang masamang epekto ng pagmimina ng Lafayette. Inagaw ng mga dayuhan ang aming lupain, linason ang dagat at sinira ang kalikasan. Ang masama nito, sa halip na tulungan kami ng gobyernong Arroyo, pinabayaan kami at pilit na ipinatatanggap sa amin ang mapangwasak na operasyon ng Lafayette.
Maliban sa Kalikasan, Pamalakaya at Sagip Isla Sagip Kapwa, kasama rin sa Solidarity Mission ang Center for Environmental Concerns, Health Alliance for Democracy, Peace for Life, AGHAM, BAYAN Camarines Sur, PAMALAKAYA Masbate, KMU Bikol, KADAMAY Bikol, Rural Missionary of the Philippines at iba pang grupo.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1112













