Uncategorized

Brillante Mendoza, nakipagsosyalan na kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo


Mabuti naman at ipinatawag na ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pamoso at premyadong direktor na si Brillante Mendoza sa Malacañang dahil kung hindi ay nakakadismaya namang talaga dahil heto ang isa sa mga kakaunting karapat-dapat bigyan ng parangal ng Palasyo pero naghintay pa ng tatlong linggo bago maipatawag sa Malacañang samantalang si Manny Pacquiao pag […]

Mabuti naman at ipinatawag na ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pamoso at premyadong direktor na si Brillante Mendoza sa Malacañang dahil kung hindi ay nakakadismaya namang talaga dahil heto ang isa sa mga kakaunting karapat-dapat bigyan ng parangal ng Palasyo pero naghintay pa ng tatlong linggo bago maipatawag sa Malacañang samantalang si Manny Pacquiao pag nananalo sa boksing, pagkababa ng eroplano, en grande na ang pagsalubong at nakakaapak na sa mga sahig ng Malacañang kinabukasan.

Samantalang kung tutuusin ay nagpakita nang mas malawak at makabuluhang kuwento ng buhay ng isang bansa, ng isang lipunan, ng isang Pilipinas ang ipinanalong pelikula ni Brillante na “Kinatay (The Execution of P)” sa ika-62 taon ng prestihiyosong Cannes Film Festival sa Cannes, France noong ika-27 ng Mayo, 2009.

Bagamat hindi pinagtatalunan ang galing, liksi at bagsik ng kamao ni Manny, ang marangyang pagbibigay-puri sa katulad ni Mendoza ay dapat pagkaabalahan ng diskusyon.

Mananatili na lang bang pang-aliwan o pang-entertainment ang showbiz o ang pelikula at telebisyon at hindi na ito maaaring maging instrumento ng kritisismo at edukasyon kasama na ang impormasyon para umunlad ang buhay ng mga Filipino?

***

Ang pagtawag ni GMA kay Dante Mendoza, isa pang pangalan ni Brillante, ay pagpapatunay na may halaga ang showbiz lalo na’t makatuturan sa sambayanan. Kahit na hindi nagwagi si Dante ng Palm d’Or Best Director para sa pelikula ay kailangan ding pag-aksayahan ng panahon ng gobyerno dahil ito ang isa sa makapagpapalinaw at makapagpapaliwanag kung bakit ganito tayo kahirap na nasyon kung ikukumpara sa mga bansang lumalaban sa Cannes.

Noong isang linggo ay nagharap sa kauna-unahang pagkakataon sina Brillante at GMA.

Noong mga nakaraang tatlong pagpapatawag kay Mendoza ay hindi naman nagkakaharap nang solo ang dalawa pero kamakailan ay nagtsikahan na sila.
Nakatulong marahil sa pagkumbinsi na kailangang bigyan ng parangal si Dante ng sambayanang Filipino dahil magkababayan sila ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

Pareho silang Kapampangan.

Pero magkababayan man o hindi, magkaprobinsiya man o hindi, ang pagtataguyod sa nagpapamalas ng katotohanan ng kondisyon ng tao sa kanyang buhay sa lipunan ay kailangang pinagkakaabalahan ng mga lingkod-bayan.

***

Kahit na pangit na katotohanan ng Pilipinas ang ipinapakita sa “Kinatay (The Execution of P),” mahalagang analisahin ito at pag-aralan ng lahat ng Filipino.

Dapat ay ipaglaban ng mga kababayan na mapanood ang pelikulang ito dahil mahalaga ito sa ating buhay.

Kaya lang ay ayaw ni Brillante na isumite sa Movie and Television Review and Classification Board ang pelikula dahil nangangamba siya at sinisiguro niyangkakatayin ang kanyang obra, isang bagay na ayaw niyang mangyari para sa katinuan ng sining ng pelikula.

Kaya nga naghihintay na lang si Brillante ng tamang panahon na maipalabas man lang ito sa UP Film Institute Cine Adarna o kaya ay sa Cultural Center of the Philippines na libre sa sensura ang sanligan ng pagtatanghal bagamat kamakailan ay naging pakialamero ang MTRCB sa pagpapalabas ng mga mapangahas na pelikula (“Aurora” ni Adolf Alix, Jr, “Strictly Confidential” ni Jowee Morel at “Sagwan” ni Monti Parungao) nang idinemanda ang mga ito ng sensura sa kawalan ng permiso na maitanghal sa sinehan ng UP kahit na ipaglaban pa ang akademikong kalayaan.

***

Ayon kay Maria Isabel Lopez, ang pangunahing bituin sa “Kinatay (The Execution of P),” talagang magiging mainit ang pamahalaan sa kanyang pelikula dahil tumatalakay ito sa katiwalian ng military para lang magkapera.

Kararating lang ni Maria Isabel mula sa Amerika noong Huwebes.

Pagkatapos ng Cannes ay nagbalik si Maribel sa Estados Unidos para isama sa kanyang pagbabalik sa bansa ang kanyang mga anak na sina Mara Isabelle at Ken Yokohama na naiwan sa California kasama ang kasintahan ng aktres na si Wade Rowland.

Dumalo si Lopez sumandali sa Cannes at lumakad sa red carpet ng Palais du Festival kasama sina Dante, Coco Martin at Mercedes Cabral at ang producer ng pelikula sa panig ni Dante na si Ferdinand Lapuz at Didier Costet sa panig ng pribadong produksyon sa Pransiya.

Sinabi ni Maribel na kritikal ang pelikula sa sistema kaya baka nahihirapan na mapanood ng sambayanang Filipino.

