Uncategorized

Pelikula tungkol sa kontra-pagmimina, preparado na nina Brillante Mendoza


Ngayon pa lang ay handang-handa na si Brillante Mendoza at mga kasama sa paggiling ng mga kamera sa isang pelikulang tatakalay sa pagmimina at ang mga epekto nito sa buhay ng mga tao, hindi lamang sa lugar ng pinagmiminahan at mga karatig-pook kundi sa buong Pilipinas. Sinabi ni Brillante sa isang eksklusibong panayam na noong […]

Ngayon pa lang ay handang-handa na si Brillante Mendoza at mga kasama sa paggiling ng mga kamera sa isang pelikulang tatakalay sa pagmimina at ang mga epekto nito sa buhay ng mga tao, hindi lamang sa lugar ng pinagmiminahan at mga karatig-pook kundi sa buong Pilipinas.

Sinabi ni Brillante sa isang eksklusibong panayam na noong una ay wala siyang pakialam sa masasamang dulot ng pagmimina pero nang may makausap siyang isang taong nangangalaga ng kapaligiran ay nabago ang kanyang pananaw.

“Kasi, hindi naman ako apektado ng mga mining-mining na ‘yan. Ano ba naman ang kinalaman natin dito sa Maynila sa mga mining ay wala naman tayong mining operations dito sa Maynila?” tanong ni Brillante.

***

Pero nang mapanood niya ang documentary film na nilikha ng pinatay na environmentalist at radio announcer na si Dr. Gerry Ortega ng Palawan, naantig ang puso at isip ni Dante Mendoza, ang 2009 Palm d’Or Best Director ng Cannes International Film Festival.

“Ibang klase ang documentary film. It’s revealing. Ma-imagine mo, may mga tao sa paligid ng mining na putol na ang mga paa. Kasi, pag umanod na ‘yong, halimbawa, ay mercury do’n sa tubig at tumugpa pa na ‘yong mga tagaroon like fishing. E, kung mahaluan ng mercury ‘yong ilog o ‘yong dagat na galing do’n sa pinagminahan, masama na ang epekto. Nakakalason na talaga,” pahayag ni Dante.

“May isang estudyante pa na nagrereklamo talaga sa mining. Kitang-kita mo ang epekto sa kanya ng mining at kapani-paniwala siya talaga dahil first-hand ang kanyang mga sinabi,” dagdag ng pang premyadong direktor.

***

Nakausap din ni Brillante si Gina Lopez, ang tagapangulo ng ABS-CBN Foundation at tagapagpaganap ng Bantay Kalikasan, ang grupo na nagbabantay sa kagalingan ng kapaligiran.

Madalas nang magkasama sina Gina at Mendoza at naniniwala si Lopez sa kakakayahan at kapangyarihan ni Dante na makapagbago ng isip at pananaw ng mga tao sa pamamagitan ng kanyang pelikula.

“Kaya nga kailangang masimulan na ang mga documentary naming gagawin. Ngayon, mulat na mulat na ako sa mining. Talagang nakaka-touch ang nangyayari sa mining sites. Hindi ko talaga mati-take ang ill effects,” paliwanag ni Mendoza.

Siyempre’y bukas ang ABS-CBN sa pagpapalabas ng mga panooring may kaugnayan sa kontra-pagmimina lalo na sa Palawan.

“Mawawala sa mapa ang Palawan in the future pag nagpatuloy ang mining. Kaya kailangang tutulan. Kailangang pumirma ang tao na matigil ang mining sa Palawan.

“Otherwise, ang magdurusa nito, ang mga kabataan sa future generations. Mawawala na tayo sa mapa dahil erosion at mawawala na ang mga mina na kayamanan natin.

“E, ang nakikinabang lang naman nito ay ang mga miners at ang mga operators kasama ang mga government officials na pumipirma sa mga pagmimina lalo na sa Palawan,” paliwanag ni Brillante.

***

Isisingit nga ni Dante ang paggawa ng pelikulang tutol sa pagmimina.

At hindi lang sa kanya magsisimula ito.

Naisip ng filmmaker na kausapin ang kanyang mga kapwang manggagawang pampelikula at tagalikha ng mga sinema at aninong gumagalaw na magkaisa at gumawa sila ng protesta laban sa pagmimina sa Palawan.

“Pero kailangang emotional ang approach. Kasi, sa Pilipinas, hindi masyadong pinapanood ang approach sa documentary. Akala nila ay mabigat ‘yon pero actually, wala namang pagkakaiba. Hindi pa lang kasi nakakasanayan ang documentary.

“Soap opera lang talaga ang klik kaya dadaanin namin sa style na soap opera para may dating. Para may epekto sa mga manonood,” wika ni Mendoza.

***

Kasama ang mga kapwa premyadong direktor
sa ibang bansa tulad nina Raya Martin ng “El Indio Nacional” at “Independencia,” Aureaus Solito ng “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” at “Busong” at Pepe Diokno ng”Engkuwentro.”

Sina Mendoza, Raya at Aureaus ay bihasa na at lantad na lantad na sa Cannes Film Festival at makakakuha na sila ng simpatya at pananampalataya mula sa pandaigdigang pulitika ng kultura at ekonomiya.

Kamakailan ay ipinalabas sa Directors Fortnight ng Cannes ang “Busong” ni Solito na tungkol din sa pangangalaga ng kapaligiran sa Palawan at itinanghal na rin sa seksyong ‘yon ang “Independencia” ni Martin.

Samantala, nagwagi naman sa Venice International Film Festival ang “Engkuwentro” ni Pepe kaya makakakuha rin ng suporta ang gagawin nilang pelikula kontra pagmimina sa Palawan mula sa internasyunal na komunidad.