Ito nga ay parang pagsulpot ng kasaysayan ng “Orapronobis (Pray For Us)”ni Lino Brocka noong 1990. Hanggang ngayon ay hindi pa naipapalabas sa mga komersyal na sinehan ang makasaysayang obra ni Lino dahil hindi kailanman inaprubahan ng gobyerno kahit sa panahon ng liberal umanong pamamahala ni Cory Aquino sa Pilipinas.

***

Pero handa si Maria Isabel na mag-rally at maprotesta para maipalabas sa Pilipinas ang “Kinatay (The Execution of P).”

“Sanay tayo sa mga demonstrasyon. Nakakasama ako sa mga protest movement ng Gabriela at nagbabasa ako ng tula ni Amado V. Hernandez,” pagmamalaki ng Binibining Pilipinas-Universe.

Paglaya rin ng kaisipan ang gusting maisakatuparan ni Maribel sa kanyang pagka-alagad ng sining.

Matatandaan na nagtapos ng kanyang kurso ang aktres sa UP Fine Arts kaya malaya rin ang arte ng bituin.

***

Ayon kay Maribel, hindi matatawaran ang paghanga ng buong mundo kay Brillante kaya naman kung hindi siya papansinin sa kanyang pagbabalik sa bansa ay parang nawalan na tayo ng pagmamahal sa ating kapwa Filipino.

Kaya kumilos na ang Malacañang na makaharap ni GMA si Mendoza.

“Sa France, pag nasa mga restaurant kami, pag nakikita na ng mga tao si Dante, talagang nilalapitan siya at kinakamayan, binabati, hinahangaan. Tinatawag nila ang kanyang pangalan,” pagmamalaking kuwento ni Lopez.

“Kaya nga nakakahiya kung hindi siya bibigyan ng papuri,” pasubali ng kontrobersyal na aktres na gumaganap ng isang putang taga-Maynila na dinukot ng mga sindikatong may kaugnayan sa military para katayin ang buong katawan.

Alam ba ninyo na nang unang ialok kay Maribel ang papel ay tinanggihan niya ito nang dahil sa takot.

“I gave Dante forty eight hours para pag-aralan ko ang script. Pagkatapos, nag-usap pa kami ng maraming beses. Finally, I agreed pero talagang kabado pa ako. Kaya lang, magaling si Dante kaya naman after that, kasama pa ako sa Cannes,” natatawang kumpisal ni Maria Isabel.

***

Ikinuwento niya na ang dami-dami niyang mga interbyu at piktoryal sa France mula sa iba’t ibang magazine at pahayagan.

“I felt like a star in Cannes,” pahayag ni Maribel.

Ipinakita pa nga niya sa amin ang lahat ng mga babasahin na inilathala at itinampok ang kanyang kagandahan at kahusayan.

Natutuwa rin si Lopez dahil sa kabila ng panlalait sa kanya ng mga pasosyal na daigdig ng pagandahan lalo na nang ayaw siyang papasukin sa Binibining Pilipinas coronation night kamakailan samantalang siya ay isang title holder ng timpalak, nabunutan siya ng isang pasan.

Ang laging ibinubutas sa kanya ay naghubad siya sa pelikula kaya ayaw na siyang maihanay sa mga reyna ng kariktan sa bansa.

Kaya ngayon ay naramdaman niyang vindicated siya sa lahat ng akusasyon laban sa kanya.

***

Marami na naman siyang gagawing proyekto sa Pilipinas yamang nandito na naman siya.

May mga TV show na naghihintay sa kanya at mga pelikula kahit na 35mm o kaya naman ay digital.

May socio-civic ding programa si Lopez para sa mga kapus-palad sa ating lipunan at gagawin niya ito ngayong 2009.

Inaasahan nga niya ang tulong ng mga kaibigan sa movie press para maipamahagi ang impormasyong ito.

May kaibigan siyang taga-Hawaii na Filipinang nakapangasawa ng mayamang dayuhan at ito ang tutulong sa kanya para makapaghanda ng mga regalo sa mahihirap.

Hanggang dito lang muna ang kanyang partisipasyon sa pagbabago ng bulok na lipunan dahil para sa kanya ay masalimuot ang pagtulong at pagmumulat sa mga anak-pawis lalo na at siya ay isang celebrity.

Malaking impluwensiya ang kanyang pagiging Maria Isabel Lopez pero hindi maiintindihan ng mas maraming kasamahan niya sa showbiz na pawang pagpapaganda at pagpapalimot lang pansumandali sa mga suliranin ng buhay sa lipunan ang alam gawin.

Inaasahan nga ni Maribel na iko-cover nina Mario V. Dumaual ng “Star News” ng “TV Patrol” ng ABS-CBN at Lhar Santiago ng “Saksi” at “24 Oras” ng GMA Network ang kanyang pamamahagi sa mga dukha at inaapi ng mga may kapangyarihan.

***

Kahit na hiwalay na si Maribel kay Hiroshi Yokohama ay maganda pa rin naman ang kanilang relasyon.

Alam ba ninyo na nang nasa Cannes si Lopez ay panay ang padala niya ng mga balita at larawan kay Yokohama kahit na magkaiba ang kanilang tahahan sa Pilipinas?

Ipinagmamalaki naman ng lahat ng may kaugnayan kay Maribel ang karangalan na siya ay nasa Cannes Filmfest pagakatapos na maranasan ito nina Hilda Koronel, Phillip Salvador, Boy C. de Guia, Brocka, Amy Austria, Hermie G. Francisco, Carmi Martin, Nora Aunor, Gina Alajar, Katherine Luna, Gina Pareño, Jaclyn Jose, Kristoffer King, Julio Diaz, Raymond Red at Raya Martin